Monday, October 7, 2019

CPP/NDF-ST: Si Duterte, tulad ni Marcos, ang pangunahing rekruter ng NPA

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2019): Si Duterte, tulad ni Marcos, ang pangunahing rekruter ng NPA

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES /
OCTOBER 07, 2019

Ang patuloy na paglalim at paglala ng kahirapan sa bansa, kawalan ng hustisya, matinding panunupil at karahasan sa ilalim ng pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte ang dahilan kung bakit maraming mamamayan ang sumasapi sa CPP-NPA-NDFP.

Maling ibintang ni Duterte, sampu ng kanyang mga pasistang galamay sa loob at labas ng Senado, sa mga hayag na organisasyong masa, mga progresibong organisasyon at partylist kung bakit maraming mga manggagawa, magsasaka, kabataan at estudyante, kababaihan, mga maralitang tagalunsod at iba pang demokratikong uri’t sektor ang sumasapi sa New People’s Army. Ang rebolusyonaryong kilusan ay may sariling pamamaraan ng pagkilos sa hanay ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino na hiwalay at indyependente sa mga ginagawa at operasyon ng mga organisasyong masa. Sadyang sinisiraan at pinasasama lang sa mata ng publiko ang mga progresibong organisasyon at partylist dahil sa puspusang pagtataguyod at pagsusulong ng mga kahilingan at interes ng masang anakpawis. Nais lamang ni Duterte, sampu ng kanyang mga pasistang galamay at masugid na anti-komunista, na alisan ng lehitimong tinig at boses ang taumbayan sa loob at labas ng Kongreso sa pamamagitan ng pilit na pag-uugnay sa mga ito bilang ‘legal front’ ng CPP-NPA-NDFP batay sa kaliwa’t kanang akusasyon at kampanyang red scare and red tagging.

Wasto ang naunang pahayag ng NDFP-ST na ang mga pagdinig ng Committee on National Defence na pinamumunuan ni Senator Panfilo Lacson at Committee on Public Order and Safety ni Gen. Tokhang Bato de la Rosa ay hahantong sa pagpapanukala ng mga higit na mapanupil na batas at hakbangin na lubusang kikitil sa kalayaang sibil at demokratiko ng taumbayan kahit hindi pormal na ideklara ang Martial Law sa buong bansa.

Nakasaad sa ulat ng dalawang komite ng Senado ang panukalang pagbabawal sa mga progresibong partylist sa ilalim ng Makabayan Bloc at ng mga kaalyado nitong mga progresibong organisasyon. Ganundin, ipinanukala sa mga pamunuan ng mga paaralan at unibersidad na kasuhan ang mga gurong nanghihikayat sa kanilang mga estudyante na lumahok sa mga rali at demonstrasyon laban sa gubyerno at sa kabilang banda hayaan ang presensya ng AFP-PNP sa loob ng mga kampus para sa diumano’y pagbibigay proteksyon sa mga estudyante mula sa mga ‘komunista at terorista’.

Pinasasampahan din nila ng kaso sina Kabataan Partylist Representative Sarah Elago at iba pang lider kabataan at estudyante sa diumano’y pagrerekrut ng mga menor de edad para sumapi sa NPA.

Nangangarap nang gising ang pasistang rehimeng US-Duterte na magagawa niya ngayon ang hindi nagawa ni Marcos nang ito ay magdeklara ng Martial Law para gapiin ang nuo’y kababagong tatag na CPP at NPA na nasa panimulang pagpupundar pa lamang ng armadong pakikibaka sa buong kapuluan. Hindi nauunawaan ni Duterte na lalo lamang ginatungan ng Martial Law ni Marcos ang dati nang nag-aalab na damdamin ng mamamayan, resulta ng labis na kahirapan at pang-aapi na kanilang nararanasan. Ang pag-iral ng Martial Law ang naging materyal na kundisyon sa mabilis na paglawak at paglakas ng rebolusyon.

Tulad ng nais gawin ngayong ng pasistang rehimeng US-Duterte, ipinagbawal nuon ni Marcos ang pag-iral ng mga hayag na organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan at estudyante, maralitang tagalunsod, propesyunal at iba pang makabayang organisasyon. Inaalisan lamang ni Duterte ng natitira pang opsyon ang taumbayan na ipaglaban ang kanilang mga pambansa at demokratikong kahilingan at interes sa pamamagitan ng mga hayag at parliamentaryong porma ng pakikibaka.

Hanggang umiiral ang sanhi at ugat ng armadong tunggalian sa bansa, patuloy na lalaki at lalakas ang armadong paglaban ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Ang pamamalakad at paghahari ng pasistang rehimeng US-Duterte mismo ang magsisilbing materyal na batayan para sa mabilis na rekrutment at pagsulong ng armadong paglaban ng mamamayan para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at buruktrata-kapitalismo na siyang pangunahing problema at dahilan kung bakit labis ang kahirapan at pang-aapi sa sambayanang Pilipino.###



https://cpp.ph/statement/si-duterte-tulad-ni-marcos-ang-pangunahing-rekruter-ng-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.