Monday, October 7, 2019

CPP/NDF-ST: Duterte—pangunahing druglord, tagakanlong at protektor ng mga “ninja cops”

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2019): Duterte—pangunahing druglord, tagakanlong at protektor ng mga “ninja cops”

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
OCTOBER 07, 2019

Lalong nalantad ang pagiging huwad at bangkarote ng kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga. Lumilitaw na wala talaga siyang intensyon na wakasan ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa kundi ang hawanin ang landas upang ang kanyang sindikato ang solong makapaghari at komontrol sa bilyon-bilyong halaga ng negosyo ng iligal na droga sa bansa kasabwat ang kanyang mga mapagkakatiwalaang matataas na opisyal mula sa AFP, PNP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC).

Wala nang bisa sa publiko ang anupamang pag-iingay at pagpapahayag ni Duterte ng matapang na pagbabanta na hindi niya lulubayan ang pagpuksa sa iligal na droga at gagawin pa niya itong higit na madugo at nakakapangilabot.

Mas nagiging malinaw na ang kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga ay pangunahing nakatuon pangunahin sa pagwasak sa suplay at estabilisadong palengke ng iligal na droga ng kanyang mga karibal na sindikato at itanghal ang sarili at mga pinapaborang druglords bilang mga bagong hari at may kontrol sa teritoryo at daloy ng suplay ng iligal na droga. Isang tipikal na labanan ng mga magkakaribal na sindikato na humahantong sa mga patayan at eliminasyon sa isa’t isa at ang mga pangunahing tinatamaan at nagmimistulang collateral damage ay mga maliliit na tulak at adik. Patunay lamang nito ang ginawang pamamaslang kina Espinoza, Parojinog at pagtatangka sa buhay ni Loot ng Visayas at Mindanao.

Isang napakalaking katanungan sa publiko kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakasuhan ang mga taong sangkot sa pagpuslit ng bilyun-bilyong halaga ng iligal na droga na dumaan sa Bureau of Custom (BOC) sa ilalim ng pamumuno nina Nicanor Faeldon at Isidro Lapeña, mga pinapaborang dating opisyal ng AFP at PNP. Inilipat lamang ni Duterte sa ibang pusisyon sa gubyerno sina Faeldon at Lapeña maging ang iba pa nilang mga nakabababang opisyal. Hindi kaya sadyang pinalusot ni Duterte ang bilyun-bilyong halaga ng iligal na droga sa Customs dahil siya at ang kanyang kasosyo sa negosyo ang may-ari ng nasabing kontrabando?

Kaduda-duda ang biglang paglambot ng tindig ni Duterte kaugnay sa isyu ng “ninja cops” matapos masangkot ang kanyang hepe sa PNP na si Gen. Oscar Albayalde dito. Ilang araw bago ito, matapang niyang ipinahayag na “uunahin niyang patayin” ang mga ninja cops na imbwelto sa recycling at pagbebenta ng iligal na droga. Ngayon, gusto na niyang ‘padaanin sa tamang proseso’ ang mga imbweltong “ninja cops” at ipinauubaya na niya sa DILG ang pag-iimbestiga matapos makumpleto ang pagdinig sa Senado.

Habang binibira ni Duterte ang ilang ninja cops para palitawing seryoso siya sa kampanya laban sa iligal na droga, patuloy naman ang kanyang pagkakanlong at pagbibigay proteksyon sa mga ninja cops na kapanalig niya. Ang pag-uutos niya ng imbestigasyon sa pagkakadawit ni Gen. Albayalde sa pagbibigay proteksyon sa mga ninja cops ay isang hakbangin para itago ang tunay na druglord at protektor ng mga ninja cops sa bansa na walang iba kundi si Duterte.

Kung ang mga ninja cops ay mahusay sa pagrerecyle ng mga nakukumpiska nilang iligal na droga, mahusay naman si Duterte sa pagrerecyle sa mga basura sa kanyang gabinete at mga tauhan.

Dapat ding imbestigahan at papanagutin si General Tokhang Bato de la Rosa ang unang hepe ng PNP na nagpatupad ng kampanya sa iligal na droga ng administrasyong Duterte kung saan napatay ang mahigit 5,000 mga adik at maliliit na tulak sa mga operasyon ng PNP dahil sa diumano’y ang mga ito’y nanlaban. Naganap din sa panahong ito ang paglobo sa mahigit sa 20,000 biktima ng extrajudicial killings na mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga sa bansa.

Kailangang singilin at papapanagutin si Duterte at kanyang mga alipuris sa AFP-PNP sa kanilang pekeng kampanya laban sa iligal na droga. Dapat ipaglaban ang katarungan sa mga naging biktima ng madugong gera kontra-droga na mga adik at maliit na tulak mula sa mahihirap na Pilipino. Dapat ilantad ang pagiging bulok sa kaibuturan ng mga armadong institusyon ng reaksyunaryong gobyerno na PNP at AFP na lalong binubulok ng pangungunsinti ni Duterte. Ang pagiging utak-kriminal ni Duterte ang lalong nag-eengganyo sa utak-kriminal sindikatong katangian ng AFP at PNP. Dapat itutok ng taumbayan ang galit kay Duterte bilang mamamatay tao, numerong-unong druglord at protektor ng mga paboritong ninja cops at malalaking sindikato sa iligal na droga sa bansa.###

https://cpp.ph/statement/duterte-pangunahing-druglord-tagakanlong-at-protektor-ng-mga-ninja-cops/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.