Monday, October 7, 2019

CPP/NDF-ST: Pakanang special enlistment ng 203rd Bde sa Mindoro, panlilinlang sa mga katutubong Mangyan

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2019): Pakanang special enlistment ng 203rd Bde sa Mindoro, panlilinlang sa mga katutubong Mangyan

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

OCTOBER 07, 2019

Panibagong panlilinlang ng AFP-PNP ang pakanang ‘special enlistment’ ng 203rd Infantry Brigade sa isla ng Mindoro. Sa balangkas ng ethnocentric approach ng kontrarebolusyonaryong digmang inilulunsad ng rehimeng US-Duterte, layon nitong magrekrut ng mga sundalo mula sa hanay ng mga katutubong Mangyan. Sa gitna ng maingay na panawagang wakasan na ang malaon nang kultura ng kabulukan at pasismo sa loob ng mga armadong institusyon ng estado, desperado ang AFP sa pagraratsada ng recruitment ng mga bagong tauhan nito. Ipinagmamalaki ng 203rd Bde na ‘binago nila ang mga rekisito’ upang ‘maging mas bukas sa mga katutubo at mapabilis’ ang proseso ng recruitment. Nangako rin ito ng napakataas na sweldo at mga benepisyo upang silawin sa pera ang mga katutubo at ang pagdestino sa mga katutubo sa kanilang mga lugar para lamang maenganyo at makumbinsi ang mga Mangyan na magparekluta.

May panibago at dagdag na namang iskema ang mga tiwaling opisyal ng AFP na mapagkukunan ng malaking halaga, para punuin ang kanilang mga bulsa, sa pamamagitan ng pangungurakot sa pondo sa rekrutment ng mga Mangyan. Tila hindi pa nasapatan sa malaking pondong kinurakot sa sapilitang rekrutment sa CAFGU, sa programang ECLIP at mga sapilitang pagpapasuko sa mga katutubo at iba pang sibilyan.

Ang totoo’y nais lamang nitong wasakin ang pagkakaisa ng mga Mangyan na may mahaba nang kasaysayan ng pakikibaka kasama ng rebolusyonaryong kilusan. Gagamitin nila ang mga Mangyan laban sa kapwa nila upang pahinain ang kanilang pagkakaisa at paglaban at mapadali ang pagpasok ng mga kumpanya sa pagmimina at iba pang mga mapanirang proyekto ng gubyerno sa mga lupaing ninuno.

Mabibigo ang 203rd Bde sa pakanang ito. Mulat ang mga katutubong Mangyan na ang AFP ay nagsisilbi sa mga kumpanya at entidad na nais kumamkam at umagaw sa kanilang lupaing ninuno. Hindi rin lingid sa kanila ang pasistang pamamaraan ng AFP dahil sila mismo’y biktima ng pamamaslang at walang-habas na pamimilit, pananakit, pamamaril, at pambobomba ng mga militar sa tuwing may operasyon. Kailanma’y hindi nila hahangaring mag-sundalo at sa halip, iginigiit nila ang pagpapalayas sa mga ito sa kanilang komunidad.

Hangga’t patuloy ang madugong gyera ng pasistang rehimeng US-Duterte, tuluy-tuloy na mamumuhi ang taumbayan sa AFP-PNP hanggang sa ganap na maihiwalay ang tiwali, berdugo at reaksyunaryong hukbo at pulis mula sa sambayanan. Kasabay nito’y hihigpit ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mamamayan at New People’s Army para labanan ang pasismo at karahasan ng rehimen.

Tiyak na higit pang pababangisin ni Duterte ang mga pag-atake ng AFP at PNP upang salagin ang lumalakas na kilusang masang naghahangad na pabagsakin ang kanyang rehimen. Wawaldasin lamang ng estado ang buhay ng mga pulis at sundalong nagmula sa uring anakpawis, alang-alang sa kontra-mamamayang gyerang pinopondohan at idinidirehe ng imperyalismong US. Nakahanda ang mamamayang harapin ang lahat ng ito, kasama ang kanilang tunay na Hukbo. Mabibigo lamang si Duterte at ang mersenaryong AFP-PNP sa imbing pakana nitong durugin ang rebousyonaryong kilusan pagsapit ng 2022.###

https://cpp.ph/statement/pakanang-special-enlistment-ng-203rd-bde-sa-mindoro-panlilinlang-sa-mga-katutubong-mangyan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.