Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2019): Pambansang tigil-pasada, tagumpay
MATAGUMPAY NA INILUNSAD ng mga drayber at opereytor ng dyip ang pambansang tigil-pasada noong Setyembre 30. Kapalit ng maghapong kita, nagtayo ng mga sentro ng protesta ang mga drayber at opereytor upang muling ipamalas ang kanilang paglaban sa programang “modernisasyon” ng gubyerno.
Noon pang 2017 itinutulak ang programang ito. Plano ng gubyerno na tanggalin ang 15-taon na mga dyip at palitan ng mga “modernong dyip” na nagkakahalaga ng P1.6-P2 milyon bawat isa. Lubhang napakamahal nito kaya’t tinatayang mawawalan ng kabuhayan ang may 240,000 drayber at maliliit na opereytor ng dyip, at 80,000 drayber ng UV Express.
Tinuligsa din ng mga nagprotesta ang pagtaas ng presyo at dagdag na buwis sa langis, pangongotong, at mga pahirap na lokal na mga ordinansa at patakaran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Pinangunahan ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide at Alliance of Concerned Transport Organizations ang tigil-pasada. Nakiisa rin sa kanila ang alyansang Stop and Go, Gabriela, Anakbayan at iba pa. Dahil sa protesta, napilitan ang rehimen na kanselahin ang klase at trabaho sa ilang lugar, at nagpabyahe ng karagdagang mga bus. Gayunpaman, nagmatigas pa rin ang gubyerno sa programa nito at muling nagbanta na tatanggalan ng prangkisa ang mga lumahok sa aksyon.
Sa kalakha’y 90% paralisado ang mga byahe sa Metro Manila at Calabarzon, at mga pangunahing ruta sa Isabela, Pampanga, Bulacan, Albay, Iloilo, Capiz, Aklan, at Davao. Nakiisa rin ang mga drayber sa mga syudad ng Cauayan, Santiago, Baguio, Dagupan, Bacolod, Cebu at General Santos.
Tinuligsa din ng mga drayber ang lokal na ordinansa na nagpapahirap sa kanila para maghanapbuhay. Sa Valenzuela City, tinutulan nila ang patakarang “no contact” kung saan maaaring sampahan ng paglabag at pagmultahin ang mga tsuper gamit lamang ang mga bidyu mula sa CCTV at iba pang digital na gadget. Sa Butuan City, nagtigil-pasada rin ang mga drayber ng traysikel upang iprotesta ang plano ng lokal na gubyerno na tanggalin ang mga traysikel na de-motor at palitan ang mga ito ng mga de-kuryente.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2019/10/07/pambansang-tigil-pasada-tagumpay/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.