Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2019): Iligal na droga, mas kumalat
Tumampok ang ribalan ng mga sindikato sa droga sa loob ng militar at pulisya nang aminin ni dating heneral Aaron Aquino na mga pulis mismo ang nagpapakalat ng mga iligal na drogang nakukumpiska. Sinabi ito ni Aquino, hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency, habang humihingi siya ng P2.5 bilyon badyet sa senado noong Setyembre 16. Ipinamamalas sa pagdinig na ito ang kabulukan at kriminalidad ng pinakamataas na upisyal ng PNP na pinakamasahol ngayon sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Sa pagdinig, naungkat ang modus ng tinatawag na mga “ninja cop,” na hindi iniuulat ang bahagi ng nakumpiskang mga droga upang muling ibenta, gamitin bilang pansariling konsumo o di kaya’y itanim bilang ebidensya sa kanilang mga target dakpin.
Nabunyag si PNP Chief Oscar Albayalde na protektor ng mga “ninja cop” na nagtabi ng mahigit 160 kilo ng shabu mula sa kabuuang 200 kilo na nakumpiska sa isang reyd noong 2013 sa Pampanga. Naiulat na hiningi ni Albayalde kina Aquino, noo’y hepe ng PNP-Central Luzon, at kay Rodrigo Duterte ang pag-abswelto sa kanyang mga tauhan.
Liban sa paglaki ng bentahan ng iligal na droga dahil sa mga “ninja cops,” iniulat ng United Nations Office on Drugs and Crime noong Marso na makabuluhan ang inilaki ng produksyon ng shabu sa Pilipinas noong 2018. Tumaas din ang bilang ng pumasok na shabu mula sa US.
Maliban sa shabu, lumaki rin ang produksyon at pagpasok ng iba pang tipo ng iligal na droga. Kabilang dito ang pagkakaroon ng pabrika ng ecstasy at pagdami ng nakukuhang mga pakete ng cocaine sa karagatan ng bansa. Lumaki rin ang bilang ng pumasok na Fentanyl, kilala bilang drogang ginagamit ni Duterte. Ligal ang Fentanyl ngunit may epekto ng pagkalango tulad ng mga iligal na droga.
Hindi na bago ang mga pagbubunyag ng kriminalidad at korapsyon sa PNP at AFP. Ito ang marahas na mukha ng burukrata kapitalismo, kung saan kinakasangkapan ng naghaharing uri ang reaksyunaryong estado para ipagtanggol at isulong ang interes ng mga dinastiya sa pulitika at ng mga sindikatong kriminal na nakadikit sa kanila. Nasa tuktok ng burukrasyang ito si Duterte, na siya ring pinakamukha ng korapsyon at pinakamalaking protektor ng mga sindikato.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2019/10/07/iligal-na-droga-mas-kumalat/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.