Propaganda editorial from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2019): Editorial -- Itakwil ang panloloko at pang-aapi
Panloloko at pang-aapi. Ito ang araw-araw na hatid ni Duterte at ng AFP/PNP sa masang naghihirap sa mga bukid at bundok. “Kapayapaan” at “Kapanatagan” ang pangako, subalit pawang karahasan at kahirapan ang bunga ng walang puknat na gera laban sa bayan. Hindi mapagtakpan ng mga pakitang-taong “serbisyo” ang malawak na paghihirap at kawalang hanapbuhay bunga ng pang-aagaw at pagpapalayas sa lupa.
Kabulastugan ang sinasabing ilanlibong “sumurender” kay Duterte. Sila ba ay armado, mga kriminal o may mga kaso? Ang totoo, 99% sa kanila ay mga ordinaryong magsasaka, manggagawang-bukid at mga simpleng naghahanap-buhay. Sila ay nilansi, tinakot o pinwersa: pinapila ng meyor para tumanggap ng bigas at delata, pinapirma sa blangkong papel, pinadalo sa “dayalogo” at iba pang panggagantso, para palabasing sila ay “sumuko”.
Malaking kalokohan din ang palabas ng AFP na “persona non grata” (o pagdedeklarang mga “taong di kanais-nais”) ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga “grupong maka-Kaliwa”. Sino ba ang tunay na kinamumuhian ng masa? Hindi ba’t ang mga abusadong sundalo: nakangiti kung humarap sa midya, pero labas ang pangil kung walang kamera? Ang tunay na pakay ng AFP ay ipitin at buwagin ang mga organisasyon ng taumbayan. Idinadawit sila sa BHB gayong wala silang krimen o kasong hinaharap sa korte.
Pinag-iinitan ng AFP ang taumbayan at ang kanilang mga samahan dahil sila’y kontra sa mga abuso ng AFP. Kontra sila sa pagkakampo ng mga sundalo sa gitna ng mga barangay na nagdadala ng peligro, takot, ingay, bisyo at gambala sa taumbaryo.
Malaking pabigat sa bayan ang mga pakanang ito. Ang mga ito’y pinopondohan ng pera ng bayan pero pinagkakakitaan ng mga buktot na upisyal ng AFP. Kabilang dito ang E-CLIP na nangakong magbigay ng P65,000 kada “nagsurender.” Maraming kaso na wala ni pisong dumampi sa kanilang palad. May iba namang nakatanggap lamang ng P5,000 sa anyo ng motorsiklong huhulugan. Daan-daang milyong pisong pondo ang kinukulimbat ng mga gahamang upisyal ni Duterte (katulad din ng laganap na sistema ng pagnanakaw sa 4Ps). Mas maraming “sumuko,” mas malaki ang kurakot.
Malaking negosyo rin ang mga magastos na palabas tulad ng ipinagagawang “pabahay,” “pamamasyal sa Hongkong” at iba pang kalokohan. Ang totoo, sa halip na pabahay, may mga kaso na ang mga “sumuko”, laluna ang mga lalaki, ay ikinukural na parang hayop sa loob ng mga kampo militar.
Pilit na pinalalabas ng AFP/PNP na suportado ng taumbayan ang kanilang gera laban sa BHB. Ang totoo, ang masa mismo ang kanilang ginegera. Ang masa ang labis nilang pinahihirapan. Pinagbabawalan silang magtrabaho sa bukid o lumabas sa baryo. Tsinetsekpoynt at hinaharang ang kanilang pagkain. Kinakampuhan ang mga eskwelahan ng mga bata. Takot, hindi tuwa, ang dala ng kanilang armadong presensya sa gitna ng baryo, panununog ng mga kubo, panghahalughog ng mga bahay, pagpapaputok ng baril, panganganyon, pambobomba ng mga helikopter, maging ang nakaririnding pagpapaikut-ikot ng mga drone.
Ilang magsasaka na ba ang pinatay ng mga pwersa at ahente ng AFP/PNP? Sa huling bilang: 231. Sinong makalilimot sa Masaker sa Sagay, sa Masaker sa Lake Sebu, sa 14 na pinatay sa loob ng isang araw sa Negros? Hindi sila BHB. Wala silang baril. Pero sila raw ay nanlaban.
Ang panlolokong “surender” at “persona non grata” ng AFP/PNP ay mga huwad na palabas para linlangin ang masa. Pinagtatakpan nito ang kabiguan ng rehimeng Duterte na gapiin ang BHB at ang katotohanang patuloy na nagpupunyagi ang armadong pakikibaka sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Malaking manloloko si Duterte sa pagpapanggap niyang maka-magsasaka at para sa reporma sa lupa. Sigaw ni Duterte: “Talikuran niyo na ang NPA, sa akin na kayo!” habang namimigay ng walang-saysay na mga papeles. Pinagtatakpan ni Duterte ang krisis na bumabalot sa kanayunan. Daan-daan libong magsasaka ng palay ang pinapatay ni Duterte sa pagbaha ng imported na bigas. Ang kanyang imbing pakana ay agawin ang lupa at alisin ang kakayahang lumaban ng masang anakpawis para malayang makapasok ang mga dayong kumpanya sa pagmimina, plantasyon ng oil palm, mga proyektong pang-enerhiya at panturismo, kalsada at iba pang imprastruktura para sa malalaking negosyo.
Pakay ng lahat ng panlolokong ito na wasakin ang pagkakaisa ng masang anakpawis sa kanayunan at lumpuhin ang kanilang lakas na lumaban. Pilit nilalansag at ipinagbabawal ang mga demokratikong samahan upang maiwan yaon lamang luluhod sa AFP/PNP at yaong mga upisyal na susunod sa lahat ng kanilang utos. Tinatapos ang mga kalayaan at karapatan kahit nakasaad sa ilalim ng sarili nilang Konstitusyong 1987. Ito ang kaayusang pasista na ipinapataw ni Duterte sa buong bansa. Nais niyang alisan ng kakayahan ang mga tao na ipagtanggol ang kanilang interes at kabutihan. Kinamumuhian ni Duterte ang mga magsasaka, mga Lumad, kababaihan at kabataan na nagkakaisa at naninindigan.
Kung walang lakas na lumaban ang taumbayan, walang makahahadlang kay Duterte na lalong pahirapan ang masa, palawigin ang kanyang poder at tuparin ang pangarap niyang maging diktador tulad ni Marcos para kontrolin ang lahat ng bentahan ng droga, hawakan lahat ng kontrata sa China sa pagdambong sa likas yaman sa lupa at karagatan, solohin ang korapsyon at patuloy na mabuhay sa walang hanggang karangyaan.
Bayan! Lalong paghihirap at kaapihan ang daranasin ng masang anakpawis sa mga bukid at bundok kung tayo ay mananahimik at yuyuko lamang kay Duterte at sa AFP/PNP. Pangibabawan ang takot! Magsama-sama at magtanggol! Magkaisa at lumaban!
Ano ang dapat nating gawin? Bawiin ang mga kalayaang ipinagkait! Ipaglaban ang mga kalayaan at demokratikong karapatan. Buuin, palawakin at patatagin ang sariling mga samahan! Dapat kumilos ang buong barangay, ang magkakalapit na barangay at ang buo-buong bayan.
Napakatindi ng pang-aapi ng rehimeng Duterte sa masang anakpawis sa mga bukid at bundok. Gayon, dapat ibayong ipaglaban ang kapakanan at ikabubuti ng lahat ng masang naghihirap. Sama-samang ipaglaban ang pagkaltas sa upa sa lupa, pagpapababa ng interes sa pautang at presyo ng binhi at pestisidyo, makatwirang presyo ng palay, kopra, saging, abaka at mga produktong-bukid, karapatan sa pondong pangkalamidad at iba pa. Sama-samang labanan ang mga mapang-aping proyekto ng mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista na sumasagasa sa interes ng mahihirap.
Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay mahigpit na kapanalig ng bayan. Hindi nagmamaliw ang paninindigan ng Partido para sa interes ng masang anakpawis. Panata ng Partido na ibayong magpakatatag upang manatiling gabay, pinuno at kasama sa bawat saglit ng mahirap na pakikibaka laban sa mga mapang-api at mapagsamantala.
Itinayo ng Partido ang BHB bilang tunay na hukbo ng masang Pilipino. Ang mga Pulang mandirigma nito ay binubuo ng pinakamahusay, pinakamatapang at pinakatapat na mga anak ng bayan. Pinangingibabawan nila ang hirap, lungkot at lahat ng sakripisyo at walang-imbot na ibinibigay ang lahat ng talino at lakas para ipagtanggol ang masa laban sa pagpapahirap at pang-aapi. Patuloy nating ibigay ang lahat ng suporta at pagmamahal sa ating hukbo. Tuluy-tuloy na palalakasin ng BHB at isusulong ang armadong pakikibaka sa buong bansa upang bigwasan ang malulupit at kriminal na yunit ng AFP, PNP at lahat ng armadong tauhan ni Duterte.
Itakwil at labanan ang panloloko at pang-aapi ni Duterte at ng AFP/PNP! Labanan ang paghahati sa masa! Magkaisa at sama-samang ipaglaban ang demokrasya at kapakanan ng buong bayan! Wakasan at durugin ang paghahari ng pasistang rehimeng Duterte!
LEAFLETS: PIL | BIS
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2019/10/07/itakwil-ang-panloloko-at-pang-aapi/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.