Wednesday, October 9, 2019

CPP/Ang Bayan: Buhay na demokrasya: Demokrasya sa Bagong Hukbong Bayan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 7, 2019): Buhay na demokrasya: Demokrasya sa Bagong Hukbong Bayan



Sa kabila ng pag-iral ng pasistang tiraniya, binubuhay ng mamamayan ang demokrasya sa landas ng pakikibaka. Matatagpuan ito sa mga organisasyon ng mamamayan, kanilang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at gubyernong bayan, sa loob ng Partido Komunista at ng Bagong Hukbong Bayan. Sa mga ito dumadaloy ang boses ng mga uring api at demokratikong sektor, ang kanilang mga hinaing at tunguhin, gayundin ang kanilang galit at pagkamuhi sa nakaupong rehimen. Sa loob ng mga ito malayang naihahapag ng mamamayan ang kanilang mga usapin nang walang takot at reserbasyon. Lumilitaw sa prosesong ito ang makatarungan at wastong resolusyon sa kanilang mga usapin, at nakaaasa silang buo itong susuportahan at ipagtatanggol ng kanilang hukbong bayan.

Dumadaloy ang demokrasya sa rebolusyon, sa loob ng NPA. Ito ang pahayag ni Ka Ando, isang kumander ng Bagong Hukbong Bayan. Tinitiyak ito ng mga sangay ng Partido Komunista ng Pilipinas na nasa loob sa hukbo. Kakambal ito ng disiplina na mahigpit na tinatangan ng mga Pulang mandirigma.

Susi sa pagdaloy ng demokrasya ang mga talakayan at pag-aaral sa hanay ng mga kumander at mandirigma at kadre ng Partido tungkol sa mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa programa, mga patakaran at mga kapasyahan ng Partido bilang bahagi nito. Mahalaga rin dito na regular ang kolektibong pagpuna at pagpuna-sa-sarili ng mga Pulang mandirigma na susi sa pagpapatatag ng kanilang pagkakaisa.

Nabibigyang-mukha ang demokrasya ng hukbo sa tatlong larangan—pulitika, militar at ekonomya.

Nakikita ang demokrasya sa pulitika sa pagkakaroon ng mga pulong at malayang pagpapahayag ng saloobin sa pagitan ng mga kumander at kawal ng hukbo.
Karamihan sa mga Pulang mandirigma ay mga magsasaka at minoryang mamamayan. Sinisikap ng mga kadre ng Partido na sanayin sila sa pagbibigay ng opinyon at pagpapahayag. Bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga yunit ng hukbo ang maiiksing pulong at pagtatasa hanggang sa antas iskwad.

Bahagi ng demokrasya sa militar ang karapatan ng bawat mandirigma na magpahayag ng kanilang opinyon sa mga usaping militar. Gayundin, bago at pagkatapos ng mga kampanyang militar ay kinakailangang magdaos ng mga pulong ang BHB. Tinatalakay dito ang mga planong pang-operasyon, mga paraan at teknika ng paglaban at pagtatagumpay ng mga opensiba.
Naipamamalas din ang demokrasyang militar sa pagtatalaga ng mga kadre ng hukbo bilang mga kumander at upisyal na walang pagtatangi sa edad. Binabasag nito ang kultura ng pagiging mas matanda o di kaya ay beterano bago maging upisyal.

Lubog sa araw-araw na pakikibaka ang mga kumander ng BHB, salungat sa mga heneral ng reaksyunaryong armadong hukbo. Nasa unahan sila ng mga pakikibaka at sakripisyo at nagsisilbing modelo sa mga Pulang mandirigma ng prinsipyo ng “simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka.”

Iisang hapag-kainan

Kanin. Gulay. Tuyo. Delata. Ito ang karaniwang pinagsasaluhan kapwa ng mga Pulang kumander at kawal sa hapag-kainan. Sa tatlong demokrasya, sa ekonomya matingkad na naipamamalas ang pagkakapantay-pantay.

Magkasalo sila sa pantay na rasyon at pantay na panggastos. Kadalasan, inihahanay ang mga lalagyan sa kusina at magkakasunod na tinatakalan ng pagkain. Tinitiyak ng mga itinalagang upisyal sa suplay ang pagkakaroon ng sapat na pagkain at iba pang pangangailangan ng mga mandirigma.

Hindi lamang sa pagkain kundi maging sa gamit makikita ang pagkakapantay-pantay ng mga mandirigma. Walang pagbibigay ng mga pabor sa mga upisyal. Kung ano ang klase ng gamit na ibinigay sa isa, ganun din ang sa iba pa. Sinisikap na pagkasyahin at mabigyan ang higit na nangangailangan ng mga suplay na nabili o nakalap. Para matiyak ang tamang paggamit sa mga ito, pana-panahong nagsasagawa ng imbentaryo ang mga upsiyal sa suplay.

Simple ang pamumuhay ng mga kumander at mga kawal ng hukbo. Salungat ito sa bundat na mga heneral ng AFP at PNP na nagmamay-ari ng naglalakihang mansyon. Nag-uunahan ang mga upisyal nito sa pangungurakot maging sa kakarampot na pondong pang-operasyon na nakalaan para sa kanilang mga tropa. Sa kaso halimbawa ng mga CAFGU, ginagamit pa para sa personal na negosyo ng mga regular na sundalo ang sahod ng mga elemento at binabayaran lamang ang mga ito nang ilang kilong bigas at ilang pirasong sardinas.

Sa BHB, kolektibong pinagpapasyahan at ipinatutupad ang mga gawaing pamproduksyon alinsunod sa prinsipyo ng “pagtindig sa sariling paa.” Tinutuwangan ng mga kasamang may sapat na kaalaman sa produksyon ang ibang relatibong bago sa gawain.

Ang mga kumander at mandirigma ay magkasama sa parehong gipit at maluwag na sitwasyon sa loob hukbo. Sa panahon ng mga matinding opensibang militar ng kaaway, kinakailangang maghigpit ng sinturon ang hukbo. Sa ganitong mga kalagayan, parehong napagtitibay ang demokrasya at disiplina ng mga yunit ng hukbong bayan.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2019/10/07/buhay-na-demokrasya-demokrasya-sa-bagong-hukbong-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.