NPA-Panay propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 20): Madramang engkwentro ng AFP at CAFGU, nagdulot ng malaking perwisyo sa mga sibilyan!
Ka Julio Montana, Spokesperson
NPA-Panay (Coronacion Chiva “Waling-Waling” Command)
20 June 2017
Hindi totoong NPA ang nakaengkwentro ng mga Cafgu sa Brgy Lampaya, Leon, Iloilo nitong umaga ng Hunyo 20, 2017. Batay sa pag-usisa sa mga yunit ng NPA na kumikilos sa erya ng Leon at Alimodian, itinanggi nilang may mga Kasama sa Brgy Lampaya para atakehen ang mga Cafgu nang panahong iyon dahil alam ng mga Kasama na may presensya ng maraming tropa ng AFP dito. Kung totoong may NPA sa lugar, ang mga pasistang tropa ng 61st IB na ang tinira nila kaysa mga Cafgu na nakaposisyon sa komunidad, at delikadong tatamaan ang mga sibilyan.
Para sa NPA-Panay dalawa ang posibleng ugat ng pangyayaring ito: una, misencounter ito ng nag-ooperasyong tropa ng 61st IB at ng mga kasapi ng paramilitar/Cafgu sa Lampaya na hindi nila maayos na nakoordina. Dahil ugali na ng 61st IB na huwag umamin ng kapalpakan sa publiko, itinuloy na ang palabas na engkwentro. Pangalawa, sadyang isinagawa ang eksenang ito para bigyang katwiran ang pagmilitarisa sa mga barangay na kanilang pinaghihinalaang direksyon ng NPA na nag-reyd sa Maasin PNP. Higit sa lahat, hindi rin gagawin ng NPA ang ganung nakatatawang paraan ng “atake”
Kami’y nakikisimpatiya sa mga sibilyan na labis na naapektuhan ng kalokohang ito ng 61st IB. Batay sa report ng mga taga media na nag-cover ng pangyayari, maraming residente lalo na ang mga kababaihan at kabataan ang napilitang lumikas dahil sa matinding takot. Hindi sila nakapagpananghalian, sapilitang natigil ang klase ng mga mag-aaral sa mga kalapit na barangay at maging sa buong bayan ng Alimodian, Iloilo.
Inaalerto namin ang mga masa sa eryang inaatake ngayon ng 61st IB – 3rd ID. Notoryus ang tropang ito sa pamamaril sa mga sibilyan na kanilang paghihinalaan. Hanggang ngayon ay sumisigaw ng hustisya ang mga pamilya nina Lorendo Borres at Ian Borres na pinatay ng kanilang nag-ooperasyong tropa noong Pebrero 24, 2017 sa Brgy Jebaca, Maayon, Capiz. Sa halip na parusahan ang mga nagkasalang tropa, walang hiyang pinagdidiinan pa ng mga opisyal ng 61st IB at 3rd IDPA na NPA ang mga biktima sa kabila ng pagpapatunay ng mga kamag-anak, kakilala at lokal na opisyal na ordinaryong mga magsasaka ang dalawang namatay. At mas masaklap, na-promote pa sa mas mataas na pusisyon ang kumander ng berdugong batalyon na ito, si Col. Leonardo Peña, bilang pangalawang kumander ng 301st Brigade, PA na nakabase sa Dingle, Iloilo.
Hinahamon namin ang 61st IB na maging makatotohanan sa pag-ako ng kanilang kamalian at sagutin ang lahat ng gastusin laluna na nasa kritikal na kondisyon ngayon ang kanilang natamaan na kasapi ng Cafgu.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.