Saturday, June 24, 2017

CPP/NPA Camarine Sur: Matagumpay na Operasyong Demolisyon, Isinagawa ng NPA sa Lupi, Camarines Sur

NPA-Camarines Sur propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 23): Matagumpay na Operasyong Demolisyon, Isinagawa ng NPA sa Lupi, Camarines Sur



Michael Robredo, Spokesperson
NPA-Camarines Sur (Norben Gruta Command)

23 June 2017
Press Release

Noong Hunyo 22, isang operasyong demolisyon ang isinagawa ng Norben Gruta Command (New People’s Army–West Camarines Sur) laban sa tropa ng 92nd Division Reconnaissance Company (DRC) ng 9th Infantry Division. Bandang alas-onse ng gabi, pinasabugan ng command detonated explosive (CDX) ang dumadaang trak ng AFP sa Sitio Castilla, Barangay Napolidan, Lupi, Camarines Sur. Ang nasabing trak ay sinakyan ng 1 seksyon mula sa 92nd DRC at patungo sa Pag-oring, Libmanan, upang kumuha ng dagdag pang sundalong magre-reinforce sana sa mga sundalong napalaban sa taktikal na opensiba ng NPA sa Camarines Norte noong Hunyo 21.* Sa pagpasabog sa trak, napatay ang Cafgung si Hilario Caña, habang lima sa kasamahan nito ang sugatan.

Ang opensibang ito ng NGC ay tugon sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na paigtingin ang armadong pakikibaka, sa gitna ng tumitinding paglabag ng karapatang pantao sa ilalim ng todo-gera at Batas Militar ng rehimeng Duterte. Matatandaan na noong Marso 30, pinaulanan ng bala ng 9th ID ang mga sibilyan sa gawa-gawa nilang engkwentro sa Sityo Traktora, Bagong Silang, Sipocot, Camarines Sur, kung saan isang sibilyan ang namatay, dalawa ang malubhang nasugatan at isa ang dinakip at inakusahang NPA. Sinundan pa ito ng mga serye ng kabiguan nang malagasan sila sa tangkang pagkubkob sa isang yunit ng NGC noong Abril 20 sa Barangay Bagong Silang, Del Gallego, Camarines Sur, at nasundan pa ng muling pagkabigo sa mga taktikal na opensiba ng mga yunit ng NGC noong Abril 21 at 22 sa parehong barangay. Patunay ito na bagamat mas maliit ang pwersa at kagamitang militar ng NPA, hindi ito malulupig dahil sa mahusay nitong taktika, pagkabisa sa teritoryo at mainit na suporta ng masa, na kaakibat ng mahigpit na pagtalima nito sa rebolusyonaryong prinsipyo at praktika. Patunay ito na habang tumitindi ang pasismo ng AFP, wala nang ibang masasandigan ang masa kundi ang Pulang Hukbo nito. Patunay ito na ang NPA ay ang tunay na hukbo ng sambayanang Pilipino.
 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.