Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): Pasistang atake ng estado, tuluy-tuloy
Todong-gera ng AFP
Wala pa ring puknat ang pasistang pang-aatake ng mga armadong galamay ng estado sa mga sibilyan. Sa nakaraang dalawang buwan, isang magsasaka sa bawat dalawang araw ang pinapaslang ng mga ahente ng militar at pinagbibintangang kasapi o tagasuporta ng BHB. Ito ang inihayag ng mga grupo ng mga magsasaka nang ilunsad nila ang pambansang kampanya na #StopKillingFarmers (Itigil ang pagpatay sa mga magsasaka) sa kanilang pagpapahayag noong Marso 29. Mula nang simulan ng rehimeng Duterte ang todo-gera nito laban sa rebolusyonaryong kilusan noong Pebrero 3, umaabot na sa 24 magsasaka at katutubo ang pinaslang ng mga ahente ng estado.
Patuloy rin ang kriminal na pambobomba at militarisasyon ng AFP sa mga sibilyang komunidad, iligal na pang-aaresto, panggigipit at samutsaring paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan.
Ekstrahudisyal na pamamaslang
Nitong Abril 2, dalawang araw bago magbukas ang ikaapat sa serye ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP, pinaslang ng mga ahente ng 46th IB si Danilo Nadal. Myembro si Nadal ng Hugpong sa mga Mag-uuma sa Pantukan, isang organisasyon ng mga magsasakang nakikilaban para sa kanilang karapatan sa lupa. Sampung tama ng baril ang kanyang natamo.
Noong Marso 27, tatlong magsasaka ang sunud-sunod na pinatay ng mga elemento ng 60th IB sa Laak, Compostela Valley. Bandang alas-3 ng hapon, apat na beses na binaril si Cora Molave Lina, 45, sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Kibaguio. Pagsapit ng alas-7 ng gabi, binaril naman ang mag-asawang Arman at Arlyn Almonicar sa Purok 2, Barangay Bollucan ng mga ahente ng intel ng 60th IB. Pawang mga myembro ng Nagkahiusang Mag-uuma sa Laak (NAMULAK or United Peasants in Laak) ang tatlo. Kilala ang mag-asawang Almonicar bilang matatag na tagasuporta sa pakikipaglaban ng mga magsasaka.
Noong Marso 23, binaril naman ng elementong nakapailalim sa 46th IB si Pedro Pandagay 48, sa kanyang bahay sa Purok Biaw, Brgy. Anitapan, Mabini, Compostela Valley. Upisyal ng Golden Valley Banana Planters Association ng Mabini si Pandagay at aktibo sa mga pakikibakang magsasaka sa lugar.
Namatay naman si Jeffry Santos noong Marso 31 matapos siyang mabaril sa tiyan ng mga elemento ng 28th IB sa Brgy. Tagbinonga, Mati City.
Pambobomba sa mga sibilyang komunidad
Nasa 1,000 residente mula sa limang barangay ng bayan ng Calbiga (Literon, Hubasan, Burong, Canbagtic at San Mauricio) ang nagbakwit noong Abril 4 matapos okupahin ng 87th IB ang kanilang mga komunidad. Sa pamumuno ng Kapunungan han mga Parag-uma ha Weste han Samar (KAPAWA), dumating sa sentro ng bayan ang mga nagbakwit bandang alas-6 ng hapon. Ayon sa mga residente, nagkampo ang mga sundalo sa sentro ng kanilang mga barangay, sa mga barangay hall at mga bulwagan. Ginipit nila ang mga residente at pinilit ang iba na maggiya sa kanilang mga operasyon. Tumigil ang mga sundalo sa lugar matapos magkaroon ng sagupaan sa pagitan nila at BHB.
Noong Marso 30, binomba ng 203rd IBde ang paligid ng mga Sityo Karumata at Kalungbuyan, Brgy. Benli sa Bulalacao, Oriental Mindoro. Ito ay matapos mabigwasan ang kanilang tropa sa atake ng BHB na nagdulot ng 15 kaswalti sa kanilang hanay. (Tingnan ang kaugnay na balita sa pahina 7.) Kinabukasan, pinalibutan ang mga sundalo ang tatlong sityo ng Brgy. Benli. Nagdulot ito ng matinding takot sa mga residente. Pinagbawalan nila ang pagpasok ng pagkain at iba pang pangangailangan sa lugar. Hindi makapasok ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa lugar dulot ng matinding militarisasyon.
Noon namang Marso 22, alas-11 ng umaga, anim na bomba ang hinulog ng mga eroplano ng AFP malapit sa Brgy. Olave, Buenavista, Agusan del Norte. Ito ay matapos makaengkwento ng 23rd IB ang isang yunit ng BHB sa Sityo Malambago, Brgy. Sangay sa naturang bayan. Ayon sa ulat ng mga residente, isang bomba ang sumabog malapit sa Olave Elementary School kung saan mayroon pang nagkaklase. Dulot ng lakas ng bomba, nahimatay ang ilang mga bata at natakot ng husto ang iba.
Matapos ang pambobomba, dumating sa lugar ang mahigit 60 tropa ng 23rd IB sa Olave at inaresto ang dalawang sibilyan. Nakasalubong lamang nina Roland Abandola, 26, at Max Lagumbay, 30, ang mga sundalo nang sila ay iligal na arestuhin at pinaratangang mga myembro ng BHB.
Sa Southern Mindanao, tuluy-tuloy ang mga pambobomba at okupasyon AFP sa mga sibilyang komunidad, dahilan ng maramihang paglikas ng mga residente rito.
Noong Marso 30, umabot sa 170 pamilya mula sa Brgy. Don Salvador, Tagbinugna at Calatagan sa Mati City nang binomba ng 28th IB sa kanilang mga komunidad. Inokupa ng mga sundalo ang komunidad matapos makasagupa ang mga Pulang mandirigma sa kalapit na lugar.
Noong Marso 26, nagbakwit naman ang mga residente sa Purok 6, Brgy. Dalaguit, Montevista, Compostela Valley.
Pagbakwit dulot ng militarisasyon
Noong Marso 30, lumikas sa Sityo Camansi, Banglay, Lagonlong, Misamis Oriental ang 36 na pamilyang Higaonon matapos inokupa ng mga sundalo mula sa 58th IB ang kanilang komunidad. Ayon sa mga residente, dumating noong umaga ng Marso 29 ang 100 sundalo at namigay ng mga polyeto kung saan pinasusurender ang mga residente bilang mga myembro ng BHB. Nagbanta ang mga sundalo na magkakampo sa lugar kapag hindi sumunod ang mga Lumad.
Sa Isabela, iniulat ng grupong tagapagtanggol ng karapatang-tao ang okupasyon ng 86th IB sa Brgy. Aringgay, San Guillermo noong Marso 28. Ayon sa mga residente, pinaalis sila ng mga sundalo sa kanilang mga sakahan at ilan sa kanila ay tinutukan pa ng baril. Nagpapanggap diumanong mga Pulang mandirigma ang mga sundalo pero hindi nila naloko ang mga residente. Kagyat nilang iginiit ang pagpapalayas sa mga sundalo mula sa kanilang komunidad.
Noon namang Marso 21, inokupa ng 2nd Marine Company ng Marine Battalion Landing Team-8 ang Brgy. Hinanaan at dalawa pang kalapit nitong baryo sa Kalamansig, Sultan Kudarat matapos magtamo ng matinding pinsala sa taktikal na opensiba ng BHB sa nakaraang araw. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa pahina 7.) Hinamlet ng mga sundalo ang lugar at naghasik ng matinding takot sa mga residente sa pamamagitan ng walang pakundangang pagpapaputok. Sinira nila ang isang bahay upang bigyang-daan ang paglapag ng kanilang helikopter. Noong Marso 22, idinetine nila si Pastor Godofredo Gantangan ng Dulangan Manobo Evangelical Church at isinailalim sa interogasyon sa loob ng pitong oras. Pilit siyang pinaaaming myembro ng BHB sa pamamagitan ng mga pagbabanta sa kanyang buhay. Sa parehong araw, pinasok ng mga sundalo ang eskwelahang pinatatakbo ng Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. sa Sityo Tinagdanan, Brgy. Hinalaan at ininteroga ang mga guro at estudyante nito. Ilang araw matapos nito, nilisan ng mga residente ang lugar para humingi ng tulong at suporta sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at ahensya ng gubyerno. Mahigit kalahati sa mga nagbakwit ay mga bata. Ang umokupang mga sundalo ay nagsisilbing gwardya ng DM Consunji Inc. na may malawak na operasyong pagmimina sa lugar. Kasabwat rin nila ang mga pribadong gwardya ng kumpanya.
Pang-aaresto at pagbabanta
Tuluy-tuloy din ang mga pang-aaresto, pananakit at pananakot sa mga pinararatangang tagasuporta o myembro ng BHB. Gayundin, nagpapatuloy ang panggigipit sa mga aktibista sa ligal na demokratikong kilusan.
Noong madaling araw ng Marso 21, inaresto ng pinagsanib na pwersa ng 56th IB, pulis at mga operatibang paniktik sa Sityo Compra, Brgy. General Luna sa Carranglan, Nueva Ecija si Rommel Tucay, 38 taong gulang. Isa siyang organisador ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon na nakatalaga sa Carranglan. Binugbog at tinortyur si Tucay ng mga sundalo bago dalhin sa presinto kung saan ipinailalim siya sa integorasyon.
Sa Bicol, inireklamo ng College Editors Guild of the Philippines sa rehiyon ang tuluy-tuloy na sarbeylans at panggigipit ng militar sa kanilang mga myembrong mamamahayag sa Ateneo de Naga University at Baao Community College, parehong nasa Camarines Sur. Noong Marso 17, pinuntahan ng mga pulis ang bahay ni Jan Joseph Goingo, bise-presidente ng CEGP para sa Luzon, at hinaras ang kanyang pamilya. Umikot din ang mga pulis sa mga upisina ng mga publikasyon ng mag-aaral sa tangkang sindakin ang mga nagpapatakbo nito.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170407-pasistang-atake-ng-estado-tuluy-tuloy/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.