Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): Mga kwento ng Ikalawang Kongreso
Isang kongreso ng pagkakaisa ang naidaos na Ikalawang Kongreso ng Partido Komunista ng Pilipinas. Malawak, malalim at makasaysayan ang kabuluhan ng mga aral at kapasyahang nabuo rito para sa patuloy na pagsulong ng rebolusyong Pilipino (Basahin ang Komunike nito sa Ang Bayan, Marso 29, 2017). Kaalinsabay nito, katangi-tangi rin ang mismong mga detalye sa pagdaraos ng gayong aktibidad. Sa isang baseng gerilya, nagtipon ang isang batalyon ng hukbong bayan, halos isandaang mga namumunong kadre at kasapi ng Partido, at mga kasapi ng milisyang bayan sa isang kampo sa gitna ng kagubatan sa kabila ng patuloy na operasyon ng kaaway.
Pagtiyak ng demokrasya, pagpapatibay ng pagkakaisa
Ang kongreso ang pinakamataas na daluyan ng demokrasya sa loob ng Partido. Kaya hinikayat ang partisipasyon ng mga lumahok, lalo na ang nagmula sa mga rehiyon, sa pamamagitan ng facilitator na naglilibot sa mga lamesa at upuan, at mga kadreng tumutulong sa pagsasalin mula sa mga lokal na wika kapag nahihirapan ang nagsasalita sa Pilipino, ang upisyal na wika ng kongreso. Kapag malakas ang ulan, nagpapalitan ang mga nagsasalita sa mikroponong nakakabit sa dalawang malaking amplifier. Sabay namang nakalitaw mula sa dalawang projector sa magkabilang telon ang bersyong English at bersyong Pilipino ng mga borador na tinatalakay, samantalang nasusubaybayan din ng presidyum mula sa kanilang mga kompyuter ang borador kahit nakapwesto sila sa podyum.
Bagamat napakahirap para sa mga facilitator ang pagrenda sa talakayang bumubuhos mula sa natipong dekadang mga karanasan, naging magaan naman para sa mga lumahok ang klima ng pagbibigayan dahil pagkakaisa ang layunin. Anang isang kasamang bahagi ng tagakuha ng katitikan, “hindi ako masyadong makalahok sa talakayan dahil hinahabol kong maipasok ang mga pinag-uusapan, pero kung talagang may sasabihin ako, pinagbibigyan naman ako. Napakasigla talaga ng talakayan. Masaya [ang aktibidad], at nakita kong muli ang mga dati kong kakolektib na ilang dekada nang di ko nababalitaan.”
Sa pagsang-ayon o hindi sa mga panukalang amyenda o resolusyon, tiniyak na may tatlong tagabilang ng nakataas na mga kamay. Pagdating sa paghalal ng pamunuan, ginamit ang sekretong balota, at pagbibilang sa plenaryo na sabay-sabay na itinatala sa blakbord, sa projector, at sa papel ang bawat pangalang tinatawag at kinukumpirma ng tatlo-kataong “tagamasid” mula sa iba’t ibang rehiyon.
Pinagpasyahan ng buong kapulungan na ang makakapasok lamang sa Komite Sentral at sa Kawanihang Pampulitika (Politburo) ay yaong makakukuha ng boto ng mayorya ng mga delegadong dumalo. Hangga’t hindi napupunuan ang kinakailangang bilang ng bawat organo, patuloy na inuulit ang botohan upang makakuha ng mayorya ang mga kadreng ilalagay dito, kaya’t inabot ng alas-dose ng gabi ang eleksyon at bilangan. Gayunpaman, walang nadamang pagod ang mga kalahok. Biro nga ng isang delegado, “ayan, ilang taon na kasing hindi tayo bumoboto sa bulok na gubyerno, kaya bawiin natin dito.”
Isang nakababatang kadre militar na nahalal bilang bagong kagawad ng pamunuan ang nagsabing “napaka-inspiring na nagkakilala, nagkahimamat (nagsalubong, nagkadaupang-palad) ang mga kasamang mula sa iba’t ibang lugar sa kapuluan, iba’t ibang henerasyon, nagkatagpo lahat sa isang makasaysayang pangyayari at nakapagpalitan ng mga kuru-kuro.”
Ginawa ng komiteng namahala sa aktibidad ang lahat ng magagawa upang maging palagay ang mga delegado at sa gayo’y makakonsentra sa paglahok sa mga talakayan. Mula sa higanteng apat na metrong bandila ng Partido sa unahan at tig-24 na katamtamang-laking bandila ng Partido sa magkabilang gilid ng bulwagan para sa 48 taon ng pagkilos nito, hanggang sa mga orkidyas at iba pang halamang gubat na ipinanggayak sa mga lamesa, masinsing pinagbuhusan ng pansin ng mga kasama ang lahat ng detalye upang maging matagumpay at di-malilimutan ang pagtitipon.
“Nang malaman kong para sa Kongreso ang ipinagagawa sa akin na myural, istrimer at mga bandera, na-overwhelm ako, tumindig ang balahibo sa braso ko,” wika ng dibuhistang kabilang sa komite sa dekorasyon. “Minsan lang ito, at hindi ko akalaing magiging bahagi ako ng ganitong pangyayari. Halos nagkasakit ako sa stress, pero inspirado ako.”
Naglagay ng telebisyon sa kusina na nagsisilbi ring “lugar-sosyalan”, para sa pagsubaybay ng balita sa araw-araw. Nagsilbi na ring libangan ang telebisyon para sa mga istap sa taguyod. Sa gabi, kung walang balita ng kilos ng kaaway, maging ang mga nakapakat sa taliba ay nakapanonood ng inihandang mga pelikula na doon mismo’y isinasalin ng ilang kasama para maunawaan sa lokal na lenggwahe.
Hindi lamang sa mga delegado nadarama ang pagkakaisa kundi hanggang sa rebolusyonaryong masa sa palibot ng kampo. Hanggang mahigit sampung kilometrong layo na baryo ay kagyat na nagpapaabot ng balita kapag may kilos ng kaaway. Nagpapadala ng mga meryendang kakanin ang mga kasapi ng sangay ng Partido sa mga baryong palibot ng kampo. Tumulong sila sa pamamalengke, paghatid at pagsundo ng mga kasamang dumarating at umaalis.
Sa kultural na mga programa sa pagbubukas at pagsasara ng kongreso, masigla ang partisipasyon ng mga kadre at kasapi ng Partido, Pulang kumander, Pulang mandirigma, at mga organisadong masa sa palibot. May pinaghandaang numero ang bawat yunit, at nagpalitan ang iba’t ibang rehiyon sa pagtatanghal ng kanilang mga sayaw – pattong ng Kordilyera, kuratsa ng Samar, at sayaw ng Lumad ng Mindanao. Masiglang sinaluhan ng mga taga-ibang rehiyon ang mga ito. Para sa mga hindi makasabay sa lokal na sayaw, binuksan ang isang bahagi ng bawat programa para sa mga sayaw na hindi lokal tulad ng cha-cha at “maskipaps” sa saliw pa rin ng mga rebolusyonaryong awiting sinadya sa ganoong tempo. Itinanghal din ng mga kasama ang kanilang mga lokal na awitin, kabilang na ang kulilipan at dawes ng Kordilyera. Ipinakilala sa okasyong ito ang dalawang awiting nilikha ng mga kasama para sa kongreso, ang Muog na Buo at ang Pag-ugit ng Kasaysayan na naglalarawan ng determinasyon ng Partido na paunlarin nang magkakaagapay ang mga rehiyon para sa mabilis na pagsulong sa mas mataas na antas ng digmang bayan.
Masinsing paghahanda
Humigit-kumulang tatlong buwan bago ang kongreso, nagsimula na ang mga kolektibong pagtalakay ng mga komiteng rehiyon sa mga borador na konstitusyon at programa at pagtala ng kanilang mga komentaryo at panukala. Nagbuo na rin sila ng mga resolusyong nais nilang ihapag sa kongreso. Nagbotohan sila sa pamamagitan ng sekretong balota kung sinu-sino ang kanilang magiging mga kinatawan, kapwa ang dadalo at ang hindi. Naghanda na rin ng iba’t ibang ruta, alternatibong ruta, at iba’t ibang sasakyan ang mga istap sa transportasyon.
Ilang linggo naman bago ang aktibidad, abala na ang mga organisasyong masa, milisya, at mga yunit ng hukbo sa lugar na pagdarausan sa pagtatayo ng malaking bulwagan, klinika, mga baraks at indibidwal na kubo, at iba pang istruktura sa kampo. Kabilang dito ang limang paliguan para sa lahat at iba’t ibang paliguan para sa mga kasamang may kahirapan sa mobilidad. Ilang iskwad ng milisyang bayan ang naghakot ng mga kagamitan para sa konstruksyon at suplay na pagkain upang ilagay sa isang imbakang di kalayuan sa ilang kusinang nakalatag sa iba’t ibang bahagi ng sayt. Kahon-kahon ding mga kagamitang medikal ang ipinasok bilang paghahanda sa anumang kagipitan.
Bago pa man nito ay naghanda na ng mga alagang pagkaing hayop ang mga kasama dahil ang dating mga produksyong gulay ng hukbo at ng masa ay malamang na hindi sasapat sa ganoon kalaki at katagal na pagtitipon. Nag-imbak na rin ng saku-sakong arina na siyang nilutong iba’t ibang klase ng tinapay na pangmeryenda ng buong kampo.
Kaya’t pagdating ng mga delegado at iba pang istap, nakahanda na ang kanilang mga akomodasyong kumpleto sa kuryente ang bawat kubo, ang mga kopya ng tinipon na mga komentaryo mula sa iba’t ibang rehiyon, at maging ang duktor, nars at mga istap na paramedik upang magtsek-ap, magsuperbisa sa sustansya ng pagkain, at magbigay ng serbisyong medikal sa lahat ng nasa kampo, lalo na sa mga may edad at may karamdaman.
Isang kasapi ng grupong medikal na matagal nang naghanda ng sarili para makatugon sa tungkulin ang nagsabing, “Kami ang nagmomonitor sa mga may highblood, mga may iniinom na maintenance. Masaya ako kasi natapos ang makasaysayang kongreso na walang mayor na nagkasakit sa mga kasama. Na-amaze nga ang mga kasama na pwede palang gawin sa loob ang ECG. At may in-house na duktor kaya naipapaliwanag agad ang resulta. Nakakapagod pero may fulfillment.”
Matagal na pagkaantala
Huling bahagi pa lamang ng dekada 1980, nang makatipon na ng sapat na lakas at lawak ang rebolusyonaryong pwersa at naibagsak na ang diktadurang US-Marcos, nagbalak nang magpatawag ng kongreso ang Partido. Pinaghandaan ang mga borador ng dokumento nito ngunit dahil nariyan pa ang mga rebisyunistang taksil sa pamunuan ng Partido, hindi naidaos ang muntik nang maging isang kongreso ng pagkakawatak-watak.
Noong kalagitnaan ng dekada 2000, muling binalak ang kongreso at muling nagpalaganap ng mga borador sa iba’t ibang mga komite ng Partido. Ngunit ito’y inabot din ng malalaking pagbabago tulad ng masinsin at malawakang mga kampanya ng kaaway sa lugar na balak pagdausan. Kaya’t kahit natagalan, tunay na matagumpay at makasaysayan ang naidaos na Kongreso nitong 2016.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170407-mga-kwento-ng-ikalawang-kongreso/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.