Saturday, April 8, 2017

CPP/Ang Bayan: Malaganap na mga opensiba ng BHB

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): Malaganap na mga opensiba ng BHB

Hindi bababa sa dalawampu’t limang armadong aksyon ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan sa iba’t ibang panig ng kapuluan mula Marso 18 hanggang Marso 30. Katumbas ito ng halos dalawang taktikal na opensiba bawat araw. Aabot sa 77 ang kaswalti ng kaaway, na karamiha’y mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines.

Eastern Visayas. Isang masinggan at 10 riple ang nasamsam ng BHB-Eastern Visayas sa matagumpay na reyd ng mga Pulang mandirigma nito sa kampo ng Civilian Armed Auxiliary (CAA) sa Brgy. Geparayan, Silvino Lobos, Northern Samar. Nakumpiska sa nasabing reyd ang isang M60 masinggan, isang ripleng R4, limang ripleng M1 Garand at apat na karbin. Isinagawa ang matagumpay na reyd noong Marso 30.

Binati ng panrehiyong kumand ng Bagong Hukbong Bayan sa Eastern Visayas (Efren Martires Command o EMC) ang mga Pulang mandirigma na nagsagawa ng apat na koordinadong taktikal na opensiba nang araw na iyon.

Maliban sa reyd, dalawang operasyong haras din ang inilunsad ng BHB-Northeast-Central Samar Subregional Command laban sa dalawang detatsment ng 52nd IB at CAA sa Motiong at Paranas. Unang pinaputukan ng isang yunit ng BHB ang kampo sa Motiong bandang alas-3 ng umaga noong Marso 30. Isang sundalo ang naiulat na nasugatan. Bandang alas-5:30 naman ng umaga ring iyon, hinaras din ang kampo sa Brgy. Pequit, Paranas.

Ayon sa tagapagsalita ng BHB sa subrehiyon na si Bernabe “Ka Cani” Linay, matagal nang nilalabag ng mga elemento ng 52nd IB ang karapatang-tao ng mga residente, kabilang ang pamumwersa sa kanila na maggiya sa mga operasyon, pananakit at pagpapalaganap ng mga kriminal na aktibidad at iligal na droga. Dagdag pa ni Ka Cani, ang mga kampo ng 52nd IB ay nagsisilbing kanlungan ng mga kontra-rebolusyonaryo at masasamang elemento na responsable sa pangungulimbat sa mga bayan sa Western Samar. Nagmumula mismo sa mga sundalo ang mga armas ng mga kriminal.

Iniulat din ng BHB-EMC na hinaras din ng isa pang yunit nito ang kampo ng mga paramilitar sa Burauen, Leyte. Dagdag pa ng panrehiyong kumand sa operasyon, ang koordinadong mga taktikal na opensibang ito ay hakbang-pamamarusa sa AFP sa nagpapatuloy nitong paglabag sa mga karapatang-tao at pagsabotahe ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP.

Timog Katagalugan. Matagumpay na binigo ng BHB-Sierra Madre Subregional Command (Rosario Lodronio Rosal Command o RLRC) ang atake ng 80th IB noong Marso 30 sa Brgy. Lumutan, General Nakar, Quezon. Lima ang napatay sa panig ng reaksyunaryong tropa. Sugatan naman ang lima pang sundalo.

Wala namang tinamong kaswalti ang Pulang hukbo, ayon kay Ka Armando Jacinto, tagapagsalita ng BHB-Sierra Madre. Samantala, isang baby M-16 ang nakumpiska ng BHB, gayundin ang iba pang kagamitang militar at datos sa paniktik.

Dagdag pa ng BHB-Sierra Madre, laking-kumpanyang tropa ng kaaway ang naglunsad ng operasyon laban sa BHB na nagsagawa ng konsultasyon at nagdiwang ng ika-48 anibersaryo ng BHB sa naturang barangay. Pinaghandaan ng mga Pulang mandirigma ang atake ng kaaway at magiting na nilabanan at nagkontra-maniobra laban dito.

Sa Mindoro, siyam ang patay habang walo ang sugatan sa panig ng isang platun ng Bravoy coy, 4th IB nang ambusin sila ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command o LGC) noong Marso 29. Isinagawa ng BHB-LGC ang taktikal na opensiba sa Caguray River, Sitio Lalaunan, Brgy. Benli sa Bulalacao, Oriental Mindoro.

North Central Mindanao. Dalawang operasyong haras ang isinagawa ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng South Central Subregional Command laban sa dalawang kolum ng 8th IB sa Quezon, Bukidnon noong Marso 30. Tatlo ang patay sa naturang mga aksyon, kabilang ang commanding officer ng platun na si Lt. Pablo. Samantala, labintatlo ang sugatan sa panig ng mga sundalo.

Isinagawa ang unang haras alas-2:19 ng hapon sa Sityo Mahayahay, Brgy. Minongan. Dito napatay ang kumander ng platun. Anim na iba pa ang sugatan. Kinahapunan ng alas-4 isinakay ang mga kaswalti sa dalawang helikopter.

Ilang minuto matapos nito, ang isa pang umaatakeng kolum ng kaaway ay hinaras din ng isa pang yunit ng BHB sa Brgy. Mahayag, Quezon. Pito ang sugatan sa panig ng 8th IB.

Samantala, tatlong magkakasabay na operasyong haras ang isinagawa noong Marso 20, alas-5 ng umaga, ng mga yunit ng BHB-EMONEB (Eastern Misamis Oriental-Northeastern Bukidnon) laban sa tatlong detatsment ng Civilian Armed Auxiliary na pinamumunuan ng 58th IB. Dalawa sa mga kampo ay nasa Brgy. Kibanban, at isa sa Brgy. Quezon, kapwa sa bayan ng Balingasag, Misamis Oriental.

Noong Marso 18, hinaras ng isang yunit ng BHB-Mt. Kitanglad Subregional Command ang mga sundalo ng 1st Special Forces Battalion na nag-ooperasyon sa Brgy. Baylanan, Talakag, Bukidnon. Dalawa ang naiulat na patay sa panig ng kaaway.

Far South Mindanao. Pitong sundalo ng 2nd Marine Company ng Marine Battalion Landing Team-8 ang namatay habang maraming iba pa ang nasugatan nang ambusin sila ng BHB-Mt. Daguma Subregional Command noong Marso 21 sa Km. 30, Sityo Tinagdanan, Brgy. Hinalaan, Kalamansig sa Sultan Kudarat.

Ayon kay Ka Dencio Madrigal, tagapagsalita ng BHB sa rehiyon, isinagawa ang ambus bilang hakbang pamarusa sa nasabing yunit ng Philippine Marines na maraming taon nang nagsisilbing bayarang mga tagabantay ni David Consunji sa kanyang mapanalasang mga kumpanya at pang-aagaw ng lupa.

Dagdag pa ni Ka Dencio, mula pa noong dekada 1980 ay inagaw na ni Consunji ang mahigit 102,000 ektaryang lupain ng mga Lumad at magsasaka sa Sultan Kudarat, South Cotabato at Maguindanao para sa kanyang mga mapaminsalang negosyo, laluna ang pagtotroso, pagmimina at mga plantasyon. Gamit ang mga sundalo ng AFP, naging laganap ang mga paglabag ni Consunji sa karapatang-tao ng mga lumalabang mamamayan.

Samantala, noong Marso 31, ni-reyd ng mga Pulang mandirigma ang Amadeo Banana Company sa Sinawal, General Santos City at dinis-armahan ang mga gwardya nito. Nakumpiska mula sa kanila ang dalawang ripleng M16.

Zamboanga Peninsula. Noong Marso 18, limang sundalo ang napatay at marami ang nasugatan sa mga pwersa ng 55th IB sa isinagawang ambus ng BHB-Mount Malindang Subregion-1 Operations Command. Inilunsad ang ambus sa Brgy. Gala, Tudela, Misamis Occidental, matapos ang isang buwang opensiba ng AFP sa prubinsya.

Ayon kay Ka Mario Jose, tagapagsalita ng panrehiyong kumand sa operasyon, mahaba ang listahan ng krimen ng 55th IB laban sa mamamayan ng Zamboanga Peninsula. Mula pa noong dekada 1980 hanggang sa kasalukuyan ay nagsagawa ito ng malulubhang paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas upang bigyang daan ang dambuhalang mga kumpanya sa pagmimina, agribisnes na pumipinsala sa mga rekurso ng Mt. Malindang at mga kapatagang nakapalibot dito.

Southern Mindanao. Bandang tanghali noong Marso 23, inambus ng isang yunit ng BHB-ComVal-Davao East Coast Subregional Command ang mga nag-ooperasyong sundalo ng 66th IB sa Brgy. Sobrecary, Caraga, Davao Oriental. Nakumpiska ang isang M4 assault rifle, isang Harris na radyo at mga bakpak ng militar. Limang sundalo ang namatay sa naturang ambus. Isang araw bago nito, nagsagawa ng pambobomba mula sa himpapawid ang 66th IB na sumira sa mga sakahan at kabuhayan ng mga Mandaya at magsasaka sa lugar.

Noong Marso 23, mag-aalas 9:25 ng umaga, inambus naman ng mga Pulang mandirigma ang mga tropa ng 60th IB sa Brgy. Cayaga, San Fernando, Bukidnon. Dalawa ang patay sa kaaway at dalawa pa ang sugatan. Kinahapunan ng ala-una, binigo naman ng BHB mula sa ComVal-North Davao-South Agusan Subregional Command ang atake ng 75th IB sa Laak, Compostela Valley. Isang elemento ng CAFGU ang namatay sa naturang labanan.

Nagsagawa rin ng tatlong aksyong militar ang 4th Pulang Bagani Company ng BHB-SMR laban sa 72nd IB/CAA at 60th IB noong Marso 23 at Abril 4. Noong Marso 23 sa Km. 26 LS Sarmiento, Brgy. Kidawa, Laak, Compostela Valley, dalawang magkasabay na operasyong haras ang isinagawa ng 4th PBC laban sa 72nd IB/CAA. Dalawa ang patay at isa ang patay sa kaaway sa mga aksyong ito. Inambus naman ng 4th PBC nitong Abril 4 ang 60th IB sa parehong lugar. Isang sundalo ang napatay at naklining ang isang M16.

Ayon sa BHB-SMR, ang aksyong ito ay parusa sa mga pagpatay ng naturang mga yunit sa tatlong magsasaka sa Laak, pamamaril sa isa pa, at matinding operasyon na nagdulot ng ligalig sa 1,397 pamilya at dislokasyon ng 113 pamilya. Noong Nobyembre 2016, sa kabila ng umiiral ng magkatugong tigil-putukan sa pagitan ng NDFP at GRP, nagtayo ng kampo ang kaaway sa LS Sarmiento sa kabila ng matinding pagtutol ng mga residente.

Samantala, isang aksyong haras naman ang isinagawa ng mga Pulang mandirigma ng Front 20 laban sa 67th IB/CAA noong Marso 29, alas-5 ng umaga sa Brgy. Nabunga, Boston, Davao Oriental.

Bicol. Inambus ng BHB-Camarines Norte (Armando Catapia Command o ACC) noong Marso 20 ang mga tropa ng 9th ID na lulan ng isang trak ng militar sa kahabaan ng hi-way sa Brgy. Bagong Silang Dos, Labo. Isang sundalo ang namatay at apat ang nasugatan sa naturang opensiba na isinagawa bandang alas-10 ng gabi.

Bago nito, bandang tanghali ng Marso 18, hinaras ng isang yunit ng BHB-ACC ang isang platun ng 9th ID na nakabase sa Sitio Hanlab, Brgy. Magsaysay, Capalonga.
Sa Camarines Sur, isinagawa ng BHB-Partido Area (Tomas Pilapil Command o BHB-TPC) ang pag-disarma sa pamilyang Garduce sa Brgy. Bucogan, Lagonoy noong Marso 28. Nakumpiska ang isang M-16 at 18 magasin. Ayon kay Ka Baldomero Arcanghel, tagapagsalita ng TPC, aktibo ang mag-asawang Garduce sa pagrerekluta ng mga asset ng militar laban sa rebolusyonaryong kilusan.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170407-malaganap-na-mga-opensiba-ng-bhb/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.