Saturday, April 8, 2017

CPP/Ang Bayan: Mga kilos protesta para sa karapatan, kagalingan at kapayapaan

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): Mga kilos protesta para sa karapatan, kagalingan at kapayapaan

Mula sa mga rehiyon

NITONG NAKARAANG MGA linggo, sunud-sunod na naglunsad ng mga kilos protesta ang mga magsasaka, manggagawa at estudyante para igiit ang kanilang mga karapatan, ihapag ang kanilang mga kahilingan sa nagaganap na usapang pangkapayapaan ng NDFP-GRP at singilin ang rehimeng Duterte sa mga pangako nitong hindi pa rin naipatutupad.

Sa Catbalogan City sa Western Samar, nagrali noong Abril 4 ang 5,000 mamamayan para suportahan ang usapang NDFP-GRP. Kabilang sa mga raliyista ang mga nakaligtas sa bagyong Ruby na nagsampa ng kaso ng korapsyon laban sa meyor ng Catbalogan na nangutang ng pondo para diumano sa relief at rehab ng mga nasalanta. Sa kabila nito, nasa temporaryong mga tirahan pa rin ang mga biktima ng sakuna. Sumama rin sa rali ang mga magsasaka mula sa Basey, Calbiga at Pinabacdao na biktima ng militarisasyon ng 87th IB. Naroon din ang mga kaanak at kababaryo ng mga biktima ng pampulitikang pamamaslang ng mga goons ng mga meyor ng San Jorge at Calbayog City, at mga biktima ng kontra-mahirap na “gera kontra-droga” ng rehimeng Duterte.

Sa Nueva Ecija, mahigit 3,700 manggagawang bukid na myembro ng Liga ng Manggagawang Bukid, kasama ang Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luson-Nueva Ecija ang nagprotesta sa harap ng munisipyo ng Guimba noong Marso 27. Bitbit nila ang mga istrimer at sako na may nakasulat na “Tunay na reporma sa lupa, Ipaglaban!” at “Ipinangakong Rice Subsidy, Ibigay na!”

Umaasa ang mga raliyista na mabigyan ng kinakailangang tulong at subsidyo sa harap ng dinaranas nilang gutom sa ngayon. Kabilang sa hinihiling nila ang mabigyan ng pagkakataong magtrabaho, laluna sa panahong gumagamit ang maraming panginoong maylupa ng mga makina para sa pag-aani.

Sa Metro Manila, muling nagpiket noong Abril 1 ang mga manggagawang myembro ng Samahang Manggagawa sa Harbour Center sa harap ng DOLE-NCR para igiit na pabilisin ang pagresolba sa kanilang kaso. Inireklamo nila sa naturang ahensya ang pagtanggi ng kanilang employer, ang Grasials Corporation, na gawin silang regular at igiit ang kanilang mga karapatan at kagalingan. Dapat naglabas ng desisyon ang DOLE ng desisyon noong Marso 31 pero ipinagpaliban ito sa Abril 22.

Sa Southern Tagalog, naglunsad ng sabayang protesta ang Karapatan-Timog Katagalugan at iba pang organisasyon sa Laguna (Calamba at UP-Los Banos), Cavite (Bacoor) at Rizal (Antipolo City at Rodriguez), Batangas City at Lucena City noong Marso 21. Kinundena nila ang sunud-sunod na atake ng AFP sa mga sibilyan at pambobomba sa mga kabundukan malapit sa mga komunidad na nagresulta sa sapilitang paglikas ng mga magsasaka. Sinuportahan ng mga raliyista ang muling pagbukas ng usapang kapayapaan ng GRP at NDFP at ipinanawagan ang pagpapatupad ng CARHRIHL.

Noon namang Marso 22, nagprotesta ang PAMANTIK-KMU sa harap ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Maynila para ipanawagan ang pagbabasura sa D.O. 174. Kinundena nila ang pagpapatuloy ng DOLE sa kontraktwalisasyon at hindi pagresolba sa problema ng mga manggagawa tulad ng mababang sahod, kawalan ng benepisyo at hindi makataong paggawa at unfair labor practice o mga gawi ng pandaraya sa mga manggagawa.

Sa Baguio City, nagrali noong Marso 23 ang mga kabataang estudyante na kasapi ng Anakbayan-Saint Louis University para tutulan ang walang upat na pagtataas ng matrikula sa eskwelahan. Panawagan nila, “Tama na, sobra na ang pagtataas ng matrikula! Carry-over scheme ibasura!,” dahil sa taon-taong pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa ilalim ng “Carry-over scheme”, o “CHED Memorandum Order no. 13 Series of 2-12” at pagkiling sa pang-merkadong programang K-12. Ang “carry-over scheme” ay isang kalakaran kung saan pinapayagan ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga pribadong eskwelahan na arbitraryong magtaas ng matrikula kada taon.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170407-mga-kilos-protesta-para-sa-karapatan-kagalingan-at-kapayapaan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.