Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): Mga raling iglap, inilunsad
Sa ika-48 anibersaryo ng BHB
Bilang paggunita sa ika-48 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, naglunsad ng malalaking raling-iglap ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa iba’t ibang mayor na lunsod at bayan. Kasabay ng anibersaryo noong Marso 29, inianunsyo ng Partido Komunista ng Pilipinas ang matagumpay na paglulunsad ng ikalawang Kongreso ng Partido noong Oktubre 24 hanggang Nobyembre 7.
NCR. Sa Metro Manila, daan-daang myembro ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) ang nagmartsa sa Quiapo, Manila upang ipagdiwang ang ika-48 anibersaryo ng BHB.
Naglunsad din ng raling iglap ang mahigit 500 kasapi ng rebolusyonaryong organisasyon sa Cubao, Quezon City, noong Marso 27. Nagsimula ang protesta nang alas-8 ng umaga sa kanto ng Aurora Blvd. at EDSA. Tumigil ang daloy ng trapiko nang mahigit kalahating oras.
Sabay-sabay na umawit ng Internasyunal ang mga raliyista habang nananawagan sa mamamayan na sumapi sa BHB at isulong ang digmang bayan.
Noong Marso 31, muling naglunsad ng mga pagkilos ang mga organisasyon sa ilalim ng NDFP upang ipagdiwang ang matagumpay na paglulunsad ng Ikalawang Kongreso ng PKP. Ginanap ang mga raling iglap sa Tulay ng Mendiola at Litex, Quezon City.
Sa pahayag ng NDF-Metro Manila, ang ikalawang kongreso ay kongkretong pagpapakita ng lakas ng masang lumalaban, ng Partido Komunista ng Pilipinas, at ng Bagong Hukbong Bayan. Anila, magpapatuloy lamang ang paglakas nito hanggang sa tuluyan nang makubkob ang kalunsuran mula sa kanayunan at maipagtagumpay ang matagalang digmang bayan.
Laguna. Isang raling iglap din ang idinaos ng mga myembro ng rebolusyonaryong organisasyon sa Calamba, Laguna noong Marso 29.
Sa pahayag ng Revolutionary Council of Trade Unions sa Timog Katagalugan, sinabi nito na malaking hamon ngayon sa uring manggagawa na higit pang paramihin ang pagsapi sa BHB.
Bicol. Nagmartsa noong Marso 29 ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Sorsogon City Public Market.
Pinagpugayan nila ang BHB at hinimok ang mamamayan na ipagpatuloy at suportahan ang digmang bayan.
SMR. Sa Davao City, nagrali ang mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng syudad. Suot ang damit na may panawagang “Sumapi sa NPA” at mga maskarang mukha ng pinaslang na kumander na si Ka Leoncio Pitao, nagpahayag ang mga raliyista ng suporta sa digmang bayan at sa magaganap na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP sa Abril 2-6.
NEMR. Pinangunahan ng Kabataang Makabayan-Caraga ang raling iglap sa Butuan at Surigao City noong Marso 29.
Ayon sa binasang pahayag ng NDFP-NEMR, binigo ng BHB, kasama ang masang nakikibaka, ang mga kontra-rebolusyonaryong kampanya ng mga naunang pangulo mula Marcos hanggang Aquino III, na nangarap na ubusin ang rebolusyonaryong kilusan. Sa pamamagitan ng pagtangan sa linya ng matagalang digmang bayan, naitaas nito ang kakayahan ng mga Pulang mandirigma para labanan ang brutal na mga operasyon ng AFP at PNP. Kung kaya’t nagpapatuloy ang matatagumpay na taktikal na opensiba ng mga Pulang mandirigma. Lumawak ang pampulitikang kapangyarihan ng Partido sa kanayunan at nagpapatuloy ang pagkamit ng tagumpay ng agraryong rebolusyon habang umaabante ang demokratikong pagkilos sa kalunsuran.
Hinamon naman ni Ma. Laya Guerrero, pambansang tagapagsalita ng Kabataang Makabayan, ang lahat ng kabataan na patindihin ang paglaban sa todo-gera ng AFP, ikampanya sa kapwa kabataan ang pagpapadala ng suportang materyal at personel sa hukbong bayan at maramihang tumungo at maglunsad ng integrasyon sa mga sonang gerilya.
Aniya, sumusulong ang rebolusyon. Ngunit para mas lalo pang sumulong, kinakailangan ang malakas na suporta ng kabataan sa pamamagitan ng laksa-laksang pagsapi sa NPA.
Samantala, nagbigay-pugay naman ang iba’t ibang progresibong grupo sa lahat ng martir ng BHB at sa lahat ng Pulang mandirigma na patuloy na naglulunsad ng digmang bayan sa kanayunan.
Ani Renato Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan, “pinili natin ang okasyong ito—na taunang magaganap—para alalahanin ang lahat ng martir ng diktadurang Marcos, upang magsilbing inspirasyon at aral sa mas nakababatang henerasyon.”
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170407-mga-raling-iglap-inilunsad/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.