Saturday, April 8, 2017

CPP/Ang Bayan: Ika-4 na usapang NDFP-GRP, naidaos

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): Ika-4 na usapang NDFP-GRP, naidaos

MATAGUMPAY NA NAIDAOS ang ikaapat na pormal na pag-uusap ng NDFP-GRP noong Abril 3 hanggang Abril 6 sa Noordwijk, Netherlands. Ito ay sa kabila nang pagkaantala nito ng isang araw matapos biglang magpataw si Pres. Rodrigo Duterte ng GRP ng mga kundisyon para sa pagpapatuloy nito.

Ayon sa pahayag ng NDFP, determinado ang dalawang panig na resolbahin ang mga hadlang upang maiabante ang usapang pangkapayapaan.

Bahagi ng adyenda para sa ika-apat na round ng usapan ang CASER at tigil-putukan.

Ani Prof. Joma Sison, NDFP Chief Political Consultant, ang NDFP ang pinakainteresadong mapirmahan na ang CASER na tutugon sa panawagan ng mamamayan para sa makabuluhang reporma. Sa kabilang panig, ang GRP ay mas interesadong magkaroon ng bilateral ceasefire agreement sa NDFP.

Bago pa nito, noong Marso 25, napalaya na ang dalawang prisoner of war (POW) na sina Rene Doller at Carl Mark Nocus na nadakip sa Lupon, Davao Oriental noong Pebrero 14. Kasalukuyan pang may apat na POW, kabilang dito sina PFC Edwin Salan, nadakip sa Alegria, Surigao del Norte, Sgt. Solaiman Calucop, PFC Samuel Garay, na nadakip sa Columbio, Sultan Kudarat at PO2 Jerome Natividad na nadakip sa Talakag, Bukidnon.

Hinimok ng NDFP ang GRP na maglabas ng 10 araw na suspensyon ng operasyong militar at pulis para agad na mapalaya ang apat pang natitirang POW.

Kabilang sa mga lugar na naitala ng NDFP ang pitong bayan at siyudad sa Bukidnon: Talakag, Lantapan, Baungon, Malaybalay, Pangantucan, Kalilangan, at Valencia City; pitong bayan sa Surigao del Norte kabilang ang Surigao City, Alegria, Bacuag, Gigaquit, Claver, Placer, Mainit; Kitcharao sa Agusan del Norte; Sultan Kudarat, Sarangani, at South Cotabato.

Nangako naman ang GRP na agad na palalayain ang 23 bilanggong pulitikal na tinukoy ng NDFP. Mayorya sa mga ito ay may sakit at nakatatanda.

Ayon sa NDFP at GRP, ang kasunduan para sa mabilis na pagpapalaya ng POW at bilanggong pulitikal ay ilan sa tagumpay ng nagaganap na usapang pangkapayapaan.

Dagdag pa sa mga napirmahang kasunduan, Abril 6, pinirmahan ng dalawang panig ang kasunduan para bumuo ng magkasanib na interim o pansamantalang tigil-putukan. Sa loob nito, nagkasundo ang magkabilang panig na magbuo ng interim joint ceasefire agreement sa malapit na hinaharap. Inatasan nito ang kani-kanilang mga komite sa tigil-putukan na maglunsad ng mga pormal at di pormal na usapan, magbuo at magpinal ng mga alituntunin at mga saligang patakaran para sa pagbubuo ng pinal na kasunduan.

Paglilinaw ni Wilma Tiamzon, konsultant ng NDFP at tagapangulo ng Reciprocal Working Group on End of Hostilities and Disposition of Forces, hindi pinal na kasunduan sa tigil putukan ang bubuuin. Aniya, hindi ito pinal o permanente, at maglalatag lamang ng kundisyon para umusad sa mga makabuluhan pang adyenda ng usapang pangkapayapaan.

Sa pagsasara, idiniin ni Sison na maaaring magkaroon ng bilateral na tigil-putukan kung tutuparin ang pagbibigay ng amnestiya at pagpapalaya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal. Maaari itong kagyat na pirmahan pagkatapos mapirmahan ang CASER.

Kasabay nito, binigyang-pugay ni Sison ang NDFP at GRP at mga delegasyon nito sa matagumpay na paglulunsad ng ika-apat na round ng usapang pangkapayapaan. Inaasahan na sa susunod na bahagi ng negosasyon ay mapag-uusapan na ang repormang agraryo, pambansang industriyalisasyon, pangangalaga sa kalikasan at ilan pang usapin hinggil sa bilateral na tigil putukan.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170407-ika-4-na-usapang-ndfp-grp-naidaos/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.