Saturday, April 8, 2017

CPP/Ang Bayan: Mga magsasaka mula sa Tagum, nagprotesta sa Maynila

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): Mga magsasaka mula sa Tagum, nagprotesta sa Maynila

MAHIGIT 70 KASAPI ng Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Association, Inc. (MARBAI) ang nagtungo sa Maynila noong Marso 28 upang kundenahin ang pangangamkam ng kanilang lupa, at pandarahas ng Lapanday Foods Corp. sa Tagum City. Ang kanilang caravan ay bahagi rin ng taunang Pambansang Kampuhan ng mga Magsasaka para sa Libreng Pamamahagi ng Lupa na nagsimula noong Marso 30 at nagtapos noong Abril 1. Lumahok dito ang mga magsasaka mula sa Arakan, North Cotabato, Bulacan at Nueva Ecija.

Marso 29 dumating ang mga magsasaka ng MARBAI sa Baclaran Church sa Parañaque City. Nagpahayag ang mga relihiyoso at taong-simbahan ng suporta sa kanilang kampanya para sa lupa at buhay.

Noong Marso 30, tumungo sila sa punong tanggapan ng Lapanday Foods Corp. sa Chino Roces, Makati City. Hindi sila hinarap ng mga upisyal ng kumpanya.

Sa kanilang piket sa harap ng tanggapan, kinundena nila ang gawa-gawang kaso ng Lapanday sa mga myembro ng MARBAI at iginiit na dapat ibasura na ang Agribusiness Ventures Agreement na nagpapahintulot sa Lapanday na agawin ang lupang para sa mga magsasaka.

Matapos nito, nagtungo ang mga kasapi ng MARBAI sa Department of Agrarian Reform sa Quezon City, kung saan nagtayo sila ng kanilang kampuhan. Giit nila na dapat mamagitan na ang DAR sa usapin ng pamamahagi ng lupang nakapailalim sa CARP.

Sa kanilang konsultasyon sa mga upisyal ng DAR noong Marso 31, sumang-ayon ang mga ito na ituloy at pangunahan ang pamamahagi ng lupa sa pinakamaagang panahon.
Noon pang Disyembre 19, 2016 naipamahagi sa mga kasapi ng MARBAI ang Certificate of Land Ownership Award pero hindi ito iginalang ng Lapanday. Makalipas ang 12 araw, marahas na pinalayas ng mga gwardya ng kumpanya ang mga magsasaka sa kampuhang itinayo nila sa sariling lupa.

Abril 6, pinangunahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang martsa tungong Mendiola, Maynila upang magpahayag ng suporta sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP na magbubuo ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms. Ang CASER ay inaasahang tutugon sa pamamahagi ng lupa, repormang agraryo, pagwawakas sa sistemang asyenda at plantasyon.

Nanawagan rin ang grupo kay Pres. Rodrigo Duterte ng GRP na alisin na ang tropang militar sa kanayunan lalo’t nakipagkasundo ito sa NDFP na bubuo ng interim joint ceasefire.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170407-mga-magsasaka-mula-sa-tagum-nagprotesta-sa-maynila/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.