Saturday, April 8, 2017

CPP/Ang Bayan: #AFPFakenews: Mga inimbentong balita ng AFP

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 7): #AFPFakenews: Mga inimbentong balita ng AFP

DUMAGSA NITONG nakaraang mga linggo ang mga pekeng balita upang siraan ang BHB, pagtakpan ang kanilang mga pagkatalo sa labanan at mga pasistang krimen.

Noong Marso 29, nagpakalat ng tahasang kasinungalingan ang Civil Military Operations (CMO) ng 8th IB hinggil sa pagkakasunog ng Concepcion National High School sa Valencia, Bukidnon. Ikinalat ni 1Lt. Erwin Bugarin, upisyal sa CMO ng 8th IB ang balitang BHB ang nagsunog ng paaralan dahil sa hindi pagbigay ng mga guro ng pondo ng paaralan para sa feeding program. Inilabas din ng Facebook account ng DWDD, ang istasyon ng radyo ng Department of National Defense ang pekeng balita. Nilaman din ito ng mga website ng malalaking istasyon ng balita.

Umani ng matinding pagbatikos ang pag-iimbento ng balita ng 8th ID matapos magpahayag ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan at mga guro ng naturang hayskul. Ayon sa Bureau of Fire Protection ng Valencia City, aksidente ang nangyaring sunog dulot ng sirang mga kable ng kuryente. Maging ang mga residente at kapitan ng Barangay Concepcion at meyor ng lunsod ay nagsabing walang kinalaman ang BHB sa naturang sunog. Pinasinungalingan din ng mga guro ang pekeng balita ng 8th ID at sinabing wala silang feeding program dahil panay hayskul ang kanilang mga estudyante at hindi mga elementarya.

Sa kabila ng mga ebidensyang ito, nagmatigas pa rin ang pamunuan ng 8th IB sa kanilang pekeng balita.

Nito namang Marso 30, nagpalabas ng pekeng balita ang 9th ID hinggil umano sa pagkakapatay sa isang myembro ng BHB sa Sityo Traktora, Brgy. Bagong Silang, Sipocot, Camarines Sur.

Ayon sa Norben Gruta Command, walang naganap na engkwentro sa pagitan ng BHB at 9th ID. Pumunta sa lugar ang mga sundalo bandang alas-3 ng hapon lulan ng dalawang van, at walang habas na pinaputukan ang mga sibilyan na nakasilong sa hintayan ng sasakyan. Namatay sa pamamaril si Renel Mirabelles, at sugatan naman ang dalawang binatilyong sina Joseph Sagario at Regie Loprandado. Inaresto rin ang isa pang sibilyan na kinilalang si Erick Estadillo at ipinalabas na myembro ng BHB.

Pinasinungalingan naman ng mga residente sa Brgy. Bololo, Guinobatan, Albay ang iniulat ng 83rd IB na umano’y dalawang magkasunod na engkwentro sa BHB noong Marso 30. Sa panayam ng lokal na istasyon ng radyo sa mga residente, isiniwalat nila na ang mga sundalo lamang ang walang habas na nagpaputok. Pilit umano silang pinaaamin ng mga sundalo na myembro sila ng BHB. Iniulat din ng mga taga-Brgy. Bololo ang kanilang pagkabahala dahil sa presensya ng mga sundalo, at ang mga nakawan at panununog ng bahay na kanilang ginawa.

Maaalalang nagpalabas din ng pekeng balita ang 9th ID tungkol sa umano’y enkwentro noong Marso 15 sa Brgy. Itok, Capalonga, Camarines Norte kung saan isang sibilyan, at hindi Pulang mandirigma, ang kanilang nabaril.

Sa Southern Tagalog, matapos magtamo ng pinsala mula sa kontra-opensiba ng BHB-Sierra Madre noong Marso 30, nagpakalat din ng pekeng balita ang mga upisyal-militar ng 80th IB, 2nd ID at maging ang tagapagsalita ng AFP na si Maj. Gen. Restituto Padilla. Pinapaniwala ng mga ito ang midya na umano’y sampu ang namatay sa panig ng BHB-Sierra Madre, taliwas sa pahayag ng kumand ng BHB sa lugar (Basahin ang kaugnay na balita).

Noon ding Marso 30 sa Tagbinonga, Mati City, Davao Oriental, pinatay ng mga sundalo ng 28th at 66th IB ang magsasakang si Jeffry Santos nang makasalubong nila ito patungo sa bayan upang magbenta ng kopra. Katulad ng maraming kaso ng pagpatay sa mga magsasaka, awtomatikong pinalabas ng AFP sa kanilang mga pahayag sa midya na myembro umano ng BHB si Santos at kanilang napatay sa isang engkwentro.

Gayundin, ang organisadong pagbakwit ng mga residente sa ilang barangay sa Antipas, North Cotabato noong Marso 23 dahil sa operasyon ng 39th IB ay pinalabas ng AFP bilang resulta umano ng pangho-hostage, pagnanakaw at mga pagbabanta ng BHB. Kinalaunan, maging ang meyor ng Antipas ay nagpasinungaling sa pekeng balitang ito ng AFP.

Bahagi na ng opensibang saywar ng AFP ang pambabaluktot ng mga datos, kundi man tuwirang pag-iimbento ng balita laban sa BHB. Sa pagsigla ng social media, sinasamantala ng AFP ang bilis ng daloy at pasahan ng impormasyon upang palaganapin ang mga pekeng balita. Subalit nagiging kritikal na rin ang mga netizen at lumalaganap ang pagwaksi sa #AFPFakeNews.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170407-afpfakenews-mga-inimbentong-balita-ng-afp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.