Thursday, May 2, 2024

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Bagong missile system ng US, dinala sa Pilipinas

Ang Bayan Daily News & Analysis online propaganda article posted to the Philippine Revolution Web Central (PRWC), the website of the Communist Party of the Philippines (CPP) (Apr 28, 2024): Bagong missile system ng US, dinala sa Pilipinas (New US missile system, brought to the Philippines)






April 28, 2024

Dumating sa Pilipinas noong maagang bahagi ng Abril ang Typhon Missile System (TMS), ang missile launcher na may kapasidad na magpakawala ng misayl sa layong 1,600 kilometro. Dinala ang naturang launcher sa isang “base militar sa hilagang Luzon” at ginamit una sa Salaknib exercises at sa kasalukuyang lumalargang Balikatan war game.

Sinasabing ang TMS na ito ay una sa gayong klaseng launcher. Tinawag ng US ang pagdating nito sa Pilipinas bilang “una sa kasaysayan” hindi lamang sa bansa kundi sa buong Asia. Sinimulan ang pagmanupaktura ng gayong missile system noon lamang 2019 matapos ibasura ng noo’y administrasyong Trump ang 1987 Intermediate Range Nuclear Forces Treaty, isang kasunduan sa pagitan ng US at Russia. Ipinagbawal ng kasunduang ito ang produksyon, pag-iimbak at paggamit ng mga misayl na may malayong kapasidad.

Ayon sa mga tagamasid, ang armas na ito ay magdudulot ng “estratehikong pagbabago” sa balanse ng seguridad sa rehiyon at lalong nagpapataas sa posibilidad ng pagsiklab ng gera sa pagitan ng dalawa imperyalistang bansa. Ang pagpwesto nito sa Pilipinas ay pagbibigay ng US ng senyales sa China na maaari at kayang-kaya nitong magpwesto ng mga opensibong armas (offensive weaponry) na nasa striking distance sa mga pasilidad nito sa South China Sea, hilagang bahagi ng China at Taiwan Strait.

Noong Abril 25, sinabi ng China na ang paglalagay ng gayong sistema sa Asia ay “banta sa istabilidad at kapayapaan” sa rehiyon. Nagbanta itong gagawa ng “mapagpasyang kontra-hakbang” sa galaw na ito ng US. Inakusahan din nito ang US na naghahabol ng “unilateral na bentaheng militar” sa tarangkahan mismo ng China. Anito, ang ganitong mga armas ay nagpapataas sa posilidad ng mga “maling pagtaya at miskalkulasyon.”

Binalaan din ng China ang Pilipinas na “maging mapagbantay sa tunay na layunin ng US at sa maaaring kahinatnan sa pagsunod (sa mga hakbang) nito.” Anito, kailangang pag-isipan ng Pilipinas ang pagpapagamit sa US sa kapinsalaan ng sarili nitong seguridad.

Noong unang linggo ng Abril, inamin na ni Gen. Charles Flynn, kumander ng US Army Pacific regional command ang balak ng US na permanenteng magpwesto ng gayong missile launcher sa Asia-Pacific sa katapusan ng taon.

Ang Typhoon Missile System ang core component (susing bahagi) ng mga Multi-Domain Task Force (MDTF) ng US, ang binuo nitong mga espesyal na yunit laban sa China at Russia. Binubuo ang missile system na ito ng apat na launcher, isang command center at kaakibat na mga sasakyang nagdadala ng mga bomba. Ginagamit ito kasabay ng paggamit ng High Mobility Artillery Rocket System (HIMARS) at Dark Eagle Hypersonic System.

May kapasidad itong magpakawala ng ballistic misayl para tumarget ng mga barko sa layong 370 kilometro at magpakawala ng Tomahawk Land Attack Missile, na may kapasidad namang lumipad nang hanggang 1,600 kilometro. Gawa ang missile launcher na ito ng Amerikanong kumpanyang Lockheed Martin.

https://philippinerevolution.nu/angbayan/bagong-missile-system-ng-us-dinala-sa-pilipinas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.