Thursday, April 25, 2024

CPP/NDF-Palawan/NDF- Southern Tagalog: Balikatan 2024: Panggagatong sa apoy ng inter-imperyalistang digma sa South China Sea

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Apr 25, 2024): Balikatan 2024: Panggagatong sa apoy ng inter-imperyalistang digma sa South China Sea (Balikatan 2024: Fueling the fire of inter-imperialist war in the South China Sea)



Leona Paragua
Spokesperson
NDF-Palawan
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

April 25, 2024

Mariing kinukundena ng National Democratic Front of the Philippines-Palawan (NDFP-Palawan) ang ika-39 na ehersisyong militar o Balikatan na inilulunsad ngayong Abril 22-Mayo 10 sa kalupaan at katubigang saklaw ng teritoryo ng Pilipinas. Ang pagsasanay na ito, na itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan ay mag-iimbwelto ng 16,700 tropang US at Pilipinas, bukod pa ang mga tropa ng Australian Defense Force at French Navy na lalahok din sa pagsasanay. Liban pa sa kanila, magpapadala rin ng kinatawan ang 14 pang bansa kabilang ang Brunei, Canada, Germany, Great Britain, India, Indonesia, Japan, Malaysia, New Zealand, Republic of Korea, Singapore, Thailand, at Vietnam para magsilbing observer sa ilulunsad na pagsasanay.

Lalamnin ng Balikatan 2024 ang pagsasanay sa seguridad sa karagatan, depensa sa himpapawid at missile, dinamikong mga pag-atake gamit ang missile, cyber defense at mga information operations. Tampok din ngayong taon ang tinatawag nilang Multilateral Maritime Exercises o magkasamang paglalayag sa pagitan ng tropang nabal ng Pilipinas, US at France sa saklaw ng EEZ ng Pilipinas, kabilang ang paligid ng inaagaw na teritoryo ng China sa West Philippine Sea. Kasabay nito, inimbwelto na rin sa pagsasanay ang mga yunit ng Philippine Coast Guard na siyang nagbabantay sa WPS.

Tinukoy mismo ng opisyal ng AFP sa Balikatan na si Col. Mike Logico ang layuning palakasin ang kakayahan ng mga bansang imbwelto sa interoperability o kakayahang maglunsad ng militar na operasyon nang sabay at magkatuwang. Ibig sabihin, sadyang paghahanda ito ng US sa napipintong pagsiklab ng gera sa rehiyon gamit bilang pangunahing piyon ang tropa ng AFP laban sa China. Mula pa sa Balikatan noong nakaraang taon, makikitang pinapamilyarisa na ng mga tropang US at mga kaalyado nitong bansa ang tereyn, karagatan at himpapawid ng Pilipinas para sa layuning ito. Kalakhan ng gagawing ehersisyong militar ay sa karagatang bahagi ng Palawan hanggang sa Batanes na hilagang bahagi ng bansa at pinakamalapit sa China.

Kasabay ng pagpapalaki at pagpapalakas ng presensya at paghahanda sa mga pasilidad militar ng US sa bansa ang papatindi—sumisinsin at nag-iimbwelto ng paparaming tropang US—ang inilulunsad na mga pagsasanay militar sa bansa sa pamamagitan ng Balikatan. Nagagawa ito ng US dahil sa tahasang pagpapahinuhod ng rehimeng US-Marcos II sa lahat ng naisin ng imperyalismong US—sukdulang iumang sa unahan ng gera ang sambayanang Pilipino. Ni wala itong pagsasaalang-alang sa soberanya ng bansa na walang pakundangang niyuyurakan ng mga imperyalistang US at China. Higit sa lahat, wala itong malasakit sa mga mangingisdang Pilipinong nawawalan ng kabuhayan dulot ng umiigting na militarisasyon ng US at China sa WPS.

Para pagtakpan ang mga kaganapang ito, na kung tutuusi’y matagal nang inirereklamo ng mga mangingisda sa Palawan at Central Luzon, kabi-kabila ang mga proyektong “ayuda” at pag-aanunsyo ng mga reaksyunaryong ahensya ng gubyerno ng mga dinoktor na datos kaugnay sa diumano’y pagdami ng mga mangingisdang naghahanapbuhay sa WPS. Ipinagmamalaki rin nila ang napakaliit, at karamihan pa’y limos ng mga internasyunal na institusyon sa pautang na naibibigay nilang tulong umano sa mga mangingisda sa pamamagitan ng LAYAG-WPS at iba pa na selektibo rin lamang at iilan ang naaabot. Gayundin ang mga panghihimasok ng mga tropang Amerikano sa tabing ng mga relief mission at huwad na programang pangkaunlaran ng US sa Palawan.

Ang pinakamalaking kabalintunaan, kuntodo bandilyo ang rehimen gamit ang mga bayarang burgis na midya, sa mga tropa ng PCG na nabibiktima ng mga pag-atake ng tropang Chinese pero tahimik, kibit-balikat o di kaya’y ginagawa pang sinungaling ang mga mangingisdang nag-uulat ng kabi-kabilang harassment ng mga Chinese sa kanila. Higit sa lahat, kibit-balikat ito at karaniwa’y ipinagbubunyi pa ang bawat pambobomba, panganganyon at pamamaril ng mga tropa ng AFP sa kanayunan ng bansa sa tabing ng gera-kontra terorismo na bumibiktima na ng milyun-milyong mamamayan. Sa kabilang banda, tusong ginagamit naman ang kalagayan ng mangingisda para manulsol ng rekrutment sa milisya o pwersang reservist sa hanay ng mga mangingisda at maging pambala sa kanyon ng AFP sakaling pumutok ang gera.

Tiyak na higit na titindi pa ang kahirapang daranasin ng bayan sa maniobrang ito ng US at labis na pagpapakatuta ng rehimeng US-Marcos II. Ang ginagawa nitong panggagatong sa tensyon sa WPS ay maaaring magsindi ng mas maigting na girian na tiyak na hahantong sa gera sa pagitan ng US at China. Tulad ng nangyari sa Ukraine, tiyak na bubuyuhin ng US ang China na maglunsad ng unang pag-atake gamit ang Pilipinas at si Marcos Jr., sa ngalan ng pagdepensa sa sarili at pagmukhain ang US bilang tagapagligtas ng Pilipinas laban sa mga agresibong aksyon ng China sa WPS.

Hindi dapat magpalinlang ang taumbayan sa pagpapanggap ng US bilang tagapagtanggol ng kapayapaan at pulis pangkalawakan. Dapat na alalahanin ang mapanlinlang na “mapagpalang asimilasyon” na pinanghele ng US nang sakupin nito ang Pilipinas sa tabing ng pagtulong dito upang mapalayas ang kolonyalistang Espanyol. Dapat ding alalahanin ang ginawang pag-atras at pag-iwan ng US sa Pilipinas kasama ang papet nitong si Manuel Quezon sa panahon ng pag-atake ng pasistang Japan noong World War II. Sa gitna ng matinding pananalasa ng Japan, magiting itong nilabanan ng mga gerilyang Pilipinong sa pangunguna ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon sa pamumuno ng lumang PKP. Kung babalikan, isa sa mga dahilan ng ginawang pag-atake ng Japan sa Pilipinas ang pagiging kolonya nito ng US at presensya ng tropang US sa bansa.

Dapat labanan ang lahat ng anyo ng pagpapaigting ng panghihimasok ng US sa bansa sa pamamagitan ng presensya at aktibidad militar nito at iba pang imperyalistang bansa sa ating teritoryo na lansakang yumuyurak sa ating pambansang soberanya at teritoryal na integridad. Kasabay nito, dapat ding patuloy na tuligsain at labanan ang ginagawang agresyon ng China sa WPS, pandarambong ng yaman sa exclusive economic zone at pag-angkin sa mga teritoryong saklaw ng Pilipinas.

Nananawagan ang NDFP-Palawan sa lahat ng Palaweño at mamamayang Pilipino na magbigkis at labanan ang lahat ng tipo ng panghihimasok ng US sa bansa. Sa gitna ng napipintong pagsiklab ng inter-imperyalistang digma sa pagitan ng US at China, dapat na buklurin ang mga patriyotiko at pinakamalawak na hanay ng mamamayan, laluna ang masang anakpawis para ipahayag ang pagtutol sa paggamit sa ating bansa bilang lunsaran ng gera ng US laban sa China. Hikayatin ang mga pulong sa mga komunidad, baryo, barangay, pook-hanapbuhay, eskwelahan, palengke, atbp. kaugnay sa pagsusuri at paninidigan ng mamamayan sa usaping ito. Ilunsad ang malalaki at madadagundong na pagkilos para labanan ang balikatan at iba pang aktibidad militar ng US sa bansa. Kasabay nito, ang mga kakayaning matutunog na opensiba ng BHB laban sa kampanyang panunupil na AFP na sulsol ng imperyalistang US.

https://philippinerevolution.nu/statements/balikatan-2024-panggagatong-sa-apoy-ng-inter-imperyalistang-digma-sa-south-china-sea/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.