Sunday, February 18, 2024

CPP/NPA-Rizal: MALAYA KA Program ng 80th IB, lumang istilo ng panlilinlang at panggigipit sa mamamayan, paglabag sa internasyunal na makataong batas!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 15, 2024): MALAYA KA Program ng 80th IB, lumang istilo ng panlilinlang at panggigipit sa mamamayan, paglabag sa internasyunal na makataong batas! (YOU ARE FREE//Program of the 80th IB, old style of deception and pressure on the people, violation of international humanitarian law!)
 


Macario 'Ka Karyo' Liwanag
Spokesperson
NPA-Rizal (Narciso Antazo Aramil Command)
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

February 15, 2024

Buong pagyayabang na ibinibida ng 80th IBPA ang kasinungalingan sa kanilang MALAYA KA Program, na diumano’y makabagong pamamaraan upang wakasan ang terorismo. Kaisa at katuwang diumano ang mga pamilya ng mga miyembro ng NAAC-NPA-Rizal sa pagpapasuko sa kanilang mga anak at kamag-anak sa pagdurog sa CPP-NPA-NDFP. Tusong iskema nila ang propagandang ito sa social media upang pagmukhaing kaisa nila ang mga pamilya ng mga pinaghihinalaang kasapi ng NPA at diumano’y labag sa kagustuhan ng mga ito ang pananatili ng kanilang mga kaanak sa rebolusyonaryong kilusan.

Inilunsad ng 80th IBPA ang mga papulong sa Brgy. Puray, sa Rodriguez, Brgy. San Jose at Brgy. Calawis sa Antipolo City, at Brgy. Punta sa Jala-Jala sa ilalim ng programang MALAYA KA. Mga serye ng talakayan, pakikipagpulong at imbestigasyon sa mga pamilya ng mga pinaghihinalaang kasapi ng New People’s Army upang kumbinsihin at sa bandang huli ay obligahin na makipagtulungan ang mga ito sa pagpapasuko sa kanilang mga anak o kapamilya na diumano’y aktibo sa rebolusyonaryong kilusan.

Taliwas sa nais nilang palabasin na pakikipagkaisa at pakikipagtulungan ng mga pamilya, hindi boluntaryo at sa halip ay napipilitan lamang ang mga ito na dumalo sa mga papulong. Habang sinasamantala nito ang pagdalo ng mga kapamilya ng pinaghihinalaang NPA upang gamitin sa kanilang itim na propaganda. Ginagamit ang mga litrato ng mga diumanong kapamilya, upang likhain ang isang imahe ng pakikipagtulungan sa kanila.

Sa katunayan, pahayag ng ilang nakadalo, inip na inip na silang matapos ang bawat pulong na kanilang ipinatatawag. Nasusuklam din silang pakinggan ang alam nilang hinahabi na kasinungalingan at panlilinlang ng pasistang AFP-PNP at NTF-ELCAC, na pawang nilalagyan ng katumbas na pera ang buhay at dangal ng kanilang mga kamag-anak. Banggit pa ng ibang kapamilya, hirap na hirap na sila sa paulit-ulit na pagpapatawag sa kanila ng 80th IB na humantong na sa kanilang paglikas at paglipat ng tirahan para umiwas sa pambubuliglig ng mga militar.

Bukod sa papulong ay isinasailalim din ang mga pamilya ng NPA sa mahigpit na pagmamanman at mga imbestigasyon. Ang iba pa nga ay sinusundan sa kanilang mga pinupuntahan—sa kaingin, bukid, gulayan, at kahit sa mga bahay ng iba pang kakilala at kamag-anak. Nakakapang-insulto na napili pa nila ang katawagang MALAYA KA para sa kanilang programa na sa aktwal ay nagkakait sa mamamayan sa kanilang malayang pagkilos.

Malinaw na panlilinlang ang programang ito na sa tabing ng MALAYA KA at diumano’y para sa kapayapaan subalit ang totoo’y nagdudulot ito ng ligalig sa mamamayan at mga pinaghihinalaang kapamilya ng NPA. Malinaw na nagsisilbing psywar ang programang ito para sa kanilang imbing pakana na durugin ang CPP/NPA.

Malinaw din na ito ay paglabag sa internasyunal na makataong batas alinsunod sa prinsipyo nito ng pagtatangi/pag-iiba sa pagitan ng mga sibilyan at kombatant (distinction) na nagsasabing hindi dapat atakehin ang mga sibilyan at lahat ng kanilang pag-aari. Mayor na nilalaman ito ng Comprehensive Agreement for the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinagkasunduan ng GRP at ng NDFP at nasa puso ng Geneva Conventions of 1949 at ang karugtong nitong Additional Protocols of 1977. Mabibigo ang MALAYA KA Program sa kanilang iskema, kung saan nagpapatuloy ang kahirapan, karahasan , panlilinlang at terror sa mamamayan. Kailanman, ay hindi makakamit ang kapayapaan ng hindi inuugat ang puno’t dulo ng problema ng mamamayan na siyang laging tinatanggihang lutasin ng reaksyunaryong gobyerno. Ang kapayapaan ay dapat nakabatay sa katarungang panlipunan at hindi sa pambubusal sa bibig at paggapos sa kamay ng mamamayan. Hangga’t walang katarungang panlipunan ay hindi magkakaroon ng tunay na kapayapaan. Ganundin hindi titigil ang New People’s Army sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas na tupdin ang kanyang sentral na tungkulin na ibagsak ang mapang-aping naghaharing sistema.###

https://philippinerevolution.nu/statements/malaya-ka-program-ng-80th-ib-lumang-istilo-ng-panlilinlang-at-panggigipit-sa-mamamayan-paglabag-sa-internasyunal-na-makataong-batas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.