Carlito Cada
Spokesperson
NPA-Camarines Norte (Armando Catapia Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army
January 29, 2024
Makabuluhan para sa masang CamNorteño ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan, ngunit hindi ito nangangahulugan ng pagtahimik at pagsalong ng mga baril.
Sinusuportahan ng masang Camnorteño ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan na pinirmahan ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ng mga upisyal ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa Oslo Norway noong Nobyembre 23, 2023. Patunay ito na ang rebolusyonaryong kilusan ay laging bukas at handang makipag-usap para sa pagkamit ng matagalang kapayapaan sa pamamagitan ng paglutas sa tunay na ugat ng armadong tunggalian.
Para sa masang taga-Camarines Norte, bakit nga ba mayroong usapang pangkapayapaan? May usapang pangkapayapaan dahil may nagaganap na digmaan—digmaan sa pagitan ng reaksyunaryong gubyerno (GRP) na kumakatawan sa mga naghaharing uring mga PML, burukratikong upisyal ng gubyerno, mga burgesyang kumprador at mga dayuhang negosyante. At ng National Democratic Front ot the Philippines (NDFP) na kumakatawan sa makauring interes ng malawak na masang inaapi’t pinagsasamantahan ng bansa. Ang usapang pangkapayapaan ay bahagi ng Digmang Bayan. Isa itong anyo ng paglaban para sa interes ng mamamayan.
Ang Camarines Norte ay mataba ang lupa para sa ibayong paglawak at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan bunsod ng dustang kalagayan ng malawak na mamamamayan. Isa ang prubinsya sa matinding binayo at patuloy na binabayo ng sosyo-ekonomiko at pulitikang krisis mula pa sa pagpasok ng dekada ’60 hanggang sa kasalukuyan. Nananatiling inaapi at pinagsasamantalahan ang malawak na masang CamNorteño sa ilalim ng pyudal na pagsasamantala sa mga kanayunan. Katulad ng sistema ng partehan sa produksyon, pagbabarat sa mga produkto katulad ng kopra, palay, pinya at iba pang produktong agrikultural. Dagdag ring panganib sa mga magsasaka ang pang-aagaw ng kabuhayan bunsod ng mga dayuhang pamumuhunan katulad ng mga renewable energy, pagmimina at mga National Greening projects sa anyo ng pagpapatanim ng kape at cacao, gemilina, kawayan at iba pa sa mga lupang timber land.
Nananatili rin ang mapang-aliping sahod ng manggagawa at mala-manggagawa na umaabot lamang ng ₱360 kada araw sa kabila ng patuloy na pagsirit ng mga pangunahing bilihin. Ang mga magkakabod, na tinatawag ding mala-manggagawa dahil sa wala silang ibang pag-aari kundi ang kanilang sariling lakas paggawa, ay labis na nagdurusa sa napakababang halaga ng kanilang namiminang ginto. Ngunit may mas higit pang pinangangambahan ang mga magkakabod, ito ay ang nasa 11 mga dayuhang kumpanya na naglalaway sa mga yamang mineral ng prubinsya katulad ng Mt. Labo Exploration and Development Corporation (MLEDC). Pang-aapi at pagsasamantala ang kakambal ng mga pamumuhunang ito para makapagtabo ng limpak-limpak na kapital mula sa yaman ng prubinsya at murang lakas-paggawa ng mga pobreng CamNorteño.
Bukod dito, lalong pinasasaklap ang buhay at kalagayang ng masang CamNorteño dahil parang “normal” na lamang ang walang patid na pagtaas ng implasyon sa buong prubinsya, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Mula Oktubre 2022 hanggang Oktubre 2023 ay nanatili sa 6.5 % hanggang 9.5% ang tantos ng implasyon. Pinakamataas ang naitala noong Enero 2023 na pumalo sa 9.5% at nitong Setyembre 2023 na pumalo ng 8.5%. Nangunguna ang prubinsya sa may pinakamataas na implasyon sa buong rehiyon. Ang pananatiling mataas ng implasyon ay nangangahulugan ng pagkalugmok ng ekonomiya at kabuhayan ng masang CamNorteno. Kaugnay nito ay wala ring ginagawang kongkretong solusyon ang mga burukratikong pulitiko maliban sa mga patse-patseng ayuda at mga programa.
Karugtong ng matinding krisis na ito ay ang malawakan at ang papatinding pasismo sa hanay ng mamamayan. Isang mabangis na halimaw ang NTF-ELcac, AFP, PNP at CAFGU dahil sa dumaraming mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao katulad na lamang ng ekstrahudisyal na mga pagpatay, tortyur, pananakot at psywar. Mas masahol dito ang mga gawa-gawang engkwentro na pumapatay sa mga sibilyan at mga pekeng pagpapasuko.
Ang patuloy na pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayan ng Camarines Norte ay nangangahulugan ng patuloy na paglawak at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan. Hindi lang sa prubinsya kundi sa buong bansa. Ang dekadang pang-aalipin at pangbubusabos ng naghaharing bulok na sistema ang ugat ng 55 taong armadong tunggalian sa bansa.
Ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan ay pagpapatunay rin ng pagkilala ng reaksyunaryong gubyerno sa rebolusyonaryong gobyernong bayan at sa patuloy na paglawak at paglakas nito na ibinubunsod ng patuloy na paglala ng socio-ekonomiko at pulitikang krisis ng bansa na inianak ng pandaigdigang krisis ng kapitalista. Alam ng reaksyunaryong gubyerno na hindi sa pamamagitan ng militar masusugpo at malulutas ang armadong tunggalian sa bansa dahil pinatunayan na sa kasaysayan na hanggat may kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi ay lagi’t-laging lilitaw ang armadong paglaban.
Upang suportahan ang usapang pangkapayapaan, makatwiran lamang ang panawagan ng sambayanang Pilipino na palayain ng rehimeng Marcos ang 800 bilanggong pulitikal, kabilang ang lahat ng NDFP peace consultants na bahagi at kakatawan sa NDF sa usapang pangkapayapaan.
Dapat ring ipanawagan ang kagyat na pagbasura sa na nagbabansag sa PKP-NPA-NDF bilang mga terorista at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELcac) na pangunahing naghahasik ng terorismo at tagapamandila ng local peace talks sa anyo ng mga pekeng pagpapasuko at huwad na amnestiya.
Dapat ding kilalanin ang mga naunang kasunduang napagkaisahan gaya ng The Hague Joint Declaration bilang balangkas ng usapang pangkapayapaan at mga nakaraang nilagdaang kasunduan sa pagitan ng GRP at NDFP tulad ng CARHRIHL, JASIG atbp.
Umaasa ang masang CamNorteño at buong rebolusyonaryong kilusan sa muling pag-usad ng usapang pangkapayapaan. Sa kabila nito, mahigpit ang hawak ng Bagong Hukbong Bayan sa kanilang mga baril, lalo’t higit pinatunayan na sa mga nakaraan na traydor at taksil sa mga kasunduan ang hanay ng AFP-PNP-CAFGU.
Tunay na reporma sa lupa, pambansang indusriyalisasyon, hustisyang panlipunan at iba pang demokratikong repormang panlipunan, ang maglulutas sa armadong labanan.#
https://philippinerevolution.nu/statements/makabuluhan-para-sa-masang-camnorteno-ang-muling-pagbubukas-ng-usapang-pangkapayapaan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.