Saturday, September 2, 2023

CPP/NDF-Southern Tagalog: Panagutin si Marcos Jr at ang mga nagdaang rehimen sa dumaraming kaso ng desaparecidos

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 30, 2023): Panagutin si Marcos Jr at ang mga nagdaang rehimen sa dumaraming kaso ng desaparecidos (Hold Marcos Jr. and the previous regimes accountable for the increasing number of missing persons cases)
 


Patnubay de Guia
Spokesperson
NDF-Southern Tagalog

August 30, 2023

Ngayong Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos (International Day of the Disappeared), nakikiisa ang NDFP-ST sa lahat ng mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng sapilitang pagkawala sa kanilang pakikibaka para sa katarungan. Hanggang sa kasalukuyan, nananawagan ang sambayanang Pilipino na ilitaw ang mga sapilitang winala ng estado mula pa noong diktadurang US-Marcos.

Hindi makakalimutan ng mamamayan ang mga desaparecidos at mga dakilang martir ng sambayanan na ST 10 (Rizalina Ilagan, Gerry Faustino, Jessica Sales, Modesto “Bong” Sison, Cristina “Tina” Catalla, Ramon Jasul, Emmanuel Salvacruz, Salvador Panganiban, Virgilio Silva at Samuel Ting o kilala bilang Erwin de la Torre); Leticia “Tish” Ladlad at iba pa noong diktadurang US-Marcos; Cesar Batralo, Karen Empeño, Sherlyn Cadapan at Jonas Burgos na ilan sa mga biktima noong rehimeng US-Macapagal-Arroyo at marami pang iba. Mananatili silang nakaukit sa puso at isipan ng bayan.

Malaking kahungkagan ang nakaraang pahayag ng European Union na bumubuti na ang kalagayan ng karapatang tao sa Pilipinas. Sa katunayan, si Marcos Jr ay katulad ng kanyang amang diktador na duguan ang kamay sa dumaraming karumaldumal na krimen sa bayan. Lalong nananariwa ang sugat ng mga biktima ng paglabag sa karapatang tao ng mga nagdaang administrasyon sa pagpapatuloy ni Marcos Jr. ng paggamit ng terorismo ng estado sa bayan. Naitala ang 94,448 biktima ng paglabag sa karapatang tao sa unang taon ni Marcos Jr sa poder. Ang pagdukot at sapilitang pagwala ay kabilang sa maruruming taktika ng anti-komunistang gera ng AFP-PNP upang supilin ang paglaban at maghasik ng teror sa hanay ng nakikibakang mamamayan.

Naitala ang walong desaparecidos na sina Ma. Elena Pampoza at Elgene Mungcal na dinukot sa Moncada, Tarlac noong Hulyo 3, 2022; Lyngrace Martullinas, Renel delos Santos at Denald Mailen sa Binalbagan, Negros Occidental noong Abril 19, 2023; at Gene Roz de Jesus at Dexter Capuyan sa Taytay, Rizal noong Abril 28, 2023. Bago sapilitang winala, walang pakundangang ni-red tag ang mga biktima. Katunayan, may patong sa ulo si Capuyan na P1.85 milyon. Samantala, nagawang mailahad nina Dyan Gumanao at Armand Dayoha ang kanilang sinapit na tortyur matapos dukutin ng mga militar sa Cebu noong Enero 10. Nakalaya sila dahil sa kilusang masa at ingay na nilikha ng pagkalat ng bidyo ng pagdukot sa kanila ng mga militar.

Hindi maikakaila ang presensya ng mga lihim na kulungan ng AFP-PNP sa iba’t ibang panig ng bansa upang maisagawa ang tortyur sa dinukot. Mga pakana ito upang “durugin” ang mapanlabang diwa ng mga aktibista, progresibo o rebolusyonaryo na matapos ang ilang panahong pagpapahirap ay alinman sa inihaharap na “suko”, inihuhurang ang labi, ipinipiit sa reaksyunaryong kulungan o hindi na ililitaw ang mga biktima. Malinaw na mga paglabag ito sa karapatang tao at dapat na panagutan sa International Humanitarian Law at maging sa mata ng reaksyunaryong batas.

Dapat singilin at papanagutin si Marcos Jr at mga nagdaang administrasyon sa lagpas 1,900 desaparecidos sa limang dekadang nakalipas.

Binabati ng NDFP-ST ang mamamayang matapang na humaharap sa mga berdugo para kamtin ang hustisya sa gitna ng pandarahas ng estado. Nananawagan ang NDFP-ST sa mga grupong makatao, lingkod-bayan at abogado na tulungan ang mga kaanak at biktima ng pagdukot at iba pang mga paglabag sa karapatang tao. Hinihikayat ng NDFP-ST ang mga manananggol ng bayan na usigin ang mga berdugo at salarin na AFP-PNP at ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte.

Ang patuloy na paglala ng terorismo ng estado ay manipestasyon ng naghihingalong estado. Kailangang patuloy at marubdob na ipaglaban ng mamamayang Pilipino ang kanilang demokratikong karapatan at hustisyang panlipunan. Puspusang isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon upang palitan ang bulok na estado at palitan ito ng isang tunay na makatarungan, masagana at malayang lipunan.

https://philippinerevolution.nu/statements/panagutin-si-marcos-jr-at-ang-mga-nagdaang-rehimen-sa-dumaraming-kaso-ng-desaparecidos/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.