Thursday, June 22, 2023

CPP/Ang Bayan: Sagradong ritwal, ginamit pantabing sa pandarambong sa lupang ninuno sa Agusan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jun 21, 2023): Sagradong ritwal, ginamit pantabing sa pandarambong sa lupang ninuno sa Agusan (Sacred ritual, used as a cover for looting the ancestral land in Agusan)
 





June 21, 2023

Nilapastangan ng reaksyunaryong militar at estado ang tampuda, isang sagradong ritwal ng katutubong Higaonon, para itulak ang huwad na “pagkakaisang Lumad” at tabingan ang pagbibigay-daan sa ekspansyon ng dayuhang plantasyon at pagmimina.

Noong Mayo 12, isinagawa ng 402nd IB ang huwad na tampuda para sa “rekonsilasyon” ng mga angkang Namatindong ng Esperanza, Agusan del Sur at Manhumusay-Pinakitob sa Las Nieves, Agusan del Norte. Dinaluhan ito ng mga “kinatawan” ng mga Lumad sa limang kalapit na prubinsya.

Insulto ito sa sagradong ritwal ng mga Lumad na sa nakaraan ay susi sa pagbubuo ng pagkakaisa at paglaban ng mga tribu para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno at biyaya ng kagubatan. Kabaligtaran nito, ginamit ng AFP ang tampuda para palabasing may lisensya ang pagbubukas sa libu-libong ektaryang mayaman na rekursong lupa at kagubatan ng mga Higaonon sa mga prubinsya ng Agusan.

Mayaman sa rekursong lupa, gubat, mina at karagatan ang dalawang prubinsya. Dahil dito, naglipana sa lugar ang dayuhang mga kumpanyang mapandambong at mapaminsala sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan dito. Kasabwat nila ang aktibo at retiradong mga upisyal militar at lokal na upisyal ng gubyerno.

Sa Agusan del Sur, di bababa sa tatlong kumpanyang mina ang nag-oopereyt. Isa sa pinakamalaki ang Co-O Mining na sumasaklaw ng halos 1,000 ektarya at pagmamay-ari ng Ten Sixty Four Ltd (X64), isang kumpanyang Australian. Kasosyo ng X64 ang Philsaga Mining Company na itinayo ng isang retiradong koronel.

Matatagpuan naman sa Agusan del Norte ang hindi bababa sa walong kumpanya sa pagmimina. Apat sa mga ito ay binigyan ng permit para mag-opereyt, kabilang ang Agata Mining Ventures na 60% pagmamay-ari ng TVI Pacific, isang kumpanyang Canadian. Apat pang kumpanyang sosyohang Pilipino at Chinese ang walang permit pero pinahihintulutang mag-opereyt ng pagmimina ng ginto, nickel, cobalt at manganese. Sinaklaw ng mga ito ang Taguiba Watershed na pinagkukunan ng maiinom na tubig ng Butuan City.

Liban sa pagmimina, target din ang dalawang Agusan sa ekspansyon ng mga komersyal na plantasyon. Kabilang sa itinutulak sa Agusan del Norte ang Las Nieves-Buenavista-Nasipit-Carmen (LasBueNasCar) Sustainable Agro-Forestry Development Project. Target nito ang lupang ninuno ng mga Higaonon, gayundin ng maliliit na sakahan ng palay at mais. Bahagi ng proyektong ito ang paglalatag ng mga kalsada papasok sa mga interyor na baryo at iba pang imprastruktura para mas mapadali ang pagpasok ng mga lokal at dayuhang kumpanya. Nilaanan ito ng estado ng ₱61 milyon at pinokusan ng militar ang erya para supilin ang anumang pagtutol sa proyekto. Para tiyaking mananatiling supil ang mamamayan, tinadtad ng mga detatsment ang magkanugnog na mga baryo.

Isa sa pinakamakikinabang sa proyekto ang Nestlé, nagmamanupaktura ng Nescafe, na nagpapakana ng produksyon at pagbebenta ng green coffee bean (hilaw na kape) sa bayan ng Las Nieves. Suportado ng Department of Agriculture at World Bank ang proyektong ito, na pinopondohan pa ng ₱19 milyon. Layunin nitong palawakin ang plantasyon ng kape sa naturang bayan, monopolyohin ang ani ng mga magsasaka at idikta ang presyo ng pagbili ng kape mula sa kanila. Ang Nestlé, isa sa pinakamalalaking kumpanyang internasyunal, ay kilala sa pambabarat sa presyo ng hilaw na kape hindi lamang sa Pilipinas. (Sa pinakahuling pag-aaral, sinasabing 1%-3% lamang ng presyo ng bawat tasang kapeng ibinebenta ng malalaking kumpanya sa US ang napupunta sa magsasaka dahil sa sobrang barat ng pagbili ng kanilang ani.)

Katulad ng ibang prubinsya sa North Mindanao, matagal nang militarisado ang mga prubinsya ng Agusan. Laganap dito ang harasment at red-tagging, pwersahang pagpapasurender, pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga lider at myembro ng mga samahang magsasaka, iligal na pang-aaresto, sapilitang rekrutment sa CAFGU at iba pang abusong militar. Di bababa sa dalawang lider ng Unyon sa Mag-uuma sa Agusan del Norte, ang lokal na samahan ng mga magsasaka, ang pinatay ng mga ahente ng estado, isa ang tinangkang patayin at isa ang iligal na inaresto. Ang dahilan nito ay ang kanilang pagtutol sa ekspansyon ng mga mina at plantasyon sa kanilang lugar.

[Ang Bayan ("The People") is the official publication of the Communist Party of the Philippines, guided by Marxism-Leninism-Maoism. It is published by the Central Committee. AB comes out fortnightly every 7th and 21st of each month. The original Pilipino edition is translated into English, Bisaya, Waray, Hiligaynon and Iloco.]

https://philippinerevolution.nu/2023/06/21/sagradong-ritwal-ginamit-pantabing-sa-pandarambong-sa-lupang-ninuno-sa-agusan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.