From Kalinaw News (Feb 28, 2023): Dahil sa Bayanihan, Mahigit 650 na Katutubo ang Natulungan sa Tarlac (Thanks to Bayanihan, More than 650 Natives were Helped in Tarlac)
Sa inisyatiba ng 3rd Mechanized Infantry Battalion ay nag-bayanihan ang mga mamamayan, katutubo, kasundaluhan, Non-Government Agencies at ibat’-ibang ahensiya ng pamahalaan sa isang Community Outreach Program with Lipad Aklat Project na ginanap sa Sitio Tangan-Tangan, Barangay Maamot, San Jose, Tarlac nito lamang ika-24 ng Pebrero 2023.Sinimulan ito sa pamamagitan ng Flag Raising Ceremony na ginanap sa flag pole ng Tangan-Tangan Elementary School na ipinatayo sa inisyatiba ng 3Mech Bn. Kasunod nito ay ang pamamahagi ng iba’t-ibang reference books at mga laruan mula sa Lipad Aklat Project ng Army Aviation Regiment sa pangunguna ng kanilang Commander na si Colonel Andre B. Santos at pamamahagi ng trash bins mula naman sa Tactical Operations Group 3.
Ito ay sinundan ng pagbabasbas at pagpapasinaya sa dalawang 3-Door Comfort Rooms at sampung (10) Solar Street Lights na naipatayo mula sa mga donasyon at kabutihang loob ng mga miyembro ng 5B’s Humanitarian Incorporated na may kasama pang isang (1) generator set. Matatandaan na binisita ni Lieutenant Colonel Jeszer M. Bautista ang Commanding Officer ng 3rd Mechanized Infantry Battalion kasama ng kanyang staff ang nasabing Sitio upang makita ang pangangailangan ng mga katutubo at kung ano ang maaring maiabot na proyekto at tulong sa nasabing lugar.
Sa kabilang banda, 138 na residente ng Sitio Tangan-Tangan ang sumailalim sa isang libreng medikal na konsultasyon at nabigyan ng libreng gamot at bitamina. Walongpu’t pitong (87) mag-aaral din ang sumailalim sa libreng dental na konsultasyon at nabigyan ng dental kits habang pitongpu’t siyam (79) naman ang sumailalim sa pagsusuri gamit ang X-Ray Machine at isang-daan at limangpu (150) ang nabigyan ng ibat-ibang grocery packs, tsinelas at damit. Pinangunahan naman ng Situational Awareness and Knowledge Management Cluster ng ELCAC Region 3 ang pagbibigay ng tamang kaalaman at impormasyon patungkol sa tahasang panlilinlang at panloloko ng mga terorista sa hanay ng mga katutubo.
Ito ay binigyang patotoo ng isang Former Rebel na katutubo sa katauhan ni Mr. Johny Basilio. Abot-abot ang pasasalamat ng mga katutubo sa pangunguna ni Hon. Tolendo L. Capitle ang Chieftain ng Sitio Tangan-Tangan sa mga ibinigay na tulong at serbisyo sa kanilang lugar. “Maraming salamat sa inyong tulong, kahit na napakalayo ng aming lugar ay hindi kayo nagsasawang abutin ito. Asahan niyo na kami ay magiging katuwang ninyo tungo sa pag-unlad ng aming pamayanan,” ani Hon. Capitle.
Sa kanyang parte ay pinasalamatan ni Lieutenant Colonel Jeszer M. Bautista ang Commanding Officer ng 3rd Mechanized Infantry Battallion ang lahat ng tumulong sa nasabing programa, “ito talaga ang whole of nation approach nakita natin ang ating pagtutulungan at pagbabayanihan upang maipaabot ang tulong sa ating mga kababayan dito sa Tangan-Tangan.
Kaya sa ngalan ng kasundaluhan at mga katutubo dito sa Sitio Tangan-Tangan ako ay nagpapasalamat sa inyong walang sawang tulong at suporta”, ani Lieutenant Colonel Bautista.Samantala, nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga katutubo dahil sa kanilang pakikipagtulungan sa kasundaluhan, “maraming salamat sa inyong walang sawang paghihintay sa serbisyo at programa ng gobyerno. Hindi pa ito ang huli, marami pang mga programa at proyekto ang nakalaan para sa inyo.
Kaya ang hiling lang namin sa inyo ay patuloy tayong magtulungan at magtiwala kayo sa pamahalaan, huwag na tayong magtiwala sa mga organisasyon na nagpapakilala na sila ang totoong gobyerno dahil ang totoong gobyerno ay naghahatid ng serbisyo, hindi sila ang sineserbisyuhan,” dagdag ni Lieutenant Colonel Bautista.Ang nasabing programa ay naging matagumpay dahil sa pagbabayanihan ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan kabilang dito ang Tarlac Provincial Hospital, Department of Agrarian Reform – Tarlac, Department of Education – Tarlac, LGU – San Jose; Non-Government Organizations na 5B’s Humanitarian Incorporated at Aslag Ning Pag-asa Tarlac Chapter; kasundaluhan ng 3rd Mechanized Infantry Battalion, Army Aviation Regiment, 522 Engineer Construction Battalion at Tactical Operations Group 3 ng Northern Luzon Command at Situational Awareness and Knowledge Management Cluster 3.Kabilang sa mga dumalo ay sina Hon. Romeo G. Capitulo ang Mayor ng San Jose, Tarlac, Mr. Lloyd Summer Carbungco ang representative ng 5Bs Humanitarian Incorporated, Dr. Cristina Dizon Pascual ang Vice President, Aslag Ning Pag-asa Tarlac, Dir. Niño Anthony E. Balagtas ng Situational Awareness and Knowledge Management Cluster 3, Mr. Gerald A. Fontanoza ng Department of Agrarian Reform (DAR) Tarlac, Dr. Marie Lhen G. Manalo ang Medical Officer ng DepEd Tarlac Province, Colonel Andre B. Santos ang Regiment Commander, Army Aviation Regiment, Colonel Norberto P. Aromin Jr ang Deputy Regiment Commander, Army Aviation Regiment, Lieutenant Colonel Jeszer M. Bautista ang Commanding Officer ng 3rd Mechanized Infantry Battalion at si Major Jecileto C. Vadilles ang Division Chaplain ng Armor Division.
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City.]
https://www.kalinawnews.com/dahil-sa-bayanihan-mahigit-650-na-katutubo-ang-natulungan-sa-tarlac/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.