Sunday, March 26, 2023

CPP/NDF-Ilocos: Ipaglaban ang karapatang pantao at sariling pagpapasya ng pambansang minorya ng Kalinga! Labanan ang militarisasyon at paulit-ulit na paglabag ng AFP sa International Humanitarian Law at CARHRIHL! Paigtingin ang digmang bayan at durugin ang pasistang armadong pwersa ng rehimeng US-Marcos!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Mar 24, 2023): Ipaglaban ang karapatang pantao at sariling pagpapasya ng pambansang minorya ng Kalinga! Labanan ang militarisasyon at paulit-ulit na paglabag ng AFP sa International Humanitarian Law at CARHRIHL! Paigtingin ang digmang bayan at durugin ang pasistang armadong pwersa ng rehimeng US-Marcos! (Fight for the human rights and self-determination of the Kalinga national minority! Fight the militarization and repeated violations by the AFP of International Humanitarian Law and CARHRIHL! Intensify the people's war and crush the fascist armed forces of the US-Marcos regime!)
 


Rosa Guidon
Spokesperson
NDF-Ilocos
National Democratic Front of the Philippines

March 24, 2023

Nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines – Ilocos sa mariing pagkundena ng Cordillera People’s Democratic Front, Chadli Molintas Command – NPA Ilocos-Cordillera at ng mamamayan ng Cordillera sa panibagong serye ng mabibigat na paglabag ng AFP sa Internasyunal na Makataong Batas o International Humanitarian Law (IHL) at Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) sa isinagawa nitong pambobomba at operasyong militar sa mga pamayanan sa Balbalan, Kalinga simula madaling araw noong Marso 5.

Kabilang sa mariing kinukundena ng NDF-Ilocos ang sumusunod na mga paglabag ng AFP sa nasabing operasyon-militar:

1. Ang walang patumanggang pambobomba at istraping mula sa ere gamit ang mga jet fighter, machinegun at drone sa kabundukan ng Barangay Gawaan, Balbalan, Kalinga mula alas-dos hanggang alas 4:30 ng madaling araw noong Marso 5.

2. Ang pagpasok ng mahigit 100 na tropa 50th IB Philippine Army sa Barangay Gawaan kinaumagahan ng Marso 5 at tuloy-tuloy pang pagdagsa ng mga tropa ng militar sa mga komunidad ng Balbalan.
3. Ang iligal na pagdakip at pagkontrol ng pitong oras sa siyam na sibilyan na naghanap lamang ng kanilang mga kalabaw at bakang nangahulog sa bangin at nawala dulot ng pagkasindak din sa walang patumanggang pagbomba at istraping mula sa ere.
4. Ang paghadlang ng mga militar sa mga magsasaka na asikasuhin ang kanilang kabuhayan sa sakahan at kagubatan

5. Ang paglapastangan sa labi ni Kasamang Onal “Ka Puk-et” Balaoing, isang Pulang mandirigma ng NPA sa Kalinga na pagkatapos mapatay sa engkwentro nila sa 50th IB noong Marso 9, ay walang-habas pang pinagbabaril hangga’t sumabog ang kaniyang bituka at utak at nagkabali-bali ang kaniyang mga kamay at paa.
Kung magpropaganda, ang AFP ay nagmamarunong sa International Humanitarian Law, ngunit sa praktika nito sa digma ay hinding-hindi nito naintindihan. Mapapatunayan na naman ito sa kondukta ng AFP sa Balbalan nitong huli na umuulit at tahasang lumalabag sa mga probisyon ng 1949 Geneva Conventions (and their Additional Protocols of 1977 and 2005) na siyang bumubuo sa International Humanitarian Law at itinataguyod din sa Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law na pinagkasunduan at pinirmahan ng NDFP at GRP noong 1998.
Dahil ang AFP ay bayarang hukbo, na ang tanging layunin sa pakikidigma ay ipagtanggol ang interes ng mga ganid na dayuhang kapitalista, malalaking burges-kumprador, panginoong maylupa at estado ng rehimeng US-Marcos, hindi sila aasahang mulat at tatalima sa International Humanitarian Law at CARHRIHL. Gayunpaman, hindi magsasawa ang NDFP na paulit-ulit na ilinaw ang IHL at CARHRIHL at tuligsain ang kanilang mga paglabag dito, dahil pangunahing layunin ng mga batas na ito ang pangalagaan ang karapatang pantao at kaligtasan ng mamamayan sa mga digmaan at ilimita ang pinsala at pagdurusa na idudulot nito sa kanila.
Isinasaad ng IHL na ang mga nagdidigmaang armadong pwersa ay walang pribilehiyo na magpakat ng kanilang walang hangganang paraan (unlimited) sa paglunsad ng kanilang digma. Ipinagbabawal ang paggamit ng mga sandata o pamamaraan ng digma na pangunahing naglalayong maghasik ng teror sa sibilyang populasyon at ng kanilang pag-aari, at yaong nagdudulot ng labis na pinsala o hindi kinakailangang pagdurusa ng mga sibilyan.

Ipinagbabawal din ng IHL ang walang-patumanggang (indiscriminate) atake na hindi direkta sa ispesipikong target, kung kaya’t minamandato ng batas na dapat ituon ng mga nagdidigmaang pwersa ang kanilang atake DOON LAMANG sa kanilang presisong target, at walang dapat na madamay sa mga hindi combatant o mga sibilyang hindi sangkot sa digma.

Mahaba ang dalawa’t kalahating oras na pagbobomba at istraping sa ere na isinagawa ng AFP sa Balbalan upang maglustay ng walang limitasyong bala, bomba, at mga lohistika sa digma. Malinaw itong naghasik ng teror sa mamamayang nagulantang sa kalaliman ng kanilang pagtulog at nasindak sa mga bomba, machinegun at mga jet fighter at naglagay sa kanila sa labis na panganib na sila’y matamaan sa walang patumanggang pambobomba at istraping mula sa ere sa walang katiyakang target.

Ipinagdidiinan ng batas sa digmaan na dapat pag-ibahin ng mga naglalabanang armadong puersa ang mga sibilyan sa mga combatant, at palagiang pangalagaan at huwag idamay ang mga sibilyan at huwag silang gawing target ng kanilang operasyong militar. Hindi rin pinapahintulutan ang pagsagka sa pang-ekonomiyang aktibidad at ang mga hakbanging ginugutom ang mga sibilyan.

Sa pagdakip sa siyam na sibilyan na naghanap lamang ng kanilang mga baka’t kalabaw at pagkontrol sa kanila ng pitong oras, malinaw na hindi na ipinagkaiba ng AFP ang mga ito sa kanilang armadong kalaban. Labis na pinsala ang idinulot sa kalikasan at kabuhayan ng masa ang pagkasira ng mga taniman at pastuhan at ang pagkawala’t pagkamatay ng kanilang mga alagang hayup. Ang pagsagka sa pag-asikaso sa kanilang mga sakahan at kabuhayan ay malinaw na mga hakbangin upang gutumin ang mga sibilyang masa.

Isinasaad din sa Panuntutan sa Digmaan (Rules of War) na itinakda sa Geneva Convention IV na dapat igalang ng bawat nagdidigmaang partido ang labi ng mga nasawi sa digmaan o sa bilangguan at dapat silang gumawa ng mga hakbang upang pangalagaan ang mga nasawi laban sa pagmamaltrato. Kaugnay nito, ipinagbabawal din sa CARHRIHL ang paglapastangan sa labi ng mga nasawi sa digmaan. Malinaw na tahasang paglabag dito ang ginawa ng AFP sa sobra-sobrang pamamaril sa labi ni Ka Puk-et hanggang sa pumutok ang kaniyang bituka at utak at magkaputol-putol ang mga bahagi ng kaniyang katawan.

Talamak ang kaululan ng AFP, ng Department of National Defense at maging si Bise-presidente Sara Duterte sa ipinapangalandakan nilang para sa kapayapaan ang mga marahas at kontra-mamamayang operasyong militar na ito gayundin ang pagpapasuko sa NPA at kahit sa mga sibilyang masa,

Sa nasabing operasyong militar ng AFP sa Balbalan, Kalinga, muling pinatunayan ng rehimeng US-Marcos-Duterte na wala sa hinagap nila ang tunay na kapayapaan, at ang tanging hangarin nila ay payapain ang paglaban ng masa para sa mapayapang pamamayagpag ng mga ganid na kapitalistang kumpanya sa enerhiya na kumakamkam sa ansestral na teritoryo ng pambansang minorya ng Cordillera. Layon ng marahas na operasyong militar sa Kalinga ngayon na pahupain ang paglaban ng mga tribu sa pagtatayo ng malaking dam sa Saltan River at sa nauna pang Upper Chico River Irrigation System na pipinsala sa kanilang mga sakahan at komunidad.

Ang tuloy-tuloy na militarisasyon at paglabag sa mga karapatang pantao sa mga komunidad ng Kalinga at Cordillera ay nagpapatunay sa pagiging makatarungan ng digmang bayan. Ang mga tribu ng pambansang minorya sa Kalinga at Cordillera, na napanday na sa deka-dekadang pakikibaka laban sa pang-aapi ng estado at sa pagtatanggol sa ansestral na teritoryo at sariling-pagpapasya ay hindi kailanman mapapasuko ng AFP at ng rehimeng US-Marcos. Bagkus, habang inaapi at nilalapastangan ay lalong lumalaban. Nakatitiyak ang NDF-Ilocos na sa panibagong bugso ng maigting na militarisasyon at pang-aapi ng AFP at rehimeng US-Marcos sa pambansang minorya ng Kalinga ay lalo pang paiigtingin ng NPA ang kanilang armadong paglaban upang ipagtanggol ang kanilang karapatan at sariling pagpapasya, at ito ang nararapat.

Habang umiigting ang digmaan, iginigiit ng NDFP ang pagtalima sa Internasyunal na Makataong Batas at sa CARHRIHL na nagpapahalaga sa kaligtasan ng sibilyang mamamayan sa digmaan. Lubos na sinusuportahan ng NDF-Ilocos ang pakikibaka ng pambansang minorya ng Cordillera para sa pagkilala sa karapatang pantao at sariling pagpapasya, na matatamo lamang sa pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan ng sambayanang Pilipino.#

https://philippinerevolution.nu/statements/ipaglaban-ang-karapatang-pantao-at-sariling-pagpapasya-ng-pambansang-minorya-ng-kalinga-labanan-ang-militarisasyon-at-paulit-ulit-na-paglabag-ng-afp-sa-international-humanitarian-law-at-carhrihl-pai/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.