Tuesday, February 28, 2023

CPP: Digmang bayan para sa kalayaan at demokrasya

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 28, 2023): Digmang bayan para sa kalayaan at demokrasya (People's war for freedom and democracy)
 


Communist Party of the Philippines
March 01, 2023

Simulan nating gunitain ang ika-54 na taon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng magiting na pagsusulong ng digmang bayan sa Pilipinas. Sa Marso 29, 2023, ituon nating lahat ang ating tanaw sa landas patungo sa tagumpay habang binabalikat ang mabigat na tungkulin sa pagharap sa pasistang terorismo sa ilalim ng rehimeng US-Marcos-Duterte.

Bakit may digmang bayan sa Pilipinas? Ito’y dahil hangarin ng sambayanang Pilipino na kamtin ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya para sa Inang Bayan: kalayaan mula sa paglukob ng imperyalismong US, at demokrasya mula sa tiraniya ng malalaking komprador, panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista.

Ang digmang bayan ay makabayan, rebolusyonaryo, makatarungan at tumatamasa ng malalim na suporta ng masa. Hindi ito kailanman magagapi dahil kinakatawan nito ang hangarin ng bayan. Determinasyon silang bawiin ang yaman ng Pilipinas mula sa mga dayuhang mangangamkam at mga kasabwat ng naghaharing uri, wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema sa bansa, at likhain ang maunlad at lumalagong bansa para sa mga Pilipino.

Ang tagumpay ng digmang bayan ay nakasalalay sa panlahatang pagpapakilos ng sambayanan, higit sa lahat, ng masang magsasaka. Sa pangkalahatan at esensya, ito’y isang digmang magsasakang pinamumuan ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido. Lupa ang pangunahing demokratikong kahingian ng mayorya ng sambayanan. Sa digmang bayan, ito ang mapagpasyang usapin.

Higit na malaki at makapangyarihan ang kaaway na imperyalismong US at ang papet nitong Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Hawak nito ang malalakas na sandatang eroplano, helikopter, drone, mga bomba at walang kaubusang bala. Katumbas ng lakas ng kaaway ang kanyang pasistang kalupitan. Habang ginagamit ang malalakas na sandata para supilin ang bayan, lalo niyang inihihiwalay ang sarili sa masa at itinutulak silang lumaban.

Kulang man ang sandata, taglay naman ng BHB ang hanay ng mga Pulang mandirigma na mataas ang disiplina at kamulatang pampulitika. Hindi lamang sila mga mandirigma. Sila ri’y mga duktor, titser, artista, at pwersa sa produksyon na pawang nagsisilbi sa interes ng masa. Mahigpit na pinagkakaisa ang mga upisyal at mandirigma ng demokrasya sa ekonomya, pulitika at militar. Beterano o baguhan, anuman ang kasarian o uring pinagmulan, lahat ay magiting na nakikibaka para sa kalayaan ng bayan. Buong-puso ang kanilang kahandaang magsakripisyo para paglingkuran ang masa at kamtin ang tagumpay.

Matagalan ang digmang bayan sa Pilipinas. Kailangan ang mahabang panahon para mag-ipon ng lakas ng BHB hanggang kaya na nitong gapiin ang kaaway at agawin ang kapangyarihan sa buong bayan. Sa pamamagitan ng pakikidigmang gerilya, hakbang-hakbang na inuuk-uk ang lakas ng kaaway, yugtu-yugtong nag-iipon ng lakas ng BHB, at nililikha ang kundisyon para sa tagumpay.

Dahil gutay-gutay ang malawak na kanayunan ng bansa sa maraming nahihiwalay na isla, kailangan ang panahon upang sumulong mula sa pagiging maliit at mahina tungo sa malaki at malakas sa buong kapuluan. Ang lakas ay unang ipinundar sa mas malalaking isla, at paalon na sumulong para tahiin ang mga pwersang gerilya sa maraming isla.

Pira-pirasong ginugupo ng BHB ang mas modernong hukbong inaarmasan at pinopondohan ng pinakamakapangyarihang imperyalista sa mundo. Nag-iipon sila ng pwersa para gupuin ang mahihinang bahagi ng kaaway, puksain ang mga pasista at kunin ang kanyang mga sandata at kagamitang militar. Kapag mas malakas ang kaaway, pleksibleng kumakalat ang mga pwersang gerilya upang maggawaing masa at maglipat upang hindi masubo sa labanang hindi pinaghandaan. Kahit pansamantalang iwan ang naipundar na base, titiyakin nilang yayabong at mababalikan ang nakapunlang mga binhi ng rebolusyon at makapagtatanim sa mas malawak pang masa.

Gagap ng mga Pulang mandirigma na hindi ang lakas ng sandata ang mapagpasya sa gera, kundi ang kapasyahan at hindi magagaping diwa ng mamamayan. Anupamang kakulangan sa materyal na bagay ay pinangingibabawan ng malalim na suporta ng masa, ng malawak na paglahok nila sa digma, katuwang ang kabayanihan ng mababalasik nilang mandirigma. Lahat ng pwedeng gamiting sandata—baril, itak, kahoy o bato—ay gagamitin laban sa kaaway. Ang maliit ay lalaki, at ang dambuhalang kaaway ay magagapi. Susulong at makapananaig ang sambayanang at ang kanilang hukbong bayang armado ng wastong teorya at ideolohiya. Ito ang batas ng kasaysayan ng digmang bayan, anuman ang daanan nitong liko’t ikot, pag-atras at pagsulong.

Ibayong susulong ang armadong pakikibaka kaakibat ang laganap na mga pakikibaka ng masa. Pinakasusi sa pagsulong ng digmang bayan ang mahigpit na pagkakaisa ng masa at kanilang hukbong bayan. Ang naglalagablab na apoy ng mga pakikibakang masa sa kanayunan, kasabay ng lahat ng paraan ng armadong paglaban ng mga milisyang bayan at yunit ng BHB, ang lalamon at tutupok sa pasismo ng papet na estado.

Nasa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido ang BHB. Ang wastong pamumuno ng Partido ang naghulma sa hukbong bayan, at nagpapanatili ditong tapat sa hangarin ng aping bayan para sa kalayaan at demokrasya. Tinuturuan ang mga Pulang mandirigma ng Marxismo-Leninismo-Maoismo upang gamiting gabay sa lahat ng gawain nito. Ang Partido ang bakal na gulugod ng BHB.

Sa paggunita natin ng ika-54 na taon ng BHB, ibayong patatagin natin ang ating kapasyahang lumaban. Magpunyagi sa landas ng matagalang digmang bayan. Isulong ang masaklaw at maigting na pakikidigmang gerilya sa batayan na papalawak at papalalim na baseng masa. Palakasin at palawakin ang mga yunit ng hukbong bayan at mga yunit ng milisyang bayan. Baha-bahaging bigwasan, gapiin ang palalong kaaway. Kamtin ang isanlibo’t isang tagumpay. Puspusang paglingkuran ang masa, at bagtasin ang mahabang landas tungo sa kalayaan at demokrasya!

https://philippinerevolution.nu/statements/digmang-bayan-para-sa-kalayaan-at-demokrasya/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.