April 21, 2022
Walong iligal na pang-aaresto ang isinagawa ng mga armadong pwersa ng estado sa iba’t ibang panig ng bansa sa loob lamang ng anim na araw sa kapanahunan ng Semana Santa. Lahat sila’y pinagbibintangang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at tinaniman ng ebidensya para sampahan ng gawa-gawang kasong kriminal.
Inaresto ng di bababa sa 15 yunit ng militar at pulis ang tatlong kababaihang magsasakang kasapi ng grupong Bayan Muna noong Abril 13 sa Barangay Mawaque, Mabalacat, Pampanga.
Sina Maria Teresa Buscayno, Erlinda David, at Evelyn Muñoz na pawang may edad na. Ayon sa Karapatan-Central Luzon, deka-dekada na silang nagtataguyod sa interes at kagalingan ng mga mangingisda, katutubo, manggagawang bukid, magsasaka at maralita.
Dalawang araw bago nito, inaresto habang nakapila para magpabakuna sa Parañaque City sina Ernesto Lorenzo, Maria Fe Serrano at Plinky Longhas. Si Lorenzo ay kilalang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan. Ang kasama niyang si Serrano ay asawa ng bilanggong pulitikal na si Eduardo Serrano na namatay sa kulungan dulot ng pagtangging palayain siya kahit pa ibinasura na ng korte ang gawa-gawang mga kaso laban sa kanya.
Bago sila, inaresto sa Cagayan de Oro ang lider-kabataan na si Aldeem Yanez ng Iglesia Filipina Independiente noong Abril 10. Madaling araw nang sinalakay ng mga sundalo at pulis ang bahay ng kanyang mga magulang kung saan siya nakatira.
Noong Abril 8, inaresto sa Nueva Vizcaya si Isabelo Adviento, pang-apat na nominado ng Anakpawis Partylist sa eleksyong 2022.
Sa panahon din ng Semana Santa, kinanyon ng militar ang mga sibilyang komunidad sa Palo 12, Barangay Poblacion 2, Santiago, Agusan del Norte noong Abril 15. Ito ang ganti ng mga sundalo matapos sila mabigwasan ng BHB.
Hindi pa rin inililitaw ang organisador ng Kadamay-Negros na si Iver Larit, matapos dukutin ng hinihinalang mga elemento ng estado noong Abril 5. Huli siyang nakita palabas ng kanilang bahay sa Barangay Mansilingan, Bacolod City. Matagal na siyang biktima ng panre-redtag.
Sa Southern Tagalog, ginipit ng mga sundalo ng 85th IB ang libreng klinika na inorganisa ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) sa Agdangan, Quezon noong Abril 10. Binulabog ng mga sundalo ang benyu at kinwestyon ang “ligalidad” ng aktbidad.
Samantala, kinwestyon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang agarang pagsunog (cremate) ng 1st Special Forces Battalion noong Abril 7 sa apat na bangkay ng umano’y mga myembro ng BHB na napatay sa sinasabing engkwentro sa Barangay Tikalaan, Talakag, Bukidnon.
Iniulat naman ng NDF-Eastern Visayas noong Abril 9 ang pagdakip, pagpapahirap at pagpaslang ng 20th IB kay Bryan Obin (Ka Tanel), isang dating Pulang mandirigma, sa Barangay Sag-od, Las Navas, noong Marso 12.
Sa Piat, Cagayan, pinatay ng mga sundalo ng 17th IB noong Abril 14 ang di-armadong mga myembro ng BHB na si Saturnino Agunoy (Ka Peping), at mga medik na sina Augusto Gayagas (Ka Val) at Mark Canta (Ka Uno). Bumibiyahe sila upang ipagamot si Agunoy nang harangin at patayin ng militar.
Sa Bicol, pinatay ng 49th IB si Armancio Malto, sa kanyang bahay sa Purok 5, Barangay Badbad, Oas, Albay noong Marso 27. Dinakip din nito si Maricris Reblando, residente ng naturang lugar. Inaresto naman si Franklin “Ka Drilon” Roaring, sugatan na Pulang mandirigma at residente ng Barangay Mayag sa parehong bayan.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2022/04/21/8-aresto-sa-loob-ng-6-na-araw/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.