Tuesday, March 1, 2022

CPP/NDF-Bicol: Bukas na Liham para sa mga pulis at militar

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 28, 2022): Bukas na Liham para sa mga pulis at militar (Open Letter for police and military)



NDF-Bicol 
National Democratic Front of the Philippines

February 28, 2022

Bigyan natin ng masigabong palakpakan si PNP Chief Dionardo Carlos, sa kanyang klasikong halimbawa kung paano ginagamit ng mga awtoridad at mga naghaharing uri ang kanilang mga utusan at tauhan sa PNP at AFP para sa kanilang mga pansariling mga interes.

Dahil sa kanyang halimbawa, isang patrolman ang namatay at dalawang pulis din ang nasugatan nang bumagsak ang lulan nilang helikopter upang sunduin si PNP Chief Carlos sa ekslusibo at mamahaling resort na Balesin Island sa prubinsya ng Quezon. Para sa abalang ito, sagot syempre ng PNP ang pagpalibing sa namatay na patrolman at pagpapagamot sa St. Lukes hospital ng dalawang nasugatang pulis.

Bravo! Ganito ginagamit ng mga naghaharing uri at nasa poder ang mga tulad ninyong pulis sa PNP at militar sa AFP upang ipatupad ang mga layaw nang pinagsisilbihan nilang mga panginoong maylupa, malaking burgesya kumprador at lalo na ang mga amo nilang imperyalistang US at China. Para sa mga gahamang ito papatay kayo at magpapaka-mersenaryo, itutumba ninyo ang mga nagpoprotestang mamamayang hadlang sa kanilang mga pandarambong at labis-labis na pagsasamantala. Para sa mga palalong ito, magpapakamatay kayong mga armadong pwersa matupad lamang ang mga patakaran, batas at kautusang lubusang pumapatay sa inaapi at ginugutom na taumbayan.

Ganito ninyo pinagsisilbihan sa PNP at AFP ang inyong mga amo. Hindi ba kayo nagtataka kung bakit tumaas ang mga sahod ninyo, binigyan kayo ng mga benepisyo at tinayuan pa kayo ng mga bahay? Kung bakit “minamahal” kayo ni Duterte sukat ipawalambisa ang mga batas na nagtataguyod sa karapatan ng mamamayan matapos kayong utusang Kill, kill, kill at rumagasa sa mga komunidad at imasaker ang libu-libong mamamayan?

Kayo ay mga kasangkapan lamang ng mga ulupong na nakaupo sa Malacañang. Ang mga medalyang nakamit ng inyong mga heneral ay tigmak ng dugo ng mga ordinaryong militar at pulis na isinakripisyo sa mga operasyong militar. Ang taun-taon nilang pagyaman ay dahil sa inyong pagpikit ng mata at pagtalikod habang ang kanilang mga kamay ay nakasawsaw sa malalim na balon ng kwarta. Sa pagbabantay ninyo sa mga minahan, pag-ooperasyon sa mga kabundukan upang maitayo ang mga multinasyunal na kumpanya; sa pagdedemolis ng mga komunidad, malagakan lang ng mga proyektong Build, Build, Build ang ekta-ektaryang palayan; Ang busalan ang mga bibig ng pakikibaka upang maipagpatuloy ang kanilang mga pagpapakasasa sa yamang walang tigil na dinadambong at ninanakaw mula sa nagugutom na mamamayan.

“To serve and protect” ba ikamo? Iyan ay hindi totoo sa mga ordinaryong mamamayang naghahangad ng matapat ninyong serbisyo. Ang motto na ito ay para sa inyong mga lider, sa mga naghaharing uri at nakapwesto sa poder, tulad nang ipinakitang layaw ni PNP Chief Carlos, sila ang pinagsisilbihan ninyo.

Ang tunay na pagsisilbi para sa mayorya ng mamamayan ay nakakamit nila mula sa mga tunay na hukbo ng bayan – Ang Bagong Hukbong Bayan. Sa hukbo walang puwang ang pansariling interes. Ang kalooban ng mga hukbo at Partidista ng bayan ay para sa mamamayan. Hindi nila kailangan ang mga medalya, sapat na ang pagbukas ng mga tahanan ng tao para sa kanila at ang simpleng ngiti ng pasasalamat sa kahit na maliit na ipinapakitang kabutihan ng BHB. Alam ng mamamayan na tinalikuran ng kanilang hukbo ang anumang bagay – pagtatapos sa eskwela, layaw, karera at pagpapayaman, maging ang mga sariling pamilya, makapaglingkod lamang sa pinakamamahal na mamamayan. Mulat na tinanggap ng kanilang hukbo ang sakripisyo – buhay man ay ialay, dahil sa pamamagitan nito, makakamit ng mamamayan ang nararapat para sa kanila. Ang tunay na kapayapaan hindi tulad nang sa mga sementeryo, ang tunay na katarungang pumapanig sa mga inaapi at ang tunay na kasaganaang pantay na tatamasahin ng bawat inaalipustang uri. Kasama ng BHB ang masa sa pakikibakang isinusulong nila upang mawakasan na ang pag-iral ng mga mapagsamantala.

Ito ang totoong samahan. Walang gamitan, walang panlalamang. Ang ganansya hindi lang para sa iilan kung hindi para sa higit na nakararami. Kung hindi mo na maatim ang paulit-ulit sa iyong panggagamit ng mga nasa poder, heneral at iyong presidente, bukas ang hukbo para tanggapin ka upang kasama nila, magkasabay ninyong isusulong ang rebolusyon hanggang sa tagumpay!

https://cpp.ph/statements/bukas-na-liham-para-sa-mga-pulis-at-militar/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.