Tuesday, December 7, 2021

Kalinaw News: Mga baril narekober ng kasundaluhan matapos ang engkwentro laban sa teroristang NPA

Posted to Kalinaw News (Dec 7, 2021): Mga baril narekober ng kasundaluhan matapos ang engkwentro laban sa teroristang NPA



CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Nagkasagupa ang tropa ng pamahalaan at ang mga miyembro ng komunistang teroristang grupo sa bahagi ng Sitio Salong, Barangay Tanglagan, Gattaran, Cagayan ngayong araw, ika-7 ng Disyembre taong kasalukuyan bandang alas singko ng umaga.

Habang nagsasagawa ng Focused Military Operations ang kasundaluhan ng 77th Infantry Battalion upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa nasabing lugar, bigla na lamang silang pinaputukan ng nasa limang mga miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley at agad na nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng mahigit limang minuto. Mabilis na tumakas ang mga rebelde patungong timog-silangang direksyon. Maswerte namang walang naitalang sugatan sa panig ng pamahalan habang bineberipika pa sa panig ng teroristang grupo.

Agad na isinagawa ng mga sundalo ang pagsisiyasat sa pinagpuwestohan ng mga CNTs at narekober nila ang isang carbine at dalawang springfield rifle (7.62mm) na pagmamay-ari ng mga nakasagupang CNTs.

Sinabi ni LtCol Joeboy Kindipan, Battalion Commander ng 77th Infantry Battalion na palaging handa sa pagtugon ang hanay ng kasundaluhan sa mga ipinaparating na impormasyon ng mga mamamayan ukol sa presensya ng mga teroristang grupo sa kanilang lugar. “Nakaalerto ang inyong kasundaluhan sa anumang nakaambang panganib laban sa mga mamamayan. Mananatili kaming tapat sa aming sinumpaang tungkulin na protektahan ang mga mamamayan.”

Nagbabala naman si BGen Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade na hindi titigil ang hanay ng kasundaluhan sa pagsugpo sa insurhensiya kung kaya hindi rin hahayaan na makatakas sa kamay ng batas ang mga nananatili pa ring miyembro ng teroristang grupo. “Handa ang hanay ng kasundaluhan sa probinsya ng Cagayan na tumanggap ng mga nagnanais magbalik-loob sa ating pamahalaan. Ngunit, ibang usapan na kung magpapatuloy pa rin kayo sa paghahasik ng karahasan sa Cagayan. Gagawin namin ang lahat para kayo ay mahuli at mapanagot sa ating batas.”

Nanawagan naman si MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division na huwag nang sayangin pa ng mga natitirang mga miyembro ng CTG ang oportunidad na ibinibigay ng pamahalaan upang sila ay makapagbagong buhay. “Ang kapakanan ng bawat Pilipino ang laging isinasang alang-alang ng pamahalaan. Ninanais namin na magkaroon ng mapayapa at maunlad na pamumuhay ng bawat isa. Marami na kayong mga kasamahan na nagbalik-loob at nagsimulang muli sa kanilang buhay. Gawin ninyo silang mga halimbawa. Tinitiyak namin ang inyong kaligtasan.”



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/mga-baril-narekober-ng-kasundaluhan-matapos-ang-engkwentro-laban-sa-teroristang-npa/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.