Friday, December 31, 2021

CPP/NPA-Bicol: Matapang at matatag na pagtatanggol ng BHB-Bikol laban sa mga pahabol na atake ng kaaway, dagdag kabiguang pabaon sa JTFB para sa 2022

Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Dec 31, 2021): Matapang at matatag na pagtatanggol ng BHB-Bikol laban sa mga pahabol na atake ng kaaway, dagdag kabiguang pabaon sa JTFB para sa 2022



RAYMUNDO BUENFUERZA
SPOKESPERSON
NPA-BICOL

December 31, 2021

Sa pagtatapos ng 2021, kabiguan ang pabaon ng BHB-Bikol sa 9th IDPA, PNP Region V at buong Joint Task Force Bicolandia. Tikom ang bibig at tiklop ang tuhod ngayon ng mga berdugo matapos biguin ng matatag na pagharap ng BHB ang kanilang mga pahabol na pagsalakay bago magtapos ang taon. Tampok sa mga ito ang pagtatanggol ng yunit ng Tomas Pilapil Command BHB-East Camarines Sur laban sa tangkang kubkob ng tropa ng 9th IDPA sa Sityo Campo Nueve, Brgy. Del Carmen, Lagonoy nitong Disyembre 28. Matagumpay na napaatras ng mga kasama ang umatakeng militar, nakasamsam ng apat na military packs at nakapagdulot ng dalawang sugatan at isang patay sa hanay ng kaaway. Samantala, walang kaswalti sa hanay ng BHB.

Bilang huling salvo sa patung-patong na kabiguan ng JTFB ngayong taon, hindi rin ito nagtagumpay sa pagpigil sa masang Bikolano at kanilang Pulang hukbo na ipagbunyi ang ika-53 taong anibersaryo ng PKP. Kalakhan ng mga yunit ng Partido sa lokalidad at hukbo, mga rebolusyonaryong organisasyong masa at komiteng rebolusyonaryo ay nakapaglunsad ng maliliit at malalaking pagtitipon upang gunitain ang mga pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Larawan ito ng patuloy na pakikibaka ng magigiting na Pulang mandirigma ng BHB sa ilalim ng mahigpit na pamumuno ng PKP.

Nasaan ang ipinagyayabang ng JTFB mula pa noong 2016 na dudurugin ang rebolusyonaryong kilusan sa Bikol? Hindi ba’t 53 taon nang naririnig ng sambayanang Pilipino ang hungkag na mga palugit na itong taun-taon ding binabawi at iniuurong ng AFP-PNP at mga among rehimen? Sa tagal-tagal ng panahon, batid na ng publiko na ang kanilang animo’y sirang plakang deklarasyon na mahina na ang rebolusyonaryong kilusan, walang patid na parada ng mga pekeng sumuko at iba pang pakulo ay desperadong pantabing sa katotohanang walang anumang pinatutunguhan ang kampanyang wakasan ang rebolusyon.

Kung may isang bagay na dapat nang tanggapin ang mersenaryong hukbo at naghaharing-uri sa nagdudumilat nilang kabiguan sa taong 2021 at buong panahong pagkukumahog na tuldukan ang digmang bayan, ito ay: walang sandatang higit na makapangyarihan kaysa sa kapasyahan ng mamamayan na ipagtanggol ang kanilang buhay at kinabukasan. Bilhin man nila ang lahat ng makabagong armas, palobohin nang ilang ulit ang sweldo at pabuya ng mga de-susing alagad, hindi nito kailanman matutumbasan ang pagnanais ng mamamayan na lagutin na ang tanikala ng pagkaalipin at kahirapan. Ito ang nagtutulak sa masang bumabalikwas na walang humpay na magsikhay, patuloy na magpakahusay at igpawan ang lahat ng mga balakid. Ito ang nagtutulak sa kanilang i-alay ang kanilang buong panahon at buhay para sa paglilingkod sa bayan nang walang hinihinging anumang gantimpala o pagkilala.

Sa pagpasok ng 2022, tangan ng bawat Pulang mandirigma at kumander ang mga aral sa pakikibaka at ang mas mahigpit na kapasyahang biguin ang kaaway at magkamit ng makabuluhang mga pagsulong. Ang buong-pusong pagnanais na paglingkuran ang kapwa inaapi at pinagsasamantalahan at kamtin ang tunay na kalayaan ang katiyakan na anumang gawin ng kaaway, anumang sakripisyo at kahirapan, anumang salimuot sa landas ng pakikibaka, lagi’t laging mananaig sa bawat isa ang mga dahilan upang magpatuloy at lumaban.

https://prwcinfo.wordpress.com/2021/12/31/matapang-at-matatag-na-pagtatanggol-ng-bhb-bikol-laban-sa-mga-pahabol-na-atake-ng-kaaway-dagdag-kabiguang-pabaon-sa-jtfb-para-sa-2022/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.