Wednesday, October 27, 2021

CPP/Ang Bayan Daily News & Analysis: Plantasyon ng kawayan, malaking negosyo sa tabing ng reporestasyon

Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 27, 2021): Plantasyon ng kawayan, malaking negosyo sa tabing ng reporestasyon



Balita noong Lunes ang paghingi ni Sec. Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources ng suporta sa United Nations Development Programme para sa planong pagtatayo ng mga plantasyon ng kawayan sa lahat ng lunsod at bayan sa buong bansa. Ito ay kasunod ng paglalabas ng kagawaran sa Administrative Order 2021-26 (DAO 2021-26) noong Agosto na naglatag ng mga patakaran at regulasyon sa pagtatanim, pag-ani at transportasyon ng mga kawayan sa bansa.

Pinalalabas ni Cimatu na layuning “tugunan” ng proyekto ang climate change dahil sa mataas na kapasidad ng kawayan sa pagsipsip ng karbon mula sa hangin at pagpigil sa pagguho ng lupa. Gayunpaman, huwad ang pagdadahilang ito dahil inamin din mismo niya na ang programa ay nakatuon sa pag-aani at pag-eeksport ng kawayan. Pinapaboran ng DENR ang pagtatanim ng kawayan dahil relatibong mas mabilis itong tumubo at maani (5-7 taon) kumpara sa iba pang mga puno.

Ayon sa mga upisyal sa ekonomya ni Duterte, target ng rehimen na maglatag ng 23,671 ektarya ng mga plantasyon ng kawayan sa buong bansa ngayong taon, at 40,000 ektarya sa 2022. Tumataginting na P22 bilyon ang inilaan ng rehimen ngayong taon para isakatuparan ang programang ito. Noong 2020, una nang tinukoy ng DENR ang Western Visayas bilang sentro ng produksyon ng kawayan sa bansa kung saan tinarget nitong maglatag ng 13,500 ektarya ng mga plantasyon ng kawayan.

Bahagi ang programang ito ng Enhanced National Greening Program (E-NGP) ng DENR na matagal nang nalantad bilang iskema para sa malawakang pang-aagaw ng lupa para sa contract-growing ng mga komersyal na kahoy at pananim na nakatuon sa eksport. Isa ang kawayan bilang isa sa mga pangunahing pananim sa mga erya ng E-NGP. Apat na species ng kawayan ang itinatanim sa mga plantasyon ng E-NGP: kawayan tinik, giant buho, bayog at bolo.

Ginagamit ng estado ang E-NGP para palayasin ang mga magsasaka at katutubo sa mga kinaklasipika nitong mga watershed area at kagubatan, at para kamkamin ang kanilang mga sakahan at lupaing ninuno sa ngalan ng reporestasyon. Gaya ng kalakhan ng mga kontrata sa ilalim ng E-NGP, tiyak na igagawad ang malalaking kontrata para sa pagpoprodyus ng kawayan sa mga lokal na pulitiko at kanilang mga kasosyong negosyante sa agroforestry.

Sa Mindanao, kung saan planong gamitin ang malalawak na mga watershed area para sa kawayan, ang programa ay pinangangasiwaan ng Mindanao Development Authority na pinamumunuan ngayon ng alipures ni Duterte na si Emmanuel Piñol na nasangkot sa iba’t ibang mga anomalya nang siya’y magsilbi bilang kalihim ng Department of Agriculture. Si Piñol ay tumatakbong senador sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition. Pangungunahan ng multinasyunal na kumpanyang Nestlé ang pagtatanim ng 2.5 milyong kawayan sa Mindanao. Notoryus ang kumpanya sa pagkontrol sa libu-libong ektarya ng mga taniman ng kape sa isla sa pamamagitan ng iskemang contract growing, at pambabarat sa mga magsasaka.

Noon lamang Mayo, pinangunahan ng malalaking negosyanteng nagpoprodyus ng kawayan sa Mindanao at ni Piñol ang pagkuha ng “international commodity certification” (sertipiko para ituring na “pandaigdigang kalakal”) para bigyang-daan ang malakihang pag-eeksport ng kawayan sa US para magsilbi sa industriya ng kontruksyon nito. Halos lahat ng mga mwebles na gawa sa kawayan na ineeksport ng Pilipinas ay napupunta sa US. Sa 990 metriko toneladang (MT) mwebles na gawa sa kawayan na ineksport ng bansa noong nakaraang taon, 96% (954 MT) ang napunta sa US. Mas mataas ang bolyum na ito nang higit dalawang beses kumpara sa ineksport ng bansa (398 MT) sa US noong 2019.

Noong Hunyo 2020, naglabas ng kautusan ang DENR na nag-oobliga sa lahat ng mga kumpanya sa pagmimina na magtayo ng mga plantasyon ng kawayan na katumbas ng 10% ng erya ng kanilang konsesyon sa pagmimina. Sasaklawin ng mga plantasyong ito ang mga pribadong lupain sa tabi ng mga minahan sa pamamagitan ng iskemang contract growing.

[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]

https://cpp.ph/angbayan/plantasyon-ng-kawayan-malaking-negosyo-sa-tabing-ng-reporestasyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.