Ang Bayan Daily News & Analysis (Tagalog edition) posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Oct 16, 2021): Kilusang kontra-casino sa Boracay, lumalawak
Lumalawak ang hanay ng mga kumokontra sa planong simulang operasyon ng mga casino sa isla ng Boracay at sa panukalang batas na Boracay Island Development Authority (BIDA). Nadagdagan ng mga boses ang protesta ng mamamayang Aklanon, na nagsimula noon pang maagang bahagi ng Agosto, nang magpalabas ng liham pastoral ang mga lider ng simbahang Katoliko sa Panay, Negros Occidental at Romblon.
Kabilang sa mga lumagda sa pastoral letter laban sa operasyon ng mga casino sa Boracay ay sina Archbishop Jose Romeo Lazo ng Archdiocese ng Jaro, Iloilo City; Most Rev. Marvyn Maceda, obispo ng San Jose de Antique; Most Rev. Patricio Abella, obispo ng Bacolod City; Most Rev. Louie Patalinhug Galbines, obispo ng Kabankalan City, Negros Occidental; Rev. Msgr. Cyril Villareal, diocesan administrator ng Capiz; Most Rev. Jose Corazon Tala-oc, obispo ng Kalibo, Aklan; at Most Rev. Narciso Abellana, obispo ng Romblon. Anila, “mababaw at imoral” na paraan ito ng gubyernong Duterte para lamang makalikom ng pondo para sa pambansang ekonomya at para sa pagharap sa pandemya.
Naglunsad din ng mga aksyong protesta ang mamamayan ng Aklan, kabilang ang mga upisyal ng lokal na gubyerno laban sa panukalang batas (HB 9286) na iniisponsor ni Rep. Paulo Duterte. Minamadali ni President Rodrigo Duterte ang pagsasabatas at pagbubuo ng BIDA. Bilang isang “government-owned and-controlled corporation”, pamamahalaan ng panukalang BIDA ang isla at wala nang papel ang pamahalaang pamprubinsya sa isla. Mapalalayas din dito ang mga katutubong Aeta, mga residente at lokal na mga negosyante. Nagpahayag din ng mariing pagtutol sa BIDA ang provincial board at konseho ng bayan ng Malay at iba pang bayan sa Aklan.
Ayon Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Aklan, sa gagawin ng gubyernong Duterte na eksklusibo lamang sa malalaking kapitalista at big-time na sugarol ang isla ng Boracay. Sinuportahan ng Makabayan Bloc sa Mababang Kapulungan ang pagtutol ng mga Aklanon sa BIDA. Sa harap ng malakas na pagtutol, iniatras din ni Rep. Marquez ng Aklan ang kanyang pagsuporta dito. Nagpasa naman ang Aklan Provincial Board sa regular na sesyon nito noong Setyembre 27 na humihiling kay Duterte na bawiin ang kanyang desisyong mag-opereyt ng mga casino sa Boracay. Anito, nagkakaisa sa matinding pagtutol ang mga Aklanon na gawing pasugalan ang isla ng Boracay.
Ang pagtutulak ni Duterte na pahintulutan ang operasyon ng casino sa Boracay ay kabaligtaran ng pahayag niya noong 2018 nang ipinailalim niya sa kanyang kontrol ang isla sa tabing ng “rehabilitasyon.”
Popular ang isla ng Boracay sa kanyang puting buhangin na dinadayo ng mga lokal at dayuhang turista. Malaki ang interes dito ng mga Chinese tulad ng Galaxy Entertainment Group (nakabase sa Macau) at ng malaking negosyanteng si Andrew Tan. Ang pagtatayo ng katulad na mga pasilidad sa mga isla sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas at iba’t ibang bansa ay pinaniniwalaang bahagi ng pagluluwas ng malalaking kapitalista ng kinakamkam nilang tubo.
[In the face of the rapidly changing political and economic situation in the Philippines, as well as around the world, the newspaper Ang Bayan publishes daily news and analysis on key issues facing the proletariat and the Filipino people, as well as the oppressed people among others. Here you will find the latest news and articles of Ang Bayan.]
https://cpp.ph/angbayan/kilusang-kontra-casino-sa-boracay-lumalawak/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.