Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 30, 2021): Bukas na Liham sa mga mamamayan ng Bicol National Park
CARLITO CADASPOKESPERSON
NPA-CAMARINES NORTE (ARMANDO CATAPIA COMMAND)
BICOL REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (ROMULO JALLORES COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY
JULY 30, 2021
Rebolusyonaryong pagbati at pakikiisa!
Noong Marso 26, 2021, ika-9:00 ng umaga, naganap ang engkwentro sa pagitan ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at tropa ng 9th IB Philippine Army sa Sitio Castilla, Napolidan Lupi Camarines Sur. Nagresulta ito sa pagkasawi ng isang elemento ng Philippine Army. Namartir din sa nasabing engkwentro si Alexander Vergara/Ka Zander.
Nagpupugay ang rebolusyonaryong kilusan kay kasamang Zander sa walang pag-iimbot na pag-aalay ng kanyang buhay para sa interes ng uring magsasaka at sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.
Matapos ang pangyayari ginagamit ng AFP-PNP laban sa atin ang taktika ng dahas at panlilinlang para ihasik ang takot at pagwatak-watakin ang ating hanay.
Una, ang pagdakip kay Michael Bonagua, 22 taong gulang, sibilyan, may pamilya na residente ng Sitio Castilla. Si Michael ay nasa kamay pa ng militar hanggang sa kasalukuyan at patuloy na nakadeteni sa Headquarter ng Batallion ng 9thIB PA sa Bayan ng Ragay, Camarines Sur.
Pangalawa, pinagigiba ang mga bahay malapit sa pinangyarihan ng engkwentro at pinagbawalan na rin ang mga tao magtirik ng bahay sa loob ng Bicol National Park. Nilimitahan na rin ang pagpunta sa bukid ng mga tao kung saan naroon ang kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Pangatlo, nagpapatuloy ang panunugis sa mga pinaghihinalaan ng militar na sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan.
Pang-apat, paghaharas sa mga tao sa pamamagitan ng pagpunta ng mga di-kilalang tao na umaaligid sa kanilang tahanan. Nagresulta ito sa pagkakasakit ng isang residente na kinailangan na dalhin sa pagamutan.
Kasabay nito ang mga panlilinlang at pagpapalaganap ng mga kontra-insurhensyang propaganda. Pilit na pinawawalang-saysay ang ating pagsisikap na makakamit natin ang karapatan sa buhay at kabuhayan sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at lakas. Tayong magsasaka sa Bicol National Park ay biktima ng serye ng pagpapalayas sa lupang ating binubungkal sa tabing ng pangangalaga sa kagubatan.
Habang ang malalawak na lupain ay ipinagkakaloob ng estado sa iilang malalaking burgesya kumprador-panginoong maylupa at sa mga dayuhan, tayo naman ay pinagkakaitan sa kakarampot na lupang binubungkal. Ang kampanyang kontra-insurhensya ay nagiging sangkalan ng mapang-aping estado para alisan tayo ng karapatan sa lupang ating pinagpapaguran at patuloy na linlangin ng mga pangako na tutugunan ang matagal na nating problema sa kawalan ng lupa at kabuhayan.
Itinataboy tayong parang mga hayop sa tuwing magkakaroon ng panibagong programa sa reforestation. Winawasak ang ating mga tahanan at pilit na binubura ang ating komunidad. Sa lahat ng ito walang malinaw na programa para tugunan ang kakulangan at kawalan ng lupa nating mga magsasaka.
Wala tayong maasahan kundi ang ating pagkakaisa at sama-samang pagkilos. Dapat nating ipaglaban ang ating mga karapatan sa buhay at kabuhayan. Pinatunayan sa mahabang karanasan na inutil ang reaksyunaryong gubyerno para tugunan ang matagal na nating kahilingan. Huwag tayong padadala sa mga panlilinlang ng reaksyunaryong gubyerno at paghahasik ng takot ng mga pwersa ng estado. Sa ilalim ng de facto Martial law ng rehimeng Duterte, ang mga lehitimong paglaban ng mamamayan ang itinuturing na terorismo.
Makakaasa kayo na ang Bagong Hukbong Bayan, bilang tunay na hukbo ng mamamayan ay magpapatuloy na maglilingkod sa inyo para isulong ang tunay na reporma sa lupa na lulutas sa kawalan at kakulangan sa lupa ng masang magsasaka.
Inaasahan namin na magpapapatuloy kayo sa sama-samang pagkilos at pangingibabawan ang mga balakid sa paggigiit ng inyong mga karapatan sa buhay, lupa at kabuhayan.
Lupa Para sa mga Walang lupa, Hindi ang Pagpapalayas!
Ipagtanggol ang Lupang Pinagpaguran!
Isulong ang Rebolusyong Agraryo sa Pamamagitan ng Digmang bayan!
Mabuhay ang Sambayanang Lumalaban!
Patuloy na Maglilingkod sa Inyo,
Mga kasama sa Bagong Hukbong Bayan
https://cpp.ph/statements/bukas-na-liham-sa-mga-mamamayan-ng-bicol-national-park/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.