Sunday, May 16, 2021

Tagalog News: Project SAVE, inilunsad sa San Vicente, Palawan

From the Philippine Information Agency (May 16, 2021): Tagalog News: Project SAVE, inilunsad sa San Vicente, Palawan (By Orlan C. Jabagat) 


Pinangunahan ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Provincial Director Richard M. Amparo na siya ring Chairman ng PRLE Cluster ng PTF-ELCAC ang paglulunsad ng Project SAVE sa Bgy. Kemdeng, San Vicente, Palawan kahapon. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Mayo 16 (PIA) -- Inilunsad ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster ang Sustainable Agriculture for Villa Fria/Kemdeng Enterprise o Project SAVE sa Bgy. Kemdeng, San Vicente, Palawan, kahapon.

Layon nito na mabigyan ng sustainable agriculture ang 25 katutubo ng nasabing barangay na inisyal na benepisyaryo ng nasabing proyekto.

Sa mensahe ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Provincial Director Richard M. Amparo na siya ring Chairman ng PRLEC ay kanyang inilahad ang tungkulin ng PRLEC sa pagsusulong ng mga programang tutugon sa kahirapan at pangkabuhayang problema sa komunidad.

Aniya, ang pagsasanay sa agrikultura ay isang panimulang hakbang lamang ng PRLEC upang maisakatuparan ang “village enterprise” upang magkakaroon ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan at trabaho ang mga benepisyaryo sa Bgy. Kemdeng na isang insurgency-cleared barangay.

“Magsisimula po tayo sa agriculture dahil ang isang objective ng PRLEC ay magkaroon tayo ng food security, bibigyan po natin ng mga libreng patungkol sa agrikultura tulad ng organikong pagsasaka ang mga benepisyaryo” pahayag ni PD Amparo.

“Kapag naging matagumpay na po sila sa kanilang pagtatanim at sorba-sobra na ang kanilang ani ay matutulungan naman po natin sila para sa food processing nito, kaya po masasabi nating sustainable kasi tuloy-tuloy na ang magiging pangkabuhayan nila,” dagdag pa ni PD Amparo.

Ayon naman kay Provincial Agriculturist Romeo Cabungcal, malaki ang maitutulong ng Project SAVE sa food security ng lalawigan. Aniya, malaki ang potensiyal ng Palawan sa lalo pang pagpapaunlad ng industriya ng agrikultura. Ang San Vicente, ayon sa kanya, ay mayroong mahigit sa 4,500 hectares na lupaing ginagamit sa pagsasaka at ito ay patuloy na nadadagdagan.

Lumagda din sa ‘pledge of commitment’ ang mga miyembo ng PTF-ELCAC RLE Cluster na dumalo sa paglulunsad ng Project SAVE at nangako ang mga ito ng paghahatid ng kani-kanilang serbisyo sa Bgy. Kemdeng.


Isa si Maj. Rommel M. Geli ng Marine Battalion Landing Team-3 sa mga lumagdang miyembro ng PTF-ELCAC PRLE Cluster sa pledge of commitment. (Larawan ni Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)

Ilan sa mga naipangako ng PRLE Cluster ay ang pagbibigay ng libreng pagsasanay sa pag-aalaga ng tilapia mula sa Bureau of Agriculture and Aquatic Resources (BFAR), at maging ang semilya nito ay libre ring ibibigay ng nasabing ahensiya.

Ayon naman kay Marian Concepcion ng Cooperative Development Authority (CDA) ay matutulungan nito ang mga benepisyaryo upang ma-irehistro bilang isang kooperatiba.

May inisyal na ring kagamitan na pang-agrikultura ang naibigay ng Provincial Agriculture Office sa pangunguna ni Provincial Agriculturist Dr. Romeo Cabungcal tulad ng sprayer, mga pala, pandilig, punlaan, at iba’t-ibang butong pananim.

Ang mga benepisyaryo ay kinilala sa pamamagitan ng lokal na pamahalaang barangay at National Commission on Indigenous People (NCIP).

Malugod namang tinanggap ni Mayor Amy Roa Alvarez ang grupo ng PTF-ELCAC PRLE Cluster. Aniya, ang inisyatibo ng PTF-ELCAC na paglulunsad ng Project SAVE sa kanilang bayan ay kapaki-pakinabang upang mai-angat ang kalidad ng pamumuhay ng kanyang mga kababayan sa komunidad.

Binisita rin ng mga miyembo PTF-ELCAC PRLEC ang lugar kung saan ipatutupad ang programang Project SAVE.

Ang PRLE Cluster ay pinamumunuan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ilan pa sa mga miyembro ng PRLEC na dumalo sa paglulunsad sina Maj. Rommel M. Geli ng Marine Battalion Landing Team-3, Rejan Valdez ng Provincial Social Welfare and Development Office, PLTCOL June Rian ng Philippine National Police, Emma F. Quillope ng Department of Trade and Industry, mga representante mula sa DPWH-1st DEO, DOST, NCIP, PCA, PIA, Municipal Local Government Operations Officer Rustico Dangue at iba pang kinatawan ng lokal at nasyunal na pamahalaan.

Nasa aktibidad rin ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga Punong Barangay. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)

https://pia.gov.ph/news/articles/1075292

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.