Monday, February 1, 2021

CPP/NDF-Bicol: Parlade at NTF-ELCAC, ang palpak, magastos at masugid na makinarya ng fake news ng rehimeng US-Duterte

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 1, 2021): Parlade at NTF-ELCAC, ang palpak, magastos at masugid na makinarya ng fake news ng rehimeng US-Duterte

MA. ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICO
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

FEBRUARY 01, 2021



Kahit sa gitna ng pandemya at matinding krisis, pinanggigigilan ng butangerong si Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. at ng NTF-ELCAC ang mamamayang mapangahas at matapang na lumalaban sa diktadura. Hindi pa natatapos ang buwan, kitang-kita na kung saan inaaksaya ng naturang task force ang P19 bilyong pondo nito. Kabilang na rito ang enggrandeng programa sa Maynila at sa iba pang prubinsya upang iparada ang mga pekeng pinasukong NPA at tuluy-tuloy na red-tagging sa mga unibersidad at iba pang progresibong organisasyon at indibidwal. Ngunit malinaw sa mamamayang Pilipino ang katotohanan: hindi sila mapapakain, mababakunahan o matutulungang makaahon mula sa sunud-sunod na sakuna ng mga pekeng balita at pananakot ng pasistang estado.

Mismong si Parlade at ang NTF-ELCAC ang gumagatong sa obhetibong kondisyon upang magngalit ang mamamayan, sa loob at labas ng bansa, sa diktadura ng rehimeng US-Duterte. Palaki nang palaki ang inaaning suporta ng masang Pilipinong nagpupunyagi para sa demokrasya hanggang sa ibayong dagat. Hindi napigilan ng mga junket ng NTF-ELCAC sa ibayong dagat at sa loob ng bansa ang pagkilala ng mga institusyong nagtataguyod ng karapatang tao, akademiko, European Union (EU) at ng iba pang lokal at pandaigdigang organisasyon sa malubhang kalagayan ng karapatang tao sa bansa. Kamakailan nga lamang, umikot si Parlade sa Sorsogon upang iparada ang mga pekeng pinasukong NPA at patuloy na magpakalat ng mga pekeng balita at sindakin ang masang Bikolano.

Hindi tinakot ng red-tagging ang mamamayan, bagkus higit na lumakas ang kanilang pagkakaisa. Sa halip na maihiwalay ang rebolusyonaryong kilusan, lalong napalapit dito ang masang api at pinagsasamantalahan dahil nabatid nilang makatwiran at makatarungang lumaban. Kaya ilang beses mang ipahayag ng AFP-PNP-CAFGU at iba pang ahensya ng sibilyang junta ni Duterte na nalulusaw na ang mga sonang gerilya sa dami ng diumano’y sumusukong NPA at opensiba ng militar, sila rin naman ang nabibigwasan at nailalantad bilang mga hibang at sinungaling.

Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Bikolano na magpatuloy sa pagkakaisa at pagpapalakas ang panawagan para sa pagbuwag ng NTF-ELCAC, pagbasura sa EO 70 at mga kahalintulad na batas at tuluyang pagtuldok sa diktadura ng rehimeng US-Duterte. Ang mga krimen ni Duterte bilang commander-in-chief at tagapangulo ng NTF-ELCAC ay isa sa isang libo’t isang dahilan bakit dapat wakasan na ang kanyang paghahari-harian. Magpakailanma’y kasama ng mamamayan ang rebolusyonaryong kilusan sa bawat hakbang tungo sa pagkamit ng tunay na panlipunang pagbabago.

https://cpp.ph/statements/parlade-at-ntf-elcac-ang-palpak-magastos-at-masugid-na-makinarya-ng-fake-news-ng-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.