Sunday, January 24, 2021

Kalinaw News: Labi ng estudyante na miyembro ng teroristang NPA narekober sa Baggao, Cagayan

Posted to Kalinaw News (Jan 24, 2021): Labi ng estudyante na miyembro ng teroristang NPA narekober sa Baggao, Cagayan



CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Narekober ng 501st Infantry Brigade at ng PNP Region 2 ang labi ng isang miyembro ng teroristang NPA sa Sitio Kapanisuwan, Barangay Bitag Grande, Baggao, Cagayan noong ika-23 ng Enero taong kasalukuyan.

Ibinahagi ng isang dating rebelde ang naturang impormasyon na kaagad inaksyonan ng kasundaluhan na nagresulta sa pagkakadiskubre sa mga labi ni Justine Bautista alyas Aira, Medical Officer at Political Guide ng Northern Front Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley at dating estudyante ng Cagayan State University. Bago pa man sumampa sa armadong kilusan si alyas Aira ay naging miyembro siya ng Kabataan at College Editor’s Guild of the Philippines.

Ayon sa dating rebelde, basta na lamang inilibing ng mga kasamahang NPA ang bangkay ni alyas Aira matapos mamatay sa engkwentro noong June 25, 2017 sa isinagawang pagsalakay ng NPA/Northern Front sa kampo ng militar sa San Jose, Baggao.

Nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa mga kamag-anak ni alyas Aira. Inihayag din ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID ang kanyang kasidhian sa teroristang NPA. “Nakakalungkot isipin na matapos masawi si alyas Aira ay inilibing lamang siya ng hindi nabibigyan ng disenteng burol. Ang masama pa rito, ay anak siya mismo ng kumander ng NPA na gumagalaw sa Cagayan. Ito ang naging resulta ng panlilinlang ng mga rebeldeng CPP-NPA sa mga kabataan at mga estudyante. Sana ay wala ng kabataang matulad sa sinapit ni alyas Aira dahil sa pagsanib sa NPA.”

Dagdag pa ng heneral na ito ay isa lamang sa mga patunay na hindi binibigyan ng kahalagahan ng kilusan ang pagkatao ng kanilang mga kasapi. Walang patutunguhan ang kanilang ipinaglalabang idelohiya kundi ang katapusan. “Hinihikayat ko ang mga nalalabi pang mga kasapi ng CPP NPA na magising na sa katotohan at bitawan ang panlilinlang ng kilusan. Bumaba na kayo at yakapin ang tunay na demokrasya at makiisa bilang iisang lahing Pilipino. Nakaantabay ang tunay na pamahalaan sa inyong muling pagbabalik.”

Pinasalamatan din ni MGen Mina ang dating rebeldeng nakipagtulungan sa tropa ng pamahalaan upang mahukay ang labi ng dati niyang kasama upang mabigyan ng disente at maayos na libing.

Ang paghuhukay sa mga labi ni alyas Aira ay nasaksihan din ng mga opisyales ng barangay. Sa ngayon ay dinala na sa Regional Crime Laboratory Office 02 ang labi ni alyas Aira para sa karagdagan pang pagsisiyasat.



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/labi-ng-estudyante-na-miyembro-ng-teroristang-npa-narekober-sa-baggao-cagayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.