Tuesday, October 6, 2020

26 rebel returnees in Aurora receive livelihood aid from DTI

From the Philippine Information Agency (Oct 6, 2020): 26 rebel returnees in Aurora receive livelihood aid from DTI (By Marie Joy S. Carbungco)

BALER, Aurora, Oktubre 6 (PIA) -- May 26 dating rebelde mula sa Aurora ang nakinabang sa ayudang kaloob ng Department of Trade and Industry o DTI bilang bahagi ng programang Pangkabuhayan para sa Pagbangon at Ginhawa.

Ayon kay DTI Provincial Director Edna Dizon, bahagi rin ang nasabing ayuda na kinabibilangan ng tatlong biik at 60 sisiw, sa mga inisyatibo ng End Local Communist Armed Conflict o ELCAC para muling makabalik sa lipunan ang mga dating rebelde.

Aniya, makatutulong ang programa sa layunin ng DTI na makalikha ng mas maraming negsoyo at oportunidad para sa hanapbuhay.

Samantala, sa ngalan ng kanyang mga kapwa benepisyaryo, nagpahayag ng pasasalamat si Ka Bert sa natanggap na tulong.

Aniya, malaking tulong ang ayudang natanggap mula sa pamahalaan para muling makapaghanapbuhay at makapagbagong buhay ang mga katulad niyang nagbalik loob sa pamahalaan.

Nagpasalamat naman si 91st Infantry Battalion o 9IB Commanding Officer Lt. Col. Reandrew Rubio sa DTI at iba pang mga ahensya para sa masigasig na pagsuporta sa mga dating rebelde na nagnanais umunlad ang pamumuhay.

Aniya, laging nakahandang tumulong at sumuporta ang 9IB sa mga programa ng pamahalaan na magdudulot ng kapayapaan at kaunlaran sa kanilang nasasakupan.

Gayundin, kinilala ni 7th Infantry Division Commander Major General Alfredo Rosario Jr. ang kontribusyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagtulong sa mga dating rebelde na mabuo ulit ang kanilang buhay matapos ang kanilang pagsuko sa gobyerno.

Umaasa din aniya ang pamahalaan na pagyayamanin ng mga benepisyaryo ang ayudang natanggap para mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Siniguro din niya na buo ang suporta ng kasundaluhan at iba pang miyembro ng Task Force ELCAC upang mabigyan ang mga dating rebelde ng buhay na naiiba sa nakasanayan nila sa mga kabundukan. (CLJD/MJSC-PIA 3)


https://pia.gov.ph/news/articles/1055286

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.