LUNGSOD NG COTABATO, Agosto 19 (PIA) – Isinagawa kamakailan ng Ministry of Interior and Local Government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MILG-BARMM) ang dalawang araw na Joint Simulation Exercise and Incident Command System para sa senior commanders ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Ito ay inorganisa ng MILG sa pamamagitan ng BARMM Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (READI) simula Agosto 15 hanggang 16 sa Camp Siongo Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ang nasabing aktibidad ay tinawag na “Sindaw nu Kalilintad” at dinisenyo upang magtipun-tipon ang mga miyembro at mga opisyal ng BIAF ng Moro Islamic Liberation Front (MILF-BIAF) at 6ID.
Sa pamamagitan ng aktibidad ay napalalakas ang kapasidad sa pagresponde sa mga emerhensya at naisusulong ang kooperasyon ng bawat isa.
Samantala, sinabi ni MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo na ang Joint Simulation Exercise sa pagitang ng MILF-BIAF at ng 6ID ay pagkakataon para sa parehong organisasyon hindi lamang upang epektibong talakayin ang mga pamamaraan sa pamamahala tuwing may sakuna kundi isa rin aniya itong pagkakataon upang magtulungan na talunin ang pandemya at isulong ang kapayapaan sa rehiyon at sa bansa.
Dagdag ni Sinarimbo, ang Sindaw nu Kalilintad ay ang paraan ng Pamahalaan ng Bangsamoro upang ipahayag ang taos-pusong hangarin upang wakasan ang dekadang labanan. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.