Saturday, August 1, 2020

Tagalog News: IP Community Enhancement Program, inilunsad sa Floridablanca

From the Philippine Information Agency (Aug 1, 2020): Tagalog News: IP Community Enhancement Program, inilunsad sa Floridablanca (By Marie Joy S. Carbungco)

FLORIDABLANCA, Pampanga, Agosto 1 (PIA) -- Dinala ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang mga programa at serbisyo sa barangay Mawacat sa bayan ng Floridablanca sa Pampanga sa paglulunsad ng programang Indigenous Community Enhancement.

Bahagi ang nasabing inisyatibo, sa ilalim ng Poverty Reduction, Livelihood, and Employment Cluster o PRLEC ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict o PTF-ELCAC, sa pagsisikap ng pamahalaang tugunan ang sanhi ng mga insureksyon at terorismo sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga ahensya ng pamahalaan upang ihatid ang kanilang mga programa sa mga katutubong komunidad.

Ayon kay PRLEC Head at Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Provincial Director Eric Ueda, layunin ng aktibidad na mas mapahusay ang komunidad ng mga katutubong Aeta sa Mawacat at pigilan silang sumama sa mga komunista at teroristang grupo.

Aniya, walang dahilan ang mga nasa komunidad na sumama pa sa mga nasabing grupo dahil ibinibigay na ng pamahalaan ang lahat ng maaaring makatulong sa mga nasa katutubong pamayanan.

Bahagi ng aktibidad ang pagtatanim ng mga prutas tulad ng rambutan, lanzones, mangga, kape, cacao, niyog, at guyabano; at mga gulay tulad ng sili at talong.

Kasama din sa paglulunsad ang pagkakaloob sa komunidad ng mga pangunahing serbisyo ng mga ahensya tulad ng mga gamit pang-agrikultura, programang pang-iskolar, pagsasanay sa pangkabuhayan, rehabilitasyon ng daan, at pagrerehistro ng mga lokal na kooperatiba. 


Tinanggap ni Mawacat Punong Barangay Marilou Bacani ang mga programa at serbisyo mula sa iba't ibang mga ahensya ng gobyerno bilang bahagi ng paglulunsad ng programang Indigenous Community Enhancement. Ang nasabing aktibidad ay inisyatibo sa ilalim ng Poverty Reduction, Livelihood, and Employment Cluster ng Pampanga Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict. (Marie Joy S. Carbungco /PIA 3)

Ayon kay Board Member Rolando Balingit, na kinatawan ni Gobernador Dennis Pineda, ang pagsasama-samang ito ng mga ahensya ng pamahalaan ay isang napakalaking proyekto upang maabot ang mga tao at maipadama sa kanila ang tunay na diwa ng serbisyo publiko.

Tiniyak din niyang patuloy ang pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng mga programa sa kalusugan, edukasyon, at kabuhayan, upang makinabang ang taumbayan.

Sa ngalan ng pamahalaang bayan, pinasalamatan naman ni Municipal Administrator Tito Mendiola ang mga ahensya sa pagbibigay pansin sa kondisyon ng mga katutubo at sinabing umaasa siyang magkaroon ng mga kahalintulad na programa sa hinaharap.

Para sa kanyang bahagi, pinasalamatan ni Mawacat Punong Barangay Marilou Bacani si Pangulong Duterte at ang lahat ng mga ahensya na nagbigay ng kanilang tulong sa pag-abot sa kanila kahit na nasa kabundukan sila.

Siniguro din niyang magiging kakampi sila ng pamahalaan sa paglaban sa terorismo at insureksiyon, at sinabing hindi sila sasama sa mga makakaliwang grupo dahil ibinibigay naman ng pamahalaan ang lahat ng kanilang mga pangangailangan.

Inaasahang nasa higit 80 pamilya ang makikinabang sa nasabing proyekto. (CLJD/MJSC-PIA 3)


Nagtanim ng mga prutas at gulay ang mga miyembro ng Poverty Reduction, Livelihood, and Employment ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Barangay Mawacat sa Floridablanca, Pampanga bilang bahagi ng paglulunsad ng programang Indigenous Community Enhancement. (Marie Joy S. Carbungco /PIA 3)

https://pia.gov.ph/news/articles/1049212

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.