GAMU, Isabela, Hunyo 14 (PIA) - - - Narekober ang dalawang improvised shotgun na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga miyembro ng Regional Sentro De Grabidad, Komiteng Rehiyong-Cagayan Valley (RSDG,KRCV) sa San Mariano, Isabela noong ika-6 ng Mayo.
Ito ay resulta nang puspusan at patuloy na pagpapatupad ng Executive Order No. 70 o Ending Local Communist Armed Conflict (ELCAC) ng mga kasundaluhan ng 95th Infantry (Salaknib) Battalion, Philippine Army kasama ang ilang tropa ng Marine Battalion Landing Team 10 at ng 54th Infantry (Magilas) Battalion.
Ayon kay LTC Gladiuz C Calilan, commander ng 95IB, ang pagkarekober ng nasabing mga baril at mga bala ay dahil sa patuloy na pagsuporta at kooperasyon ng komunidad ng San Mariano at mga karatig-bayan nito sa kasundaluhan upang tapusin ang terorismo sa Lambak ng Cagayan.
Ayon kay Brigadier General Laurence E Mina, commander ng 502nd Infantry Brigade, namulat na ang mga kababayan natin sa mga kasinungalingan at panloloko ng mga komunistang NPA sa mga nasabing lugar na siyang nagresulta ng agarang pagkabuwag ng Central Front ng Komiteng Rehiyong Cagayan Valley.
Ipinapaabot naman ni MGen Pablo M Lorenzo, commanding officer ng 5th Infantry Division, Philipine Army, ang mensahe ng ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) noong ika-12 ng Mayo 2020 na may dalawang milyong pabuya sa sinumang makapagbigay ng impormasyon sa presensya at pagkadakip o neutralisa ng mga matataas na pinuno ng komunistang NPA, katulad nina EVANGELYN RAPANUT aka Chat/Marsha (Secretary ng KR-CV) sa Cagayan Valley; SIMON NAOGSAN SR aka Filiw (Secretary ng ICRC); JACINTO FARODEN aka Digbay na may mahigit limang milyong patung sa ulo at pawang gumagalaw sa Rehiyon ng Cordillera. Sila ay binansagang utak ng mga naganap na terorismo sa buong rehiyon ng Cagayan Valley at Cordillera.
Pinuri ni Lorenzo ang kanyang kasundaluhan kabilang ang mga sibilyan sa pakikipagtulungan at pakikiisa nila kung kaya patuloy ang pagbagsak ng KR-CV ng CPP-NPA sa Lambak ng Cagayan.
Pinapaabot din niya ang kanyang mensahe sa mga kasapi ng komunistang grupo na magbalik-loob at huwag nang hayaang mawasak o masira ng maling ideolohiya ang kanilang buhay habang may pagkakataon.
"Ang ating pamahalaan ay laging handang tulungan kayo sa inyong pagbabagong buhay kasama ang inyong mga pamilya at nang makatamtan niyo ang tunay na kapayapaan," ani Lorenzo.
Dagdag pa ni Lorenzo na may Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) bilang programa ng ating pamahalaan sa bawat rebeldeng magbalik-loob na syang magsilbing lunas sa pagiging biktima ng maling ideolohiya at bilang panimula ng panibagong buhay kagaya ng mga naunang tinalikuran ang pakikibaka at tinatamasa ang mga nasabing programa kasama ang kanilang mga pamilya. (MDCT/PIA-2)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.