Thursday, December 19, 2019

Retooled Community Support Program immersion, idinaos sa San Jose

Posted to the Philippine Information Agency (Dec 19, 2019): Retooled Community Support Program immersion, idinaos sa San Jose (By 4th Infantry Battalion, 2 ID)


Pinangungunahan ni Governor Eduardo Gadiano (kaliwa) ang pamamahagi ng food packs sa mga residente ng Sityo Danlog Brgy Monteclaro ng bayan ng San Jose. Ang mga katutubong residente sa nasabing sitio ay kabilang sa mga hinihikayat ng NPA upang sumali sa kanilang hanay. (4th Infantry Battalion, 2ID)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Dis. 19 – Matagumpay na idinaos sa pangalawang pagkakataon ang Retooled Community Support Program (RCSP) immersion sa Sitio Danlog, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro noong Disyembre 11-14.

Ang RSCP ay isa sa mga konsepto ng Executive Order 70 ng ating pangulo na naglalayong gamitin ang lahat ng ahensya ng gobyerno pati mga pribadong sektor para tapusin ang lokal na insurhensya sa ating bansa. Ang RCSP Team ay isang mekanismo ng Municipal Task Force to End Local Communist Armed Conflict (MTF-ELCAC) na pinamumunuan ng Punong Bayan na kung saan ay aalamin ang mga isyu na kinakaharap ng isang lugar at malaman kung paano ito matugunan.

Nangyari ang nasabing aktibidad sa pagtutulungan ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) Occidental Mindoro sa pamumuno ni Governor Eduardo B. Gadiano at MTF-ELCAC San Jose sa pamumuno naman ni Mayor Romulo DM Festin kasama ang ilang mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan at lokal na pamahalaan (LGU) ng San Jose tulad ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at katuwang na tanggapan sa munisipalidad (MSWDO), Provincial at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO at MDRRMO), Indigenous Peoples Affairs Office (IPAO), Office of the Provincial at Municipal Agriculturist (OPA) at katuwang na tanggapan sa munisipalidad (MAO), Municpal Engineering Office (MEO) at Municipal Civil Registrar (MCR). Kabilang din ang mga ahensya ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Education (Dep-Ed), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), PhilHealth, Philippine National Police (PNP) at ang tropa ng 4th Infantry (Scorpion) Battalion na pinamumunuan ni LTC Alexander M. Arbolado.

Sa loob ng dalawang araw ay nakatanggap ang mga residente ng Sitio Danlog ng libreng pagsusuri sa kalusugan na may kasamang libreng gamot, programa para sa kabuhayan, ibat-bang uri ng pananim at mga gamit sa pagtatanim, libreng pagkain at Noche Buena gift packs.

Inalam din ng RCSP Team ang mga pangangailangan sa iba’t-ibang sitio ng Monteclaro tulad ng pagkakaroon ng hanging bridge, pagkumpuni sa naunang tram line na nakatayo na doon para sa produkto at tao, pagkakaroon ng malinis na pagkukunan ng maiinom na tubig, irigasyon para sa kanilang mga sakahan at pagkakaroon ng Sitio Development Plan na tiniyak ng butihing Gobernador kasama ang mga empleyado ng LGU San Jose na agad nilang aaksyunan.

Malaki ang naging pasasalamat ng mga residente ng nasabing barangay sa pamumuno ni Kapitan Bon Joseph Ortelano sa mga biyayang kanilang natanggap.

Kung tuloy-tuloy ang pagtutulungan ng lahat ng ahensya ng gobyerno, kasama ang pribadong sektor, para matugunan ang mga isyu at pangangailangan ng ating mga kababayan lalong-lalo na ng mga katutubo (na siyang laging ginagamit at hinihikayat ng mga komunista) ay hindi malayong makamit ng Task Force ang layunin nito at tuluyang wakasan ang insurhensya sa bansa. (4th Infantry Battalion, 2ID)

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.