Sunday, July 7, 2019

CPP/Ang Bayan: 1 pinatay, 13 iligal na inaresto sa Negros

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 7, 2019): 1 pinatay, 13 iligal na inaresto sa Negros

Patuloy pa rin ang paghahasik ng lagim ng pinagsamang pwersa ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga paramilitar sa isla ng Negros sa bisa ng Memorandum Order No. 32 at Joint AFP-PNP Campaign Plan Kapanatagan ni Rodrigo Duterte. Sa loob lamang ng tatlong araw nakapagtala ang mga grupo sa karapatang-tao ng 13 kaso ng iligal na pag-aresto at isang pagpaslang.

Noong Hunyo 27, binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin si Lito Itao, awditor ng Guihulngan City Habal-habal United Operators and Drivers Association at punong barangay tanod ng Barangay Buenavista. Si Itao ang ika-67 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa Negros sa ilalim ni Duterte. 

Mula Hunyo 26 hanggang Hunyo 27 magkakasunod na pag-aresto ang isinagawa ng magkasanib na tropa ng 62nd IB at PNP sa mga komunidad ng Negros Occidental sa tabing ng Synchronized Enhanced Management of Police Operations (SEMPO).

Nagsimula ang pag-atake noong hatinggabi ng Hunyo 26 hanggang alas-3 ng madaling-araw noong Hunyo 27. Inaresto sa mga operasyong ito ang mag-asawang sina Francisco at Kapid Alabangan sa Barangay Mansalanao, La Castellana; si Jorex Escapalao sa Hacienda Raymunda, Barangay Kapitan Ramon, Silay City; pastor ng UCCP na si Jimmy Teves at mga magsasakang sina Jodito Montecino, Eliseo Andres, JP Romana, Rodrigo Medes at Roger Sabanal sa Barangay Buenavista, Himamaylan.
 
Noong Hunyo 28, dinakip din ang mga magsasakang sina Rea Casido, Teodor Casido, Danny Casido at Venancio Cadeliña sa Barangay Lamogong, Manjuyod. Sila ay inaakusahang mga myembro at tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan. 

Dinukot naman ng limang armadong kalalakihan si Arnaldo Namu sa kanyang bahay sa Barangay Mansalanao, La Castellana, alas-dose ng hatinggabi noong Hunyo 27. 

Mula Hunyo 17 inokupa ng mga sundalo ng 62nd IB ang mga barangay ng Mansalanao, Camandag, Manghanoy at Sag-ang sa bayan ng La Castellana. Okupado rin ng militar ang Barangay Macagahay sa bayan ng Moises Padilla at Barangay Planas sa Guihulngan City. 

Samantala, mahigit 2,000 residente ang nagbakwit mula sa mga barangay ng Bantolinao, Salvacion, Candabong, Butong at Lamogong sa Manjuyod noong Hunyo 23 dahil sa operasyong militar sa kanilang mga komunidad. Ayon sa mga residente, nakarinig sila ng putukan noong gabi ng Hunyo 22, kung saan isang sibilyan ang naiulat na nasawi. 

Sa Camarines Sur, pinatay sa pamamaril si Albert Caballero Villarete noong Hulyo 2 habang sakay ng kanyang motorsiklo patungong Barangay Sta. Cruz, Caramoan. Nakilala ang suspek na si Randy Santileses na myembro ng CAFGU at hawak ng 83rd IB. 

Kilala si Villarete sa kanyang progresibong tindig at paglahok sa anti-pasistang mga pagkilos sa lugar. 

Samantala, noong Hunyo 29, walang-awang pinaslang ng magkasamang pwersa ng 4th IB at PNP si Prente “Lolo Printis” Gutierez, 80-taong gulang na magsasaka sa Sityo Cambiswer 1, Barangay Poblacion, Calintaan, Occidental Mindoro. Si Gutierez ay bantog na lider ng lokal na simbahan sa Calintaan. Pinalalabas ng AFP at PNP na kasapi siya ng BHB sa kabila ng kanyang edad. 

Pinamunuan ni Lt. Col. Alexander Arbolado ng 4th IB at PCpt. Ariel Roldan ang operasyon.
Bago ito, dinumog ng pwersa ng 203rd Brigade, 4th IB, 76th IB at PNP Oriental Mindoro ang mga komunidad ng Mangyan sa Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Hanggang sa kasalukuyan ay hinaharang ng militar ang mga ayuda para sa mga residente. Noong Hulyo 3, nag-ulat ang mga residente ng Barangay San Cristobal, Victoria, Oriental Mindoro na dalawang beses na nagpalipad ang 203rd Brigade ng drone sa kanilang komunidad at limang beses silang binomba at inistraping. 

Sa Quezon, iligal ding inaresto ng 85th IB si Crispin Gonzales, magsasaka, at si Albert Julita, manggagawa sa konstruksyon, sa Barangay San Francisco B, Lopez noong Hunyo 23. Noong Hulyo 3, binugbog at dinukot ng parehong yunit ng militar si Rico Quidor at isa pang magsasaka naman mula sa Vista Hermosa, Macalelon. 

Samantala, ligalig ang dulot ng patuloy na militarisasyon ng mga komunidad sa mga bayan ng Catanauan, General Luna, Lopez at Macalelon. Ayon sa mga residente, sapilitang pinapasok at hinahalughog ng militar ang kanilang mga kabahayan. 

Sa Bukidnon, inaresto ng PNP si Jun Guianaonao, tagapangulo ng KASAMA-Bukidnon at Ronnie Estonzo noong Hunyo 19 sa Valencia City. 

Iniulat naman noong Hunyo ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL)-Nueva Ecija ang panghahalihaw ng mga pwersa ng 69th IB, 91st IB at 84th IB sa barangay Putlan, Caranggalan; 32 barangay sa Guimba; at Barangay San Antonio, Cuyapo. 

Sa Cagayan de Oro at Cebu, tuluy-tuloy pa rin ang Red-tagging laban sa mga aktibista, abugado at tagapagtanggol ng karapatang tao. Kabilang sa mga pinakabagong kaso ang muling pagbabanta kay Beverly Musni at Dr. Phoebe Zoe Sanchez nitong Hunyo.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/2019/07/07/1-pinatay-13-iligal-na-inaresto-sa-negros/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.