Thursday, March 7, 2019

Tagalog News: Romblon, ideneklarang 'Insurgency-Free Province' ng AFP

From the Philippine Information Agency (Mar 7, 2019): Tagalog News: Romblon, ideneklarang 'Insurgency-Free Province' ng AFP



Nilagdaan ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ni Governor Eduardo C. Firmalo ang Memorandum of Understanding (MOU) bilang patunay na Insurgency-Free Province na ang Romblon.(Dinnes Manzo/PIA-Romblon)

ODIONGAN, Romblon -- Opisyal ng idineklara noong Peb 22 ng Armed Forces of the Philippines bilang Stable Internal Peace and Security (Insurgency-Free) na ang lalawigan ng Romblon.

Naging highlight sa naturang seremonya ang pagbasa at paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at lalawigan ng Romblon, gayundin ang pagkakaloob ng sertipiko ng pagkilala sa probinsiya sa ilalim ng pamumuno ni Governor Eduardo C. Firmalo.

Ayon kay MGen. Gilbert Gapay, taong 2009 pa ng huling magkaroon ng sightings ng mga miyembro ng rebeldeng New People's Army (NPA) sa probinsiya ng Romblon at matapos aniya ng 10 taong pag-validate sa request ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) na gawing insurgency-free ang probinsya ay tuluyan ng natupad ito.

Dapat aniyang ipagmalaki ito ng probinsya dahil sa Southern Luzon, ang Romblon pa lang ang kanilang naidedeklara na insurgency-free province.

Pinasalamatan din ni MGen. Gapay ang Provincial Peace and Order Council (PPOC) sa pangunguna ni Governor Eduardo C. Firmalo na nagsumikap at nagtaguyod para maging rebel-free ang lalawigan.

Sa pahayag ni Governor Firmalo, sinabi nito na malaking tulong sa turismo at ekonomiya ang pagiging 'insurgency-free' at 'drug cleared' province ng lalawigan ng Romblon.

Aniya, hindi matatakot o mangangamba ang mga turistang bumibisita sa lalawigan sapagkat alam nilang ligtas sila kapag nasa lupain o karagatan sila na sakop ng Romblon.

Hinikayat naman ni MGen. Gapay ang publiko na maging mapagmatyag kung sakaling may makita na hindi familiar ang mukha sa kanila o di kaya ay magsumbong sa mga kapulisan ng Romblon Police Provincial Office kung sakaling may matanggap silang impormasyon na may pumasok na NPA sa kanilang lugar.

Sinagot naman ni MGen. Gapay na kung sakaling magkaroon ng sighting ng NPA sa Romblon, hindi naman aniya agad-agad tatanggaling ang titulong 'insurgency-free' ang probinsya kundi idadaan pa sa verification ang nasabing report.

Sa huling bahagi ng seremonya ay nagkaroon ng pulong balitaan kung saan isa-isang sinagot ng mga opisyal ang katanungan ng mga lokal na mamamahayag.

Ang deklarsayon ay pinangunahan nina Secretary Jose Maria Nicomedes Hernandez, Presidential Adviser for Southern Tagalog; MGen. Gilbert Gapay, Commander ng AFP Southern Luzon Command; Police Director Ericson Velasquez, Directorate for Integrated Police Operations ng Southern Luzon; MGen. Rhoderick Parayno, Commander ng Joint Task Force Katagalugan; Romblon Governor Eduardo Firmalo; at Chief Supt. Tomas Apolinario Jr, Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA.
 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.