Saturday, March 23, 2019

NDF: Engkwentro sa pagitan ng NPA at AFP, isang sundalo patay

Propaganda press release posted to the National Democratic Front Philippines (NDFP or NDF) Website (Mar 23, 2019): Engkwentro sa pagitan ng NPA at AFP, isang sundalo patay

PRESS RELEASE
March 19, 2019



Patay ang isang sundalo bukod pa sa di mabilang na sugatan sa naganap na engkwentro sa pagitan ng New People’s Army at 85th IBPA noong hapon ng Marso 8, 2019 sa Sityo Tanauan, Barangay Villa Nacaob sa bayan ng Lopez.

Mag-iisang linggo nang nag-ooperasyon ang mga sundalo sa naturang barangay nang makasagupa ang isang yunit ng NPA sa ilalim ng Apolonio Mendoza Command. Walang naitalang kaswalti sa tropa ng pulang hukbo.

Simula Pebrero, tinambakan na ng mga sundalo ang mga baryo sa Macalelon, Lopez at Gumaca. Layunin nilang ipatawag sa kampo ang mga taumbaryo para pasukuin ang mga hinihinalang may kaugnayan sa CPP-NPA.

Ayon kay Ka Cleo del Mundo, tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command-NPA, ay hindi na bago ang pagiging militarisado ng kanayunan ng Quezon. “Pinatindi nga lamang ngayon ang pandarahas sa mga magsasaka alinsunod sa utos ni Duterte na lipulin ang NPA hanggang kalaghatian ng taon.”

“Ang karamihan sa iniuulat ng AFP na 608 na rebel returnee mula Enero ay yaong mga pangalan ng magsasakang arbitraryong inilagay nila sa pekeng listahan. Mas maraming lista, mas malaking perang makukulimbat sa ilalim ng gatasang bakang enhanced comprehensive local integration program.”

Ayon sa AMC-NPA ay nakapagtala sila ng serye ng mga pekeng pagpapasuko mula pa noong nakaraang taon. Kabilang dito ang 11 residente ng bayan ng Lopez na napasama sa mahigit 200 rebel returnee na ipinrisinta sa Malacañang noong Pebrero 2018.

Naidokumento rin nila ang insidente ng 14 na taumbaryo ng bayan ng San Francisco, noong Nobyembre, na inimbitahan sa isang pagtitipon ng DSWD para maging benepisyaro ng proyektong pangkabuhayan pero isang programa pala ng “pagbabalik-loob sa pamahalaan”.

Mula buwan ng Enero, naging karaniwan ang pagbabahay-bahay ng mga sundalo para sa sensus, pagpapapunta sa kampo, pag-iinteroga hanggang panghahalughog ng kabahayan. Pinakahuling insidente noong Pebrero ang nangyari sa magsasakang si Diego Remolin ng barangay Malabahay, Macalelon na isang oras na ininteroga at hinalughog ang kabahayan habang tinututukan ng baril ang isa pang magsasaka.

Sa bayan naman ng San Francisco, tatlong lider ng samahang magniniyog ang napilitang magbakwet matapos silang puntahan ng mga sundalo at paratangang CPP-NPA ang nasa likuran ng kanilang samahan.

Sa nakaraang linggo ay may naitalang humigit-kumulang na 300 sundalong nagrerelyebo sa pag-ooperasyon sa Binahian, San Rafael, Cogorin, San Francisco-B sa Lopez; at San Jose, Vista Hermosa, Villa Nacaob at Malabahay sa Macalelon at iba pang mga bayan sa Bondoc Peninsula.

https://www.ndfp.org/engkwentro-sa-pagitan-ng-npa-at-afp-isang-sundalo-patay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.