Saturday, March 30, 2019

CPP/NDF-Bicol: Pinagtatakpan ni Duterte ang Kanyang Kaugnayan sa Malaking Sindikato ng Droga na Pinamumunuan ni Michael Yang at Allan Lim

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 31, 2019): Pinagtatakpan ni Duterte ang Kanyang Kaugnayan sa Malaking Sindikato ng Droga na Pinamumunuan ni Michael Yang at Allan Lim

Maria Roja Banua
Spokesperson
NDF-Bicol
National Democratic Front of the Philippines
March 31, 2019
    
Pinatunayan lamang ng patuloy na pagtatanggol at paglilinis ng Malacañang sa pangalan ni Michael Yang, dating Presidential Economic Adviser ni Duterte, na may basbas at pinakikinabangan ni Duterte ang malawakang operasyon ng ilang mga pinapaburang sindikato ng iligal na droga sa bansa, kabilang ang grupo ni Michael Yang.  Ito ang isa sa mga tuntungan ni Duterte upang ganap na makontrol ang suplay ng iligal na droga sa bansa at maipwesto ang sarili bilang ‘drug overlord’.   Samantala, patuloy na tinutugis at pilit na dinudungisan ang pangalan ng mga nagsasagawa ng imbestigasyon at nakadiskubre sa malapit na koneksyon ni Duterte at ilan niyang pinakamatatapat na tauhan, kabilang si Special Assistant to the President Bong Go, sa grupo nina Michael Yang at Allan Lim.
Kamakailan lamang, ilinantad sa publiko ni dating PSSupt. Eduardo Acierto ang ulat na kanyang sinumite kaugnay dito.  Ayon sa ulat na ito ni Acierto, malinaw na ilinatag ng isang ‘informant’, alyas ‘Panther’, ang kaugnayan nina Duterte at Bong Go kay Michael Yang, alyas ‘Dragon’.  Sina Michael Yang, kasama si Allan Lim, ay tinukoy na utak ng malalakihang pagpuslit ng shabu at operasyon ng mga laboratoryo sa paggawa nito sa Mindanao at Luzon.  Kabilang dito ang pagpuslit ng P11 bilyong halaga ng shabu noong 2018 na itinago sa mga ‘magnetic lifters’ na natagpuan sa Maynila at sa Cavite kung saan nakabase si Lim.  Nagsimula ang patung-patong na mga akusasyong ito kay Michael Yang noon pa mang nagsisilbi si Duterte bilang alkalde ng Davao City.
Ayon mismo kay PDEA Chief Aaron Aquino, tinalakay kay Duterte sa pamamagitan ni Bong Go ang nasabing ulat.   Subalit sa halip na magsagawa ng puspusang imbestigasyon upang patotohanan ang mga ilinahad ni alyas Panther sa ulat ni Acierto, itinalaga pa si Michael Yang sa gabinete bilang Presidential Economic Adviser noong Enero 2018, ilang buwan bago naganap ang pagpuslit ng tone-toneladang shabu.  Kahina-hinala na sa kabila ng mga kontratang nagpapatunay sa pagkakatalaga ni Michael Yang sa pusisyong ito, papaling-paling ang pahayag ng Malacañang hinggil dito.
Matapos nito, ilinabas naman ni Duterte ang kanyang sariling ‘special report’ na naglalaman ng listahan ng mga narco-police.  Ilinagay sa unahan ng listahan si Acierto at itinuro bilang utak sa nasabing pagpuslit ng P11 bilyong halaga ng shabu.  Isinama rin sa listahan ang iba pang miyembro ng isang ispesyal na yunit ng PNP-Drug Enforcement Group na nagsagawa ng imbestigasyon sa sindikatong kinabibilangan nina Michael Yang at Allan Lim.  Ilinagay din ang Bureau of Customs (BOC) sa kontrol ng militar upang tiyaking hindi mailalantad ang iba pang impormasyong magpapatunay sa partisipasyon ng pangkating Duterte sa pagpuslit ng shabu.  Kahina-hinala din na nito lamang Pebrero, nasunog ang upisina ng BOC kung saan nakaimbak ang lahat ng rekord ng mga transaksyon ng nasabing tanggapan.
Higit na makabuluhan ang ulat na ito ni Acierto sa harap ng patuloy na pagkalantad sa mamamayan ng huwad na gera kontra-droga.  Upang muling mapatingkad ang kampanya laban sa droga, pinatampok sa balita ang pagpasok sa bansa ng 276 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.9 bilyon ilang buwan bago ang Eleksyon 2019.  Muling nagkaroon ng tuntungan si Duterte para maglabas ng panibagong listahan ng mga narco-pulitiko.  Kataka-takang wala ni isa sa kanyang pangkatin, alyado, kapartido at kapamilya ang nasa listahan gayong may malinaw na mga tuntungan ng upang magsagawa ng imbestigasyon.  Kabilang dito ang pagkakasabwat ng kanyang anak na si Paolo Duterte at kanyang manugang na si Mans Carpio sa pagpuslit ng P6.4 bilyong halaga ng iligal na droga sa bansa na naipabalita noong Mayo 2017.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang Pilipino na panagutin at ibagsak ang rehimeng US-Duterte bilang utak ng lumalawak na operasyon ng iligal na droga sa bansa.  Ang ‘gera kontra droga’ na kumitil sa puu-puong libong mamamayan ay isang gerang ilinunsad ni Duterte upang maging ganap ang kanyang pagiging ‘drug overlord’.  Dapat ilantad ang tangka ng rehimen na itago ang isinawalat na ulat ni Acierto upang pabanguhin ang imahe nito at matiyak ang pagkapanalo ng kanyang pangkatin sa darating na halalan.
 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.