NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jun 1): Itigil ang militarisasyon at karahasan laban sa mga Dumagat!
Patnubay de Guia, Spokesperson
NDFP Southern Tagalog
1 June 2018
Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Southern Tagalog ang iligal na pag-aresto, detensyon at tortyur ng pasistang pwersa ng 80th Infantry Battalion at 2nd Infantry Division ng Philippine Army sa dalawang Dumagat na sina Rockey Torres at Dandoy Avillaneda gayundin ang walang patlang na militarisasyon sa Brgy. Umiray, Gen. Nakar, Quezon.
Pinaputukan ng warning shots ng mga pwersa ng AFP sina Torres at Avillaneda kasabay ng naganap na engkwentro sa pagitan nito at ng NPA sa hangganan ng Sityo Dadiangao at Sityo Libutan noong Mayo 14 ganap na alas-3 hanggang alas-4 ng hapon. Iligal silang inaresto at idinetine sa Dadiangao Elementary School. Walang awa silang tinortyur ng mga pasistang pwersa ng militar at pilit na iginigiit na kasapi sila ng NPA gayong sila’y mga inosente at simpleng residente lamang ng nasabing barangay. Hindi pa nasapatan ang berdugong AFP, iligal na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso ng pagpatay sina Torres at Avillaneda at paglabag sa gun ban kabilang ang labindalawa pang sibilyang Dumagat.
Mula nang mangyari ang labanan, tumindi ang militarisasyon at nagsilbing pokus ng mga operasyon ng berdugong AFP ang barangay. Dulot nito, sapilitang lumikas ang aabot na sa 200 Dumagat at nalayo mula sa kanilang kabuhayan. Nagtitiis silang manirahan sa tabing-ilog habang inookupa ng mga militar ang kanilang barangay hall.
Ginagawang dahilan ngayon ng AFP ang naganap na mga labanan sa Brgy. Umiray upang isakatuparan ang proyektong diversion tunnel na magdurugtong sa ilog ng Umiray at Angat Reservoir na pagmamay-ari ng isang pribadong kumpanya kapalit ng sapilitang pagpapalayas sa lahat ng Dumagat sa kanilang lupang ninuno.
Hindi lamang mga Dumagat kundi ang ibang mga minorya sa Timog Katagalugan tulad ng Palaw’an at Mangyan ang dumaranas ng ganitong sitwasyon. Sa halip na bigyang kalutasan ang pag-abot ng serbisyong panlipunan sa kanayunan para sa pambansang minorya, pilit na isinasadlak ang mga ito sa busabos na kalagayan sa pamamagitan ng sistematikong paggamit ng karahasan at panggagantso ng mga programang inihahandog ng mga ahensya ng estado tulad ng National Council for Indigenous People at Department of Environment and Natural Resources.
Lumang estilo na ng rehimeng US-Duterte ang paggamit sa kanyang pasistang pwersang AFP-PNP-CAFGU sa desperasyon nitong supilin ang buong rebolusyonaryong kilusan kapalit ng kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang-tao at pagdamay sa mga sibilyang komunidad. Lalo lamang nitong inilalantad ang kanyang sarili bilang anti-mamamayan upang bigyang-daan ang mga imbing pakana nito para sa kanyang ganansya, gayundin para sa mga kasapakat nitong lokal at dayuhang naghaharing-uri.
Kasabay ng panawagan para sa pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP, lalong lumalakas ang hinaing ng aping mamamayan ng kanayunan na pagtibayin ang nilalaman ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER).
Nananawagan ang NDF-ST sa mamamayang Dumagat na patuloy na tumindig at labanan ang tumitinding panggigipit at pang-aapi ng estado at armadong pwersa nito. Kasabay nito, hinihikayat ang buong mamamayan ng Timog Katagalugan na suportahan ang laban ng mga pambansang minorya na ipagtanggol ang sarili at ang kanilang lupang ninuno. Sa gitna ng tumitinding pasismo ng rehimeng US-Duterte, mataas ang pangangailangang higit na isulong ang armadong paglaban ng mamamayan bilang tanging sandata laban sa kontra-rebolusyonaryong dahas ng estado.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.