NPA-Quezon propaganda statement posted to the National Democratic Front Website (Feb 12): Hinggil sa walang pakundangang paglapastangan ni Duterte sa mga babae
PAHAYAG
February 12, 2018
Ka Cleo del Mundo
Tagapagsalita
Apolonio Mendoza Command-NPA-Quezon
Mula 1949 ang Artikulo 27 ng Fourth Geneva Convention ay malinaw na nagsasabing ang anumang anyo ng karahasang sekswal o katulad nito ay isang krimen laban sa sangkatauhan kung ginagawa itong sistematiko at paulit-ulit.
Ang pinakahuling bastos na pahayag ng pasistang pangulo ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas na si Digong Duterte na “barilin sa ari” ang mga babaeng NPA ay hudyat sa naturang krimen at lansakang paglabag sa batas ng digma.
Mariing kinukondena ng buong rebolusyunaryong kilusan sa lalawigan ng Quezon ang panibagong tangka ni Duterte na sirain ang mabuting reputasyon ng CPP-NPA.
Habang patuloy sa paninindak si Duterte na kakalahatiin niya ang bilang ng NPA sa pagtatapos ng 2018 kahit pa mangahulugan ito ng tahasang paglabag sa karapatang tao at batas ng digma (reward system sa mapapatay na NPA, pagdamay sa pamilya ng mga NPA, pekeng pagpapasuko sa mga pekeng NPA, pagbabansag na terorista sa CPP-NPA at suporter nito), ang New People’s Army naman ay naninindigan sa pagsusulong ng isang makatwirang digmang bayan na may mataas na pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga sibilyan, lalo na sa bata at kababaihan.
Ang ganitong mataas na respeto sa kababaihan ang dahilan kung bakit nananatiling ang sektor ng kababaihan ay balon ng mga mandirigma, kumander at kadre ng CPP-NPA sa limang dekadang pakikidigma nito.
Ang ganitong mataas na pagkilala sa karapatan ng babae ang humikayat sa kagaya ko na mag-NPA at buong panahong maglingkod sa mamamayang Pilipino. Sa mahigit isang dekadang pagiging NPA, mapapatunayan ko ang sinseridad ng CPP-NPA sa pagtataguyod ng karapatan ng mga babae.
Bilang patunay, nakasaad sa Tatlong Pangunahing Alituntunin ng Disiplina at Walong Bagay na Dapat Tandaan (mas popular sa katawagang Tres-Otso) ang mataas na pagsasaalang-alang sa karapatan ng babae. Sa Punto 7 — Huwag magsamantala sa mga babae.
Kabaligtarang-kabaligtaran ng patakarang ikinakampanya ng macho-pasistang si Duterte ang disiplina ng NPA, kagaya ng — Maging magalang sa pananalita, Huwag manakit o mang-alimura ng tao, at Huwag magmalupit sa mga bihag.
Bilang ina at NPA na babae, nananawagan ako sa kababaihan ng bansa na mapagpasyang magbalikwas laban sa rehimeng US-Duterte. Madilim ang kinabukasan ng kababaihan sa rehimeng ito.
Nananawagan din ako sa mga unipormadong tauhan ng AFP at PNP na maninidigan laban sa inyong commander-in-chief. Ang kabastusan ni Duterte ay tuwiran at walang pakundangang pang-iinsulto sa inyong mga ina na nagbigay ng inyong kaisa-isang buhay na ngayon ay isinusugal ni Duterte sa kanyang hibang na gera-kontra droga, martial law sa Mindanao at Oplan Kapayapaan.
Tunay na reaksyunaryo at bengatibo ang uhaw sa dugo at manyakis na si Duterte. Sa bawat tagumpay ng NPA, parang pinipitik-sa-bayag si Duterte na kaagad gustong maghiganti.
https://www.ndfp.org/hinggil-sa-walang-pakundangang-paglapastangan-ni-duterte-sa-mga-babae/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.