Thursday, December 7, 2017

Tagalog news: Mga LGU sa Palawan pinulong ng WESCOM kontra NPA

From the Philippine Information Agency (Dec 6): Tagalog news: Mga LGU sa Palawan pinulong ng WESCOM kontra NPA

 

Nakipagpulong ang Western Command (WESCOM) sa mga lokal na pamahalaan ng Palawan upang matalakay at bumuo ng hakbang laban sa rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) sa kanilang nasasakupan.

Ito ay sa pamamagitan ng isinagawang ‘local chief executive forum on anti-terrorism and Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) recruitment and atrocities’ sa WESCOM.

Dito, binigyang ni Lt. General Rozzano Briguez, commander ng WESCOM na dapat paigtingin ang pagkalap ng impormasyon lalo na sa mga liblib na lugar na siyang pangunahing puntirya ng NPA sa kanilang panghihikayat.

Gagamit din aniya ang tropa ng pamahalaan ng teknolohiya lalo na sa komunikasyon sa paglaban sa mga rebeldeng NPA na kumikilos sa kabundukan ng Palawan.

Sa pulong, hiniling ni Mayor Medwin Pablico ng Dumaran na makapagtayo ng detachment ng militar sa barangay Magsaysay dahil sa umano’y presensiya ng rebeldeng grupo na nagsasagawa ng recruitment sa lugar.

Subalit ayon kay Col. Robert Velasco, hepe ng Unified Command Staff ng WESCOM, hindi maaaring maglagay ng detachment ang pamahalaan sa bawat barangay na kung saan mayroong kumikilos na rebeldeng NPA.

Iminungkahi ng mga opisyal ang sandatahang lakas ng Pilipinas na palakasin ng gobyerno ang pagbibigay ng tamang impormasyon, kaakibat ang nararapat na serbisyo sa mga komunidad mula sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Velasco, kadalasan kasi na ang nagiging dahilan ng mga nahihikayat na sumapi sa mga rebelde ay ang kahirapan at hindi patas na hustisya.
Samantala, pinaalalahanan naman ng Department of the Interior and Local Govenrment (DILG) ang mga lokal na opisyal na i-convene at gawing aktibo ang kani-kanilang local peace and order council at magkaroon ng quarterly meeting.

Base sa kumpirmasyon ng WESCOM, 65 barangay ng 10 bayan sa Palawan kabilang ang Puerto Princesa ang nakikitaan ng presensya ng NPA na nagpapalipat-lipat ng lokasyon.

Kabilang sa mga natukoy na lugar ang ilang barangay sa Quezon, Rizal, Bataraza, Brooke’s Point at Sofronio Española sa bahaging sur, San Vicente, Roxas, Taytay, Coron at Busuanga naman sa norte.

http://pia.gov.ph/news/articles/1002927

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.