Sunday, December 10, 2017

CPP/Ang Bayan: Editorial - Labanan at patalsikin ang tuta at pasistang rehimeng Duterte

Propaganda editorial from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Dec 7): Editorial - Labanan at patalsikin ang tuta at pasistang rehimeng Duterte



Lalong tumindi ang mga hakbang ng naghahangad na diktador na si Rodrigo Duterte para sa kanyang ganap na pasistang diktadura matapos niyang makuha ang suporta ng kanyang imperyalistang among si Donald Trump ng US.

Matapos lubusang ibagsak ang usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng National Democratic Front of the Philippines, tuluyan nang idineklara ni Duterte ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) bilang mga “teroristang organisasyon.” Ginawa ang deklarasyon sa batayan ng paglilista ng Department of State ng US sa PKP at BHB bilang mga “dayuhang teroristang organisasyon” sa ilalim ng “gera kontra-terorismo,” Muling ipinamalas ni Duterte ang kanyang todo-todong pangangayupapa sa kanyang imperyalistang amo lalupa’t pabor ito sa kanyang mga pasistang ambisyon.

Sa pamamagitan ng deklarasyong ito, tiyak na makakukuha ang AFP, ang pangunahing pasistang makinarya ni Duterte, ng dagdag na ayuda at gamit-militar mula sa badyet kontra-terorismo ng US. Tulad ng ginawa niya noon sa Marawi nang ideklara niyang “terorista” ang grupong Maute, ibubukas niya ang buong bansa sa papatinding dayuhang interbensyong militar sa ngalan ng “gera kontra-terorismo.” Kapalit nito ang pinaglalawayan niyang mga bagong armas, bomba, eroplano at iba pang gamit-militar na ipang-aatake niya sa lumalabang mamamayan.

Kasabay nito, tiyak na gagamitin din ni Duterte ang naturang proklamasyon para lalupang gipitin ang mga pambansa-demokratikong organisasyon na malisyoso niyang iniuugnay sa armadong kilusan. Sa ilalim ng Proclamation 374, maaari nang ituring na terorista ang sinumang inaakusahang nagbibigay ng pinansyal o materyal na tulong sa BHB at PKP. Maaari na rin itong gamitin ni Duterte laban sa kanyang mga kalaban sa pulitika at maging sa karibal na negosyo ng kanyang mga kroni. Maaari na niyang karakarakang akusahang nakikipagtulungan ang sinumang negosyante para kikilan ang mga ito.

Wala pa man ang deklarasyon, itinayo na niya ang Inter-Agency Committee for Legal Action (IACLA) bilang makinarya para sa “crackdown” sa ligal na kilusan. Mula nang itinayo ito, lalupang dumami ang mga kaso ng iligal na pang-aaresto at panggigipit sa kilalang mga aktibista, inaakusahang tagasuporta ng BHB at mga kamag-anak ng mga pinaghihinalaang Pulang mandirigma sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Paulit-ulit ring binasbasan ni Duterte ang mga krimen at paglabag sa karapatang-tao ng kanyang mga alagad sa militar, paramilitar at pulis laban sa nakikibakang mamamayan.

Mula nang maupo sa pwesto hanggang Disyembre 5, umabot na sa 124 ang pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng teroristang rehimeng US-Duterte. Bukod pa ito sa 13,000 ekstrahudisyal na pamamaslang sa tabing ng kanyang “gera kontra droga” at higit 3,000 sibilyang Moro na iniulat na nawawala at posibleng namatay sa kanyang gera sa Marawi. Sa loob rin ng panahong ito, 1,172 ang mga magsasaka, tagapagtanggol sa karapatang-tao, manggagawa at iba pa, ang iligal na inaresto ng mga pulis at militar. Laganap ang kanyang paggamit ng mga airstrike at kanyon sa mga sibilyang komunidad.

TANDA NG lumalalang krisis ng buong sistemang malakolonyal at malapyudal ang papatinding pasismo ni Duterte. Sa nakikitang pagkakahiwalay ng kanyang paghahari at sa patuloy na pagpapahirap sa mamamayan ng kanyang mga neoliberal na patakaran sa ekonomya, malaki ang takot ni Duterte na patatalsikin siya ng pag-aalsang bayan.

Tumindi naman ang pagkakahati sa hanay ng mga reaksyunaryo bunga ng kroniyismo ni Duterte, pagpabor sa maliit na grupo sa loob ng reaksyunaryong gubyerno, pagkopo niya at kanyang pamilya sa malaking parte ng kurakot at mapaghiganteng paraan ng pagpapatahimik sa mga kalaban sa pulitika. Itinataguyod niya ang militarismo bilang solusyon sa mga itinuturing niyang problema ng bayan at maging sa pagharap sa kanyang mga kalaban sa pulitika.

Malaki ang takot ni Duterte sa paglakas ng rebolusyonaryong kilusan kapwa sa kanayunan at kalunsuran at sa namumuong galit ng mamamayang Moro sa ginawa niyang pagwasak sa Marawi at patuloy niyang pagkakait ng kanilang karapatan sa pagpapasya-sa-sarili. Kumakapit siya nang husto sa among imperyalistang US, at sunud-sunurang nagpapahulma sa kung saan man siya gustong gamitin nito para sa militaristang mga disenyo sa Asia-Pacific.

Para gapiin ang mamamayan, kinumbina ng rehimen ang pinakamasasahol na aspeto ng naunang mga kampanyang panunupil ng nagdaang rehimen. Kabilang dito ang taktikang militar at operasyong kombat na pawang tumatarget sa mga sibilyang komunidad. Dagdag dito ang paggamit ng mga modernong kagamitan tulad ng mga drone, pang-atakeng helikopter, eroplanong pambomba at kanyon.

Tulad sa nakaraan, kakumbina ang mga operasyong militar sa kanayunan sa tahasang pag-atake sa hayag na demokratikong kilusan sa kalunsuran at mga sentrong bayan ng lunsod.

Ang lahat ng ito ay epektibong mahaharap ng mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng ibayong determinasyon, inisyatiba, paghahanda at pag-angkop ng pagkilos.

Dapat maglunsad ng masinsin, malaganap at masiglang pagpapaliwanag sa mamamayan upang tuluy-tuloy silang pagkaisahin at itaas ang kanilang kamulatan at determinasyon para lumaban. Ilunsad ang malakihang mga mobilisasyong masa, ipalaganap ang mga panawagan sa pamamagitan ng radyo at social media. Ilantad at bakahin ang bawat kaso ng panggigipit at panunupil. Palakasin at palawakin ang mga organisasyong masa hanggang sa mga sentrong bayan, kapitolyo, at pangunahing sentrong urban.

Para sa mga aktibista at progresibong ginigipit ng rehimen, bukas ang mga larangang gerilya para sa kanila. Kasabay nito, dapat paunlarin pa ang lihim na pagkilos sa papalalim at papalawak na kilusang lihim sa kalunsuran.

Sa harap ng lahat ng ito, dapat lalong panghawakan ng Bagong Hukbong Bayan ang inisyatiba sa paglulunsad ng paparami at papalaking mga taktikal na opensiba. Bigwasan ang mga nag-ooperasyong yunit ng “peace and development” at iba pang mahihinang bahagi ng kaaway. Kabisahin ang kapasidad ng modernong mga kagamitang militar, para epektibong iwasan, patamaan, o isabotahe ang mga ito. Kumprehensibong pagplanuhan ang pagpapalawak sa mga larangang tinambakan ng mga tropa ng AFP.

Ang superyoridad ng rebolusyonaryong pulitika at pagkakaisa ng mamamayan para itaas ang kanilang paglaban ang pinakamatalas na sibat laban sa pasistang rehimeng US-Duterte. Dapat mahigpit itong hawakan at walang lubay, paulit-ulit na patamain sa pinakamakitid na target para mabilis itong pahinain at pabagsakin.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/201712-labanan-at-patalsikin-ang-tuta-at-pasistang-rehimeng-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.