NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Aug 5):
Pahayag ni Maria Roja Banua sa Parangal ni Ka Karlo//Andres Hubilla Martir ng Sambayanan
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
5 August 2017
Ipinapaabot ng NDF-Bicol ang pinakamataas na pagpupugay sa apat na martir ng sambayanang Pilipino na nagbuwis ng kanilang buhay nitong Hulyo 28 sa Trece Martirez, Casiguran, Sorsogon. Nakikiisa ang NDF-Bicol at lahat ng kasama sa pagdadalamhati ng kanilang mga kapamilya’t kaibigan. Gayundin, pinupuri ng buong rebolusyonaryong kilusan ang Sorsogon sa pagluluwal ng mamamayang malinaw na gumagampan sa pagbubuo ng kasaysayan ng pagpapalaya ng uring api. Pakatandaang marahas mang pinunit ng mga bala ang hininga mula sa kanilang katawan, hindi kailanman mapapalis ng mga berdugo ang kanilang alaala mula sa ating puso’t isipan. Dapat manginig ang tuhod ng taksil na bayarang sundalo at estado pagkat mula sa ating mga luha ay uusbong ang libong rebolusyonaryong maniningil sa kanilang utang na dugo sa bayan.
Si Andres Hubilla ay kilala bilang Ka Carlo, Ka Magno, Ka Bunso at Pay ng kasama’t masa. Siya ang nag-iisang Lolo Pay para sa napakaraming kabataang nakasaksi’t nakapiling niya sa kanyang walang sawang pakikisalamuha sa masa. Taong 1958, tulad ng kanyang tukayo, ipinanganak din siya sa huling araw ng Nobyembre sa Sta. Cruz, Casiguran, Sorsogon.
Aki nin paraoma kaya harani ang boot sa mga paraoma.
Di pa man Martial Law naging bahagi na ng Kabataang Makabayan ang isa sa kanyang mga kapatid. Habang nakatanghod sa kanilang mga pulong pag-aaral unti-unti siyang namulat sa mga isyu sa lipunan at ang bahagi na dapat gampanan ng mamamayan para mabago ito. Katorse’t nagbibinata siya nang ilegal na inaresto’t ikinulong noong 1975 matapos ituro ng isang impormer. Hindi nakaligtas ang kanyang murang katawan sa panonortyur sa loob ng dalawang buwan niyang pagkakapiit. Matapos mapainalo sa korte ang kanyang kaso, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral. Likas na lider, naging Sangguniang Kabataan Chairman siya noong 1976 sa kanilang lugar.
Makwela niyang naikukuwento kung paanong paglampaso’t pagpapakain ng baboy ang nakatawid sa kanyang pag-aaral hanggang matapos niya ang kursong BS Education sa Annunciation College ng Sorsogon (ngayo’y Saint Lewis College). Naging bahagi siya ng konseho ng mga mag-aaral sa buong panahon niya sa kolehiyo. Biro pa nga niya, wala nang ibang kukulit pa sa mga estudyante ng high school. Madalas daw siyang tuksuhin ng kanyang mga estudyante sa Annunciation High School ng Bacon, Sorsogon dahil mas matangkad pa sa kanya ang ilan sa mga ito. Ngunit sa kabila ng patuloy na pagsulong ng kanyang karera, napaloob siya sa lihim na organisasyon ng mga magsasaka noong 1984. Di naglaon, 1986, sumumpa siya bilang kandidatong kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas. Taong 1987 nang magpasya siyang buong panahong maglingkod sa Bagong Hukbong Bayan. Pagkatapos ng isang taong pagpultaym sa BHB, 1988, sumumpa siya bilang ganap na kasapi ng Partido.
Saksi ang ilang henerasyon ng mga Sorsoganong naging estudyante ni Ka Karlo sa iba’t ibang antas ng edukasyong ibinigay niya kung gaano kahusay niyang ginampanan ang gawain sa instruksyon. At bilang estudyante rin ng pamantasan ng buhay-uring api, naging malikhain siya kung paano ilapat ang kanyang teoretikal na kakayanan sa pang-araw-araw na pakikibaka.
Sadyang mahilig sa mga bata si Lolo Pay. Maliban sa kanyang limang anak, itinuring niyang anak ang lahat ng bata sa lahat ng lugar na napuntahan niya. Hindi na mabilang ang mga batang nakapagpatuloy ng pag-aaral dahil sa pagpupursige niya’t kanyang kolektibo na makapagpalitaw ng mga rekurso para matulungan ang mga bata. Hindi na bagong tanawin ang paglalakad ni Lolo Pay kasama ng mga tumatawang kabataang nakikipagkulitan sa kaniya.
Tuloy-tuloy ang kanyang ipinakitang katapatan sa paggampan ng anumang gawain at tungkuling iniatang sa kanya. Matapos ang ilang dekada ng matapat na pagsisilbi at walang pag-aalangang paghubog sa sarili sa komunistang balangkas, ihinirang siyang kalihim ng prubinsya ng Sorsogon at di kalauna’y kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon.
Bilang kalihim ng isa sa mga sumusulong na sonang gerilya sa buong rehiyon at bansa, malaki ang naiambag ni Kasamang Carlo at ang kanyang kolektibo sa paglalatag ng lakas at pagbababalanse ng rebolusyonaryong pwersa sa buong rehiyon at bansa. Buong tatag na hinarap ng prubinsya ang pananalasa ng magkakasunod na oplang pinakawalan ng pasistang estado. Sa halip na mapadapa ang prubinsya tulad ng kanilang ibinubudyong, higit pa itong nakapagpalakas at nakapagpalawak.
Kung tutuusin eksperto na si Ka Carlo sa pagpuslit mula sa bitag ng kaaway. Apat na beses na siyang nakulong at sa lahat ng pagkakataong ito ay nakaalpas siya’t nakabalik sa piling ng masa’t pulang hukbo sa iba’t ibang paraan. Biro pa nga niya noong mahuli siya sa pangatlong pagkakataon: Oh no, not me, na naman?! Ipinataw sa kanya ang disiplinaryong aksyong mahigpit na babala dahil sa pagluluwag niya sa usapin ng seguridad.
Sa kabila nito, hindi nakapigil sa kanyang pagiging organisador ang mga panahong siya’y nakapiit. Itinuring siyang tunay na kaibigan at tagapagpayo ng kanyang mga kasama sa kulungan. Ibinukas niya ang kanilang mga mata upang unawain ang isang lipunang nabubulok at hungkag ang sistema ng hustisya. Sa ilalim ng kanyang paggabay, naging aktibo ang mga nakakarsel sa pagbubuklod ng sarili at pagkilala ng maaari pa nilang maiambag sa lipunan. Malaki ang pasasalamat ng kanyang mga “kakosa” dahil naibsan ang gang war sa loob ng kulungan habang nandoon si Ka Karlo.
Isinilang si Miguel “Ka Billy” Himor noong Mayo 28, 1996 sa kaparehong baryo ni Andres Hubilla. Hinubog ang kanyang kamulatan sa kandungan ng lumalawak na pulang kapangyarihan. Bata pa lamang siya’y aktibo na sa grupo ng kabataan. Hindi tulad ng ibang kabataang nangangarap na magkaroon ng marangyang buhay o kaya ng kasikatan, sa murang edad malinaw na ang mga pangarap ni Ka Billy bilang pulang mandirigma. Aktibo niyang ginampanan ang mga gawaing itinakda sa kanya ng Partido bilang part-timer habang naghihintay na dumating sa tamang edad dahil hindi pa siya maaring tanggapin sa BHB.
Matalas ang paggagap ni Ka Billy sa pagsasamantalang minsang siya mismo ang nakaranas bilang mala-manggagawa sa Maynila. May ilan taon rin siyang naging tindero sa isang tindahan doon. Ngunit ilang panahon matapos ang ang kanyang ika-18 kaarawan, kagyat siyang umuwi sa Bikol para sumampa sa BHB taong 2014.
Isa si Ka Billy sa mga kabataang hukbo na kinakitaan ng potensyal sa gawaing militar. Tangan ang kanyang kakwelahan, pinagagaan niya ang pagharap sa anumang balakid na sinusuong. Bukod tangi rin ang disiplinang ipinakita niya sa pagkapit sa prinsipyo ng simpleng pamumuhay at tuluy-tuloy na pagpapanibagong hubog laluna nang maipakat sa gawaing istap ng prubinsya.
GGSS o gwapung-gwapo sa sarili si Ka Billy, pero para sa kanya ito ay biro lang para mapatawa ang mga kasama. Hindi rin nagtagal, may napaniwala naman siya. Wagas kung umibig, ika nga nila. Pero rebolusyonaryong pag-ibig. Tangan ng binuo nilang rebolusyonaryong pamilya ang pag-ibig na hindi makasarili, bagkus hinulma nila ang kanilang pagpapamilya sa balangkas ng pagbabago ng daigdig. Puno ng pag-asa si Ka Billy habang ipinagbubuntis ng kanyang asawa ang kanilang pangalawang anak.
Hindi nakapagtataka kung gayon kung bakit mas pinili ng kaaway na paslangin si Ka Karlo at Ka Billy. Walang rehas na makakapigil sa isang komunista para magmulat, mag-organisa at magpakilos. Kung tutuusi’y mas nakakapinsala sa hanay ng kaaway ang talas ng linyang gumagabay sa rebolusyonaryong tunguhin ng mga kasama.
Kaya’t sa kanilang pagpanaw, suklian natin ang kanilang walang pag-iimbot na sakripisyo; ang buo-buong pag-aalay sa sarili sa bayan; ang bukod tanging bakas na iginuhit ng kanilang pakikipagrebolusyon! Hiramin natin kay Ka Karlo ang paborito niyang mga kataga: Huwag mag-alala! No narcotic side-effect! Makakaasa ang mamamayang Bikolano’t Pilipino na sa kabila ng paglamlam ng liwanag mula sa kanilang mga mata, ipagpapatuloy ng Sorsogon at buong Bikol ang pagtahak sa rebolusyonaryong landas para sa tagumpay!
Si Ka Karlo at si Ka Billy, mga pulang hukbo ng Casiguran, ay isang patak lamang sa daluyong ng sanlaksang nagngangalit na mamamayan na handang magbuwis ng buhay para sa bayan. Sa kasalukuyang ipinapakitang kabangisan ng Rehimeng US-Duterte, hindi dapat mangimi ang sambayanan. Walang itinatangi ang nag-uulol na estado sibilyan man o pulang hukbo. Dapat singilin ang mga berdugo’t bayaran sa pagmasaker sa dalawa pang sibilyan sina Arnel Borres at Dick Laura! Marapat na ipagtanggol ng mamamayan ang karapatang mamuhay sa isang lipunang tunay na malaya at payapa.
Wara na ki ibang mas kukusog pa sa satong pagkasararo!
Pagpupugay sa lahat ng martir ng sambayanan!
Tahakin ang landas na kanilang hinawan!
Ipadagos ang digmang bayan!
Mag-upod sa Bagong Hukbong Bayan.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.